Wikang Filipino ang aking wika —
Wikang binusabos ng mga banyaga
Sa puso ng aming nuno, tumubong kusa;
Yumabong sa dusa't sa dilig ng luha.
Ito ang wika ng magigiting, matatapang
Subok nang tunay sa iba't ibang laban.
Sa taglay na lalim ng kanyang talasalitaan
Nagsilbing hiyas, itinala sa kasaysayan.
Paglipas ng panahon, lalong pinagtibay
Lumago nang lumago nang may pinagbatayan,
Lumawak nang lumawak dahil ito nga ay buhay,
Nadagdagan nang nadagdagan ng mga salitang hiram.
Ang Wikang Filipino'y, Wikang namumukod-tangi:
Wikang pinagyayaman ng labis na kandili,
Wikang matatag sa anumang uri ng aglahi,
Wikang ginagamit ng sambayanang may iisang mithi.