Return to site

MAGKAIBANG KULAY, IISANG PANGARAP

ni: DAYANG DAYANG RAIMA J. SALIH

Sa isang bayang pinagmumulan ng ibat ibang kultura, ang Isabela City sa Basilan, ay may isang kakaibang paaralan na matatagpuan sa ibabaw ng dagat.

Oo, mga silid aralan na gawa sa kahoy na pinagdudugtong upang maging isang kakaibang paaralan. At ang tanging paraan upang makarating dito ay sa pamamagitan ng mga bangka. Ito ay ipinatayo para sa mga kabataang nabubuhay sa laot!

Unang araw ng klase, at halatang sabik ang mga mag-aaral dahil sa ingay na naririnig mula sa loob at labas ng buong munting paaralan.

"Assalamu alaykum!" bati ni Indah, isang batang Yakan, habang inaayos ang kaniyang makukulay na bag na may habing disenyong Tennun ng Yakan mula sa kaniyang ina.

"Wa alaykumus salam, Indah! Ako si Utoh," sagot ng batang Tausug na bago rin sa paaralan. "Bagong lipat lang kami mula sa Maluso."

"Hola! Bien alegre gat iyo man hunto kun ustedes, iyo si Rosa, taga - Lamitan. Chavacano iyo!" masiglang pakilala ng isa pang batang babae.

"Ako naman si Nura … dakayu’ Sinama-Badjao. Min tiya’ kami patanna’ ma Lukbuton, Malamawi," sabay ngiti habang hawak ang lumang aklat.

Sa araw na iyon, nabuo ang isang kakaibang samahan. Magkakaiba man sila ng pinagmulan at wika, iisa ang layunin: makapag-aral at makamit ang kanilang mga pangarap.

Masaya silang magkasama bawat araw. Nagkakaunawaan pa rin kahit ibat iba ang mga wika na kinalakihan at ginagamit sa kanilang mga tahanan.

Pagkaraan ng ilang araw ay lubusan na silang magkakilala sa loob ng klase. Alam na ng bawat isa sa kanila ang ilang mga katangiang taglay ng kanilang mga kaibigan.

“Mabait at matalino si Nura,” ani Rosa na nakikinig kay Nura habang nagsasalita sa harapan.

“Oo nga, si Indah naman ay masipag at masayahin. Hindi ba kahapon ay buong araw niyang pinagsabay ang paglilinis ng ating silid-aralan at pag-aaral para sa ating pagsusulit bukas?” sabi naman ni Utoh.

“At ikaw Utoh, ay matapat at likas na matulungin. Maaasahan ka Talaga sa lahat ng gawain natin, pareho kayong dalawa ni Rosa,” saad naman ni Indah.

Dumating ang kalagitnaan ng taon.

Si Indah ay madalas na hindi makapasok simula ng pumanaw ang kanilang tatay. Kailangan na ng kaniyang nanay maghanap-buhay upang mairaos silang magkapatid. May tatlo pa siyang mga kapatid na maliliit. Dahil tinutulungan niya ang kaniyang ina sa paghahabi, paggawa at pagbebenta ng mga kasuotang Yakan, lagi siyang napapaliban sa klase. Ayaw na ayaw niyang lumiban kahit isang araw subalit nangangailangan ng tulong ang kanilang ina lalo pa na tumatanda at humihina na rin ang kaniyang katawan at kalusugan.

"Gusto ko pong pumasok araw-araw, Nura," ani Indah habang nililinis nila ang silid-aralan. "Pero kailangan ko rin pong tumulong kay nanay sa kanyang paghahabi upang may maibili kami ng pagkain."

"Naiintindihan kita. Alam mo, magtulungan tayo. Ako ang kukuha ng notes mo kapag wala ka, tapos turuan kita tuwing hapon," mungkahi ni Nura. “Ipapaliwanag ko rin sa ating guro ang iyong problema. Huwag ka ng mag-alala.”

Samantala, si Rosa ay nahihirapang intindihin ang ilang bahagi ng Filipino dahil sa Chavacano siyang lumaki.

“Dificil man gayot iyo intende este Filipino," nahihiyang sambit niya sa guro.

“Huwag kang mag-alala. Kapag narito ka sa paaralan araw-araw ay mabilis mo rin yan matututunan,” saad ng guro. “Sipag at tiyaga lang ang kailangan natin upang matuto ng ibang wika na hindi natin nakagisnan”

“Alam mo ba Rosa, dahil sa hindi ka nahihiyang magtanong sa akin ng mga kailangan mong maintindihan sa Filipino ay isa nang mabuting simula para sa iyo. Ipagpatuloy mo lang,” dagdag pa ng kanilang guro.

Lumapit si Utoh at nagboluntaryong tulungan siya. " Rosa, turuan kita sa Filipino, ikaw naman, turuan mo ako ng konting Chavacano. Man ayudahan kita dos," pangiting sabi ng kaibigan.

Masayang tumango si Rosa. “O sige kaibigan. Simulan na natin ngayong araw. Ikaw ay magsasalita sa akin ng Filipino at ako naman ay sasagot sa iyo ng Chavacano”.

Nang araw na iyon, nagsimula silang mag-aral nang sama - sama tuwing hapon sa ilalim ng punong mangga sa maliit na bakuran ng paaralan na may kaunting lupa. Doon na rin sila nag uusap ng mga bagay na madalas nilang ibinabahagi sa isa’t isa.

"Sana hindi ko na kailangan pang magtinda ng mga kulintang pagkatapos ng klase," malungkot na sabi ni Utoh.

"Kailangan ko ring tumulong kay Ama sa pangingisda. Iniimbak pa namin yung mga nahuling isda sa yelo " sagot ni Nura.

"Ako naman, palagi kaming abala sa paghahabi ng damit. Kailangan ko rin dalhin ang mga telang nahabi ni nanay sa palengke bawat hapon," sabi ni Indah.

"Ganun din kami, tumutulong ako sa pagluluto ng empanada para ibenta," dagdag ni Rosa.

"Pero paano natin matatapos ang ating proyekto kung abala tayong lahat?" tanong ni Nura. Tahimik sila sandali hanggang may ideya si Indah: "Puwede tayong magtulungan pagkatapos ng klase habang nagtitinda tayo!"

"Mahusay na ideya! Sama - sama tayong matatapos ang proyekto," sagot ni Rosa na may sigla.

Araw - araw, sabay silang gumagawa ng takdang-aralin habang nagtitinda ng empanada, tela, o isda pagkatapos ng klase. Ibinahagi rin nila ang kanilang kultura sa bawat isa.

"Masarap pala ang empanada ninyo, Rosa. Ngayon palang ako nakatikim ng ganito," papuri ni Indah.

"Salamat! Gusto ko rin ang ganda ng mga habing Tennun ninyong Yakan. Ang hirap palang gawin yan," tugon ni Rosa.

"Sa amin naman, ang dagat ang buhay namin, kaya lahat kaming magkakapatud ay marunong lumangoy at sumisid, " kuwento ni Nura.

"Tayo, lahat tayo may sariling galing," sabi ni Utoh na ngumiti nang maluwag.

Isang araw, nabalitaan na lamang ng kanilang guro na nadala sa ospital sa Zamboanga ang nanay ni Indah dahil naging malubha na ang kanyang pag - ubo kaya naging sanhi ito ng kaniyang sakit sa baga at pamamaga sa puso. May mga mabubuting – loob na nagbigay tulong upang gumaan ang mga bayarin sa ospital subalit sa huling araw may kulang pa rin ng ilang libo.

"Paano na kami ngayon?" umiiyak na sabi ni Indah.

“Ya Allah, pagalingin mo po ang mahal naming nanay. Huwag mo po siyang pababayaan. Gabayan mo po kami lagi, ” sabay dasal ni Indah.

Agad na kumilos ang tatlo niyang kaibigan. Nagplano silang nagbenta ng mga produktong Chavacano, Yakan, at Tausug upang makalikom ng sapat na pera.

"Para ito sa nanay ni Indah!" sigaw ni Utoh habang inaayos ang munting tindahan na gawa sa kahoy napulot sa paligid.

Maraming bumili, mga kapwa mag-aaral, guro at bisita ng kanilang paaralan dahil natuwa sila sa pagkakaisa ng apat. Kumalat din sa internet ang balita sa kalagayan ng nanay ni Indah. Marami ang personal na bumisita at nagpadala ng tulong pinansyal.

Sa wakas, nakalikom sila ng halaga upang madagdagan pa ang pambayad ng nanay ni Indah sa ospital. Napaiyak sa saya at lubusan ang pasasalamat ni Indah kasama ang kaniyang nanay at buong pamilya.

"Tunay ngang sa pagkakaisa, walang imposible, Alhamdulillah." sabi ng nanay ni Indah.

"Salamat, mga kaibigan," sabi ni Indah habang may luha ng saya sa mga mata.

"Hindi tayo mag-iiwanan," sagot ni Rosa.

Ilan araw ang lumipas nagkaroon ng paligsahan sa paaralan. Gagawa ng mural sa vinta tungkol sa pagkakaisa sa gitna ng pagkakaiba ang mga mag-aaral sa bawat baitang. Pinangungunahan ng grupo nina Indah, Utoh, Rosa at Nura ang proyekto sa ikatlong baitang.

"Gamitin natin ang mga simbolo ng kultura natin," mungkahi ni Nura. "Yung habing Yakan, vintang Sama, kulintang ng Tausug, at fort ng mga Chavacano."

"Lalagyan din natin ng mensahe: 'Pagkakaiba ay Kalakasan'" dagdag ni Rosa.

Habang ginagawa ang proyekto, nagtulungan silang lahat. Si Indah ang nagdisenyo, si Utoh ang nagkulay, si Rosa ang sumulat ng mensahe, at si Nura naman ang tagapayo sa mga kaibigan at tagaayos ng mga kagamitan.

Ang saya nilang apat. Hindi nila namalayan na patapos na rin ang araw. “ Uwi na tayo,” sabi ni Rosa. “Tutulungan pa natin sina tatay at tatay sa gawaing bahay,” dugtong naman ni Nura.

Dumating ang araw ng presentasyon. Marami ang lumahok sa paligsahan. Makukulay na mga vinta ang naka parada sa tabi ng dagat. Bawat vinta ay may sariling disenyo na kakaiba. Humanga ang mga guro at panauhin sa likha ng mga mag-aaral. Hindi nagtagal ay lumabas na rin sa wakas ang resulta ng mga hurado.

“Mananalo kaya tayo?” tanong ni Utoh.

“Manalo matalo, ayos lang. Ang mahalaga sumali tayo at umasa dahil pinagkaisahan natin ito. Nagsumikap naman talaga tayong tapusin ang ating proyekto,” ani naman ni Indah.

"Ang grupo ng ika – tatlong baitang ang nanalo!" anunsyo ng punong-guro.

Hindi sila makapaniwala dahil magaganda ang mga vinta ng ika - lima at ika - anim na baiting. Napuno ng tuwa at pasasalamat ang kanilang puso.

Ngunit higit sa lahat, natutunan nila ang tunay na halaga ng pagkakaibigan, pagtutulungan, at respeto sa kultura ng bawat isa.

"Hindi lang tayo nanalo," sambit ni Utoh. "Natutunan nating ang pagkakaiba ay hindi hadlang kundi tulay tungo sa tagumpay."

"Tama!" sigaw ng apat sabay taas ng kanilang kumikinang na tropeo.

Ang kanilang samahan ay naging inspirasyon sa buong paaralan. Pinakita nila na kahit magkakaiba man sa wika, gawi, at antas sa buhay - kapag may disiplina, respeto, sipag, at pagmamahal sa pamilya, maaaring magtagumpay.

“Ano kaya ang laman ng ating sobre? “ tanong ni Rosa habang winagayway ang puting sobre na ibinigay sa kanila bilang gantimpala sa pagkapanalo kasabay ng tropeo.

“Buksan na natin!” saad naman ni Nura.

“Aba ang daming pera nito. Lahat ba ito ay para sa atin? Mabilang nga,” at nagsimula ng bumilang nang sabay sabay ang apat na magkaibigan sa nilalamang pera.

“Limang libong piso! Paano natin hahatiin yan kung apat tayo?” tanong ni Indah.

“Ang bawat isa sa atin ay mababahagian ng tig - iisang libo dalawang daan at limampung piso. Tama na ba?” sagot naman ni Utoh.

“Tama! Ang galing mo talaga sa Matematika.” ani Rosa na hangang hanga kay Utoh.

“Ang sa akin ay ilalagay ko sa alkansya para sa pangangailangan ni inay. Mag – iipon ako para sa kanya” pahayag ni Indah.

“Ako naman ay ibibigay ko kay tatay at nanay bilang sorpresa para hindi na muna sila magbebenta ng empanada kahit isang araw man lang. Makapag pahinga sila ” pangiting sabi naman ni Rosa.

“Bibilhan ko muna ng munting regalo ang ating guro bilang pasasalamat pati na rin sina tatay, nanay at mga kapatid ko.” ani Utoh.

“Ako naman ililibre ko muna kayo ng kaunting salo salo at ibibigay ko rin sa mga magulang ko itong napanalunan natin,” masayang sabi ni Nura.