Return to site

ANG NAKUA

(Ang Napili o The Chosen One)

ni: JOSHANE VAL REJALDE NARCIDA

Sa pinakatimog na bahagi ng Luzon ay matatagpuan ang isang malawak na lupain na lubos na minamahal ni Bathala, ang rehiyon ng Ibalong. Ito ay sagana sa mayayabong na kagubatan, matatayog na kabundukan, malulusog na katubigan, at samut saring hayop at kabuhayan. Sa sentro nito ay matatagpuan ang kaharian ng Albayan na sumasakop sa kabuoan ng Ibalong. Matulin at mapayapa ang naging pag-unlad ng kaharian, mayroon itong maayos na kabuhayan at ligtas na pamumuhay. Ang Albayan ay pinaninirahan ng libo-libong pamilya na kumakapit sa mga pangunahing kabuhayang makikita dito gaya ng pagsasaka at pangingisda. Sa likod ng umuusad na kaharian ay ang maalaga at mahabagin na hari na si Ugmana at ang mapagmahal at maarugang asawa at reyna na si Dayang. Ang mag-asawa ay labis na malapit sa inang kalikasan, kaibigan nito ang lahat ng ibon sa himpapawid, gayundin ang bawat puno sa kagubatan. Dahil nga mahal ni Bathala ang Ibalong, naniniwala sila na ang mga kabundukan at karagatan ay ang pisikal na katawan ni Bathala. Sa kadahilanang ito, nagtatag sila ng polisiyang naglalayong ingatan at pangalagaan ang tinatanging hiwaga ng rehiyon. Dagdag pa rito, araw-araw ay umaakyat sila Ugmana at Dayang sa tuktok ng bundok Kalayon kung saan matatagpuan ang puno ni Bathala at nag-aalay ng isang malusog na kambing bilang simbolismo ng pasasalamat sa kanya. Ang puno ni Bathala ay ang puso ng rehiyon at mahigpit itong inaalagaan sapagkat dito nagmumula ang kasaganahan ng buong lupain.

Ang kabutihan nina Ugmana at Dayang ay lubos na ikinalugod ni Bathala. Kaya naman, sa isang maulan na gabi ay nagpadala si Bathala ng isang anghel para maiparating ang balitang paniguradong ikatutuwa ng mag-asawa. Ibinalita ng anghel sa mag-asawa na magkakaroom sila ng isang malusog anak na lalaki bilang regalo ni Bathala sa mabusilak nilang pagkatao. Hindi napigilang bumuhos sa mga mata ni Dayang ang mga luhang puno ng kaligayahan. Matapos ang mahabang paghihintay ay nasagot ang kaisa-isa nilang pinapangarap. Pagkalipas ng sampung buwang pagdadalang tao, nasaksihan ng buong Albayan ang kapanangakan ng prinsipe na pinangalanang Mahadon.

Gaya ng kanyang mga mga magulang, lumaking may mabait na puso si Mahadon. Sa murang edad, ay maalam na ito sa mga tamang asal at napakalapit sa inang kalikasan. Masayang nakikihalubilo si Mahadon sa mga mamamayan ng kaharian kung saan natutunan niya ang iba’t ibang bagay gaya ng sikreto sa pagluluto ng laing at pansit bato, hanggang sa pagsayaw ng sinakiki tuwing may pista. Dagdag pa rito, gaya ng kagawian ng kanyang ama’t ina, bago sumapit ang dilim ay nag-aalay ng isang kambing si Mahadon bilang pagpupuri kay Bathala. Kitang-kita ang tuwa sa mga mata nina Ugmana at Dayang sa nakikitang maayos na paglaki ng kanilang batang prinsipe. Subalit, nang nagbibinata na si Mahadon, tila hindi lang ang pisikal na itsura ang nagbago, ngunit pati na rin ang kanyang pag-uugali. Napansin nina Ugmana at Dayang, gayunadin ang ibang malalapit na tao, na pumait ang dating mapagmahal na puso ng prinsipe. Naging madalas ng napagsasabihan ng ina si Mahadon. May pagkakataon rin na bumitaw ang prinsipe ng masasakit na salita tungo sa kanyang ina.

Nag-aalala na si Ugmana sa tila pagiging pusong bato ni Mahadon, labis na rin ang awang nararamdaman niya tungo sa kanyang asawang pinipilit intindihin ang kanilang anak. Kinausap niya ito sa kanyang silid at kinamusta ang kalagayan ng prinsipe. Bumaliktad ang ngiti ni Mahadon ng maramdaman ang presensiya ng kanyang ama dahil alam niyang makakarinig muli siya ng isa nanamang leksiyon. Binanggit ni Mahadon ang kahilingan niyang umupong susunod na hari sa lalong madaling panahon, ngunit ng tanggihan ito ng kanyang ama ay walang pakundagang umalis si Mahadon sa kanyang silid at iniwan ang kanyang ama mag-isa.

Sa pangyayaring ito, nag-usap sina Ugmana at Dayang sa silid-kainan kinagabihan nito. Hindi nila batid kung saan sila nagkamaling palakihin ang kanilang anak at kung bakit naging ganoon na lamang ang naging kaniyang pag-uugali. Ikinabahala na ito ni Ugmana, nag-aalala siya sa magiging kahihihatnan ng Albayan kung si Mahadon na ang uupong hari nito, batid niyang hindi pa niya handang buhatin ang kay bigat na tungkulin. Hindi niya ipaparaya ang ganoong pag-uugali, kaya naman, inanunsiyo niya sa kaniyang anak na hindi siya maaaring maging hari kung hindi niya kayang baguhin ang kaniyang mapait na pagkatao. Mahirap man ang naging desisyon ng mag-asawa, naniniwala sila na nariyan pa rin ang anak na minamahal nila. Subalit, lubos itong ikinagalit ni Mahadon, hindi siya makapaniwala sa naging desisyon ng kanyang ama. Kinabukasan, bugso ng kanyang galit, kinuha ni Mahadon ang kanyang mga kagamitan at tumakas patungo sa isla ng Catandan, kanlurang isla mula sa kaharian ng Albayan.

Pagkadating niya sa isla, sinalubong siya ng isang matandang babae na may kakaibang itsura. Napansin ng prinsipe ang kakaibang katangian ng matanda, mayroon itong magarbong kasuotan, mahabang dila, at kumikinang na pulang mata. Walang kasalukuyang nakatira sa isla ng Catandan, kaya’t gulat na gulat ang prinsipe ng imbitahin siya ng matanda patungo sa kanyang maliit na kubo. Duda man sa tunay na pagkatao, tinanggap ni Mahadon ang imbitasyon ng matanda. Pagdating sa kubo, nagpakilala ang matanda bilang isang anghel na tagapamalaga ng isla, tinanong niya kung ano ang pakay ni Mahadon sa pagpunta rito. Ipinaliwanag ni Mahadon ang galit na nararamadaman niya sa kanyang pamilya dahil ipinagkait sa kanya ang trono kaya niya napagdesisyunang magpakalayo. Napangiti ang matanda sa ikinuwento ng prinsipe at sinabi.

“Mayroon akong alam na paraan upang ika’y maging hari, prinsipe.” Magaspang na sambit ng matanda.

Nakuha ang atensiyon ni Mahadon at agad itinanong sa matanda. “Ano naman po ang dapat kong gawin?”

“Umakyat ka bundok ng Kalayon kung saan matatagpuan ang puno ni Bathala at sunugin mo ito, ng sa gayon ay magalit si Bathala sa iyong ama at ina at matakwil sa kanilang posisyon.” Pangiting sagot ng matanda.

“Ngunit, hindi po ba ako ang malalagot kay Bathala kung gagawin ko ito?” tanong ni Mahadon.

“Wag kang mag-alala prinsipe, pagkatapos mong sunugin ang puno, agad kang bumalik rito at makakaasa ka sa iyong kaligtasan.” Sambit ng matanda.

“Ano sa tingin mo prinsipe? Hindi ba nais mom aging hari?” pangungutyang sabi ng matanda.

Hindi man sigurado si Mahadon sa tunay na pagkatao ng matanda, isinantabi niya ang isipang ito at pinangunahan niya ang pagnanasa niyang maging hari. Bago sumapit ang liwanag, naglayag si Mahadon pabalik sa kaharian. Habang namamahinga pa ang marami, dali-dali niyang inakyat ang madilim na daan patungo sa bundok Kalayon upang walang makakita sa kanya. Narating niya ang puno ni Bathala sa pagsikat ng araw, walang nagbabantay o nakatirang sino man sa tuktok ng bundok dahil ipinagbawal ito nina Ugmana, kaya’t buo ang loob niyang walang makakakita sa kanya. Sinumulan niyang ipunin sa tabi ng puno ang mga sanga at tuyong dahon, inayos niya ito paikot sa puno ni Bathala. Nang makitang handa na ang lahat, hindi na siya nagdalawang isip sunugin ang puno. Napaatras si Mahadon ng mabilisang kumalat ang apoy paakyat ng puno. Dahan-dahan ng kumakalat ang apoy sa kagubatan, kaya’t bago pa ito lumaki, dali-dali ng bumaba si Mahadon sa bundok Kalayon pabalik sa isla ng Catandan.

Sumalubong sa mga umaga ng pamilya ang isang makapal at maitim na usok na nagmumula sa bundok Kalayon. Nagsitakbuhan ang mga pamilyang nakatira malapit rito, nabahala rin ang mga pamilyang nasa loob ng kaharian sapagkat natatanaw nila ang nangyayaring sunog sa bundok. Bagamat malayo ang bundok Kalayon mula sa mismong kaharian, nangamba sila na baka umabot ang sunog sa loob nito.

Hindi makapaniwala sina Ugmana at Dayang habang pinagmamasdan ang patuloy na pagkalat ng apoy na tumupok na sa mahigit kalahati ng kagubatan. Dagdag pa rito, hindi pa rin batid ng mag-asawa ang kalagayan ni Mahadon na kahapon pa nila pinaghahanap. Ang kulay asul na kalangitan ay mabilisang nangitim at maya-maya pa’y bumuhos ang isang malakas na ulan kasabay ng mga nakakabinging kidlat at naghahampasang hangin. Sa lakas ng bagyo, nasira ang lahat ng mga tanim sa bukirin, bangka na nakaparada sa dalampasigan, at mga tahanan ng bawat pamilya na tila nabura mula sa balat ng lupa. Ang tanging nakatayo na lamang ay ang kastilyo ni Ugmana at Dayang. Bumukas ang maliwanag na silaw sa kalangitan at sumigaw si Bathala.

“Ano ang ginawa ni Mahadon?” Nagulat ang mag-asawa sa sinabi ni Bathala sapagkat wala silang kaalam-alam na ang kanilang anak ang nasa likod nito.

“Simula ngayon ay isinusumpa ko ang lahat ng nabubuhay sa lupaing ito!” Sigaw ni Bathala.

Nagsara ang kalangitan at tumigil ang malakas na ulan. Labis ang pagdadalamhati ng mag-asawa, kitang-kita mula sa kanilang kaharian ang pinsalang dinulot ng trahedya. Wala ng natira sa Albayan, ang dating kulay berdeng kalupaan ay naging tila lantang na lugar. Pagkaraan ng ilang buwan, marami na sa mga tao ang pumiling lumikas patungo sa ibang rehiyon dahil hindi na nabubuhay ang mga tanim sa lupa ng Ibalong, bihira na rin lamang ang mga nahuhuling isda mula sa karagatan sapagkat wala ng biyayang natatanggap ang mga tao mula sa puno ni Bathala. Madalas na rin tamaan ng malalakas na bagyo mula sa karagatang Pasipiko ang rehiyon, dahilan kung bakit mapapadalas ang baha at pagguho ng lupa na lubos na nakakaapekto sa mga naninirahan dito.

Hindi na alam nina Ugmana at Dayang kung papaano maisasalba ang kahariang unti-unting dumudulas sa kanilang kamay. Nais nilang humingi ng tawad kay Bathala alang-alang sa kanilang anak na hanggang ngayon ay hindi pa rin nila natatagpuan. Dahil ang puno ni Bathala ang nagsisilbing pinagmumulan ng kasaganahan, napagdesisyonan ng mag-asawa na umakyat muli sa maputik na daan paakyat sa bundok Kalayon at mag-alay ng isang kambing sa puno ni Bathalang ngayo’y kulay abo. Pagkatapos mag-alay, taimtim silang nagdasal kay Bathala, humihingi sa pagpapanumbalik sa dating hiwaga ng Ibalong, gayundin sa kaligtasan ng kanilang anak. Sa hindi inaasahang pangyayari, nagulat ang mag-asawa ng biglang nagkaroon ng hindi matawarang pagyanig. Tumumba ang mga patay na puno at nagsiliparan ang mga ibon, nagkaroon ng hugis bilog na mga bitak sa kinatatayuan ng mag-asawa. Maya-maya pa, bago pa man makalikas ang mag-asawa, bumigay ang mga bitak at hawak-kamay nahulog sina Ugmana at Dayang sa kalaliman ng bundok. Sa lakas ng pagyanig, ang dating lupang kinatatayuan ng puno ni Bathala ay naging bunganga na ng bulkan. Lumitaw din ang anim pang bulkan na kumalat sa buong Ibalong.

Nag-alala ang mga natitirang pamilya sa kahairan na nakaramdam sa pagyanig, batid nila na ang mahal na hari at reyna ay nasa tuktok ng bundok. Dali-daliang inakyat ng mga tao ang bundok upang iligtas ang mga kamahalan ngunit sa kasawiang-palad, bumungad na lamang sa kanila ang mainit na bunganga ng bulkan. Kumalat sa buong Albayan na kinain na ng bundok sina Ugmana at Dayang, ang usap-usapang ito ay kalaunay nakarating kay Mahadon. Umuwi ang prinsipe sa Albayan isang araw matapos marinig ang balita, hindi niya inaasahang aabot sa kamatayan ng kanyang ama’t ina ang kanyang pagnanasa maging hari. Naging usap-usapan ng mga tao ang pagbabalik ni Mahadon sa kaharian, hinala nila na ang prinsipe ang siyang nagsimula ng sunog. Subalit, dahil walang kasalukuyang nakaupo sa trono, labag man sa loob ng iba ay tinanghal bilang panibagong hari si Mahadon.

Labis ang pangungulila niya para sa kanyang ama’t ina. Kahit nakuha niya na ang kanyang hangad maging hari, naramdaman niyang parang walang saysay ang kanyang narating. Sa kabila nito, piniling niyang mabuhay para sa kanyang namapayang magulang at nais niyang maibalik ang kahariang itinayo para sa Ibalong. Kaya naman, sa mga unang buwan ng kanyang paghahari, inutusan niya ang lahat ng mamamayan ayusin ang pinsalang iniwan ng sunog at bagyo. Tagumpay niyang nagawa ito. Subalit, hindi nagtagal ay humarap sa matinding suliranin ang hari. Karamihan sa mga mamamayan ng Albayan ay namamatay na sa gutom. Lahat ng mga sinubukang itanim ay nabibigong mabuhay dahil bukod sa patay na lupain, madalas na din tamaan ng mababagsik na bagyo ang rehiyon. Sa karagatan naman, ang dating libo-libong huli ng isda sa isang araw ay naging sandaan na lamang na hindi sapat masustentuhan ang buong kaharian. Makalipas ang isang taon, lalong lumala ang kahirapan sa kaharian. Sa isang buwan, dalawang bagyo ang tumatama sa rehiyon na nagdudulot ng matitinding pinsala. Sa puntong ito, tanggap na nilang sinumpa ni Bathala ang rehiyon, kaya't lumikas na ang mga natitirang tao kahit hindi sigurado kung saan tutungo.

Wala ng nagawa si Mahadon sa pag-alis ng maraming pamilya. Lumipas ang ilang buwan, siya na lamang ang natitirang nakatira sa Ibalong. Ang kahariang pangarap niyang maitayo ay unti-unting nalulumot. Labis ang pagsisisi at galit na nararamdaman niya sa kaniyang sarili, ngayon niya lang napagtanto na nalinlang siya ng matandang nakasalamuha niya noon sa isla ng Catandan. Kahit mahirap na ang kalagayan ng Ibalong, tumanggi siyang magbagong buhay sa ibang rehiyon at nanatiling tapat sa kaharian ng kanyang ama. Araw-araw, sinisikap ni Mahadon na magtanim ng mga gulay o mangisda mula sa karagatan, subalit, madalas siyang umuuwi ng biguan.

Unti-unti ng nanghihina si Mahadon, ang dating malusog na pangangatawan ay naging parang isang patay na tao. Sinubukan niya muling mangisda upang magbakasakaling may mahuhuli. Habang naglalakad patungo sa dalampasigan, natagpuan niya ang isang ligaw na kambing. Hindi ito pangkaraniwan sapagkat wala ng mga hayop na nabubuhay sa Ibalong. Labis ang tuwang naramdaman ng prinsipe, ngunit sa halip na gawin itong panghapunan ay umakyat siya sa bulkan Kalayon upang ialay ang kambing. Simula ng sinunog niya ang puno, hindi niya na kayang umakyat ng bundok sapagkat kinakain siya ng kaniyang konisyensiya sa tuwing naaalala ang kanyang magulang. Kahit marupok na ang kalagayan tiniis niyang dinala ang kambing paakyat sa masukal na daan ng bulkan. Inabot na siya ng dilim bago makarating sa nagbabagang bunganga ng bulkan. Bago ialay ang kambing, napatingala siya sa buwan at hinarap ang kanyang sarili kay Bathala.

“Patawarin mo ako! Tanggapin niyo ang alay na ito!” Humahagulgol na sigaw ni Mahadon sa kalangitan.

Nabulabog siya ng biglang magbukas ng isang nakakasilaw na liwanag sa kalangitan.

“Mahal kong Bathala! Tanggapin mo ang aking alay sa’yo. Ipapangako ko na sa susunod ay magdadala ako ng sandaan pang alay, ibalik mo lang ang Ibalong!” nagmamakaawang hiling ni Mahadon kay Bathala.

“Isinumpa ko ang buong Ibalong dahil sa iyong kagagawan. Ngunit, ang kambing na nakita mo sa kagubatan ay isang pagsusulit. At dahil pinili mong ialay ang kambing sa halip na unahin ang iyong pangangailangan, bibigyan kita ng isang pagkakataon.” Sagot ni Bathala.

Nagsara ang pintuan sa kalangitan at nagdilim ang buong paligid. Maya-maya pa, ang sukduklang dilim ng bunganga ng bulkan ay nagkaroon ng liwanag at sumunod ang tinig ni Bathala.

“Ibabalik ko ang kasaganahan ng Ibalong ngunit sa isang kondisyon. Batid kong naparirito ka upang mag-alay ng isang kambing. Subalit, kahit libo-libo pa ang dalhin mo ay hindi kailanman magiging sapat para mapatawad ko ang iyong kasalanan.”

“Kung ganon, ano ang nais mong gawin ko mahal na Bathala?” tanong ni Mahadon.

“Pakawalan mo ang kambing, sapagkat ikaw ang pinipili kong maging alay para sa akin. Kung nais mong mabalik ang lupain mo, samahan mo ang iyong ama’t ina sa puso ng bulkan.” Utos ni Bathala.

Wala ng sumunod na tinig mula kay Bathala. Tumahimik ang buong kapaligiran at unti-unting pumatak ang mabibigat na patak ng ulan. Tumayo si Mahadon at nagkandarapang naglakad patungo sa kanyang itinaling kambing. Buo na ang loob ng haring sundin ang itinakdang kondisyon ni Bathala. Hirap niyang kinalas ang tali at pinakawalan ang kambing na agad-agad tumakbo sa madilim na kagubatan. Lalong lumakas ang buhos ng ulan, sinabayan na ito ng malalakas na ihip na hangin at nakakabinging kulog. Dahan-dahang naglakad si Mahadon sa bunganga ng bulkan, sa bawat hakbang ay inaalala niya ang tamis-pait niyang naging kapalaran sa buhay. Sinilip niya ang kumukulong puso ng bulkan, ramdam niya ang matinding init na nilalapnos ang kanyang balat sa mukha. Tumingala si Mahadon at bumulong sa sarili.

“Ma, Pa, magsasama na muli tayo. Nawa ay mapatawad niyo ako.” At sabay tumalon sa kailaliman ng bulkan.

Namatay ang liwanang sa bulkan at yumanig ang buong Ibalong. Dahil sa ‘di matawarang lakas ng lindol, lumitaw mula sa kalupaan ang anim na bulkang kumalat sa iba’t ibang parte ng rehiyon. Tumumba ang mga patay na puno, humampas ang malalaking alon sa dalampasigan, at gumuho ang natitirang nakatayong kaharian ng Albayan. Dulot ng lindol, ang bulkan Kalayon kasabay ng anim pang bulkan, ay nagpaputok ng makakapal na usok at libo-libong kilo ng abo na kumalat sa bawat bahagi ng rehiyon. Umabot ang matinding usok mula sa bulkan sa mga karatig lugar ng Ibalong. Marami ang pamilyang nagkasakit at pansamantalang nawalan ng kabuhayan. Halos hindi na makita ang Ibalong dahil sa kapal ng usok at dami ng abong kumalat dito.

Wala ng nagtangkang bumalik sa Ibalong, itinuring na nila itong ‘lupang kamatayan’ dahil walang matatagpuang kahit anong senyales ng buhay doon. Subalit, hindi nagtagal, napansin ng mga napapadaan na may mga halamang tumubo sa lupaing ito. Makalipas ang ilang buwan, ang dating kulay abong kalupaan ay naging isang malawak na damuhan. Kumalat ang nakakagulat na balita, buhay muli ang rehiyon ng Ibalong, at mas masagana pa ito kumpara noon. Unti-unti, ang mga dating pamilyang nakatira sa rehiyon ay bumalik sa kanilang tahanan, malusog na ang mga tanim nila rito dahil sa sustansiya na nanggaling sa ibinuga ng mga bulkan. Bukod pa rito, napansin nila ang isang kakaibang puno.

Tinawag nila itong puno ng pili, nakuha ang inspirasyon sa pangalan nito mula sa mga kuwento ng mga nakasaksi kay Mahadon sa gabing pinili siya ni Bathalang maging sakripisyo. Ito ay tumutubo lamang mula sa masustansiyang lupang nanggaling sa pagsabog ng pitong bulkan. Kung ikukumpara sa karaniwang lupa, ito ay mas masagana sapagkat pinaniniwalaang mula ito sa pagmamahalan nina Ugmana at Dayang nung sila ay kinain ng bundok. Ang puno ng pili ay may kakaibang bunga, mayroon itong dalawang patusok sa magkabilang dulo na maihahalintulad sa mata ng isang tao. Matigas ang balat nito at nagbabago ng kulay sa pagdaan ng panahon. Naguumpisa ito sa kulay berde, susunod ay magiging kulay lila, hanggang sa tuluyang mangitim ito. Sa loob ng matigas na balat, matatagpuan ang kulay puting maning nakabalot sa kayumangging balat, ito ang bahagi ng bunga na maaaring kainin. Tinawag itong mani ng pili. Ito ang representasyon sa naging pag-uugali ni Mahadon. Ang kulay berdeng balat ng bunga ay ang mabusilak na puso ni Mahadon noong siya ay bata pa, at ang onti-onting pangingitim ng bunga ay sumisimbolo sa onti-onting pagpait ng ugali niya. Ang kulay puting mani ng pili ay sumisimbolo sa natirang kabutihang loob ni Mahadon noong inalay niya ang kaniyang sarili sa bulkan.

Ang puno ng pili ay matatagpuan sa buong rehiyon ng Ibalong. Hindi nagtagal, ito na ang naging pangunahing kabuhayan ng mga nakatira rito. Kadalasan ay hinahaluhan ito ng matamis na nagiging masarap na meryenda sa bawat pamilya. Bukod pa rito, isa itong punong hindi nagpapatumba sa mga bagyong dumadaan. Sa halip na masira, mas lalo pa itong yumayabong sa tuwing nakakaramdam ng gulo sa paligid nito, saktong-sakto dahil madalas tamaan ng naghahagupit na bagyo ang rehiyon kada taon. Ito ang tanging ipingamamalaki ng Ibalong. Dagdag pa sa ipinagmamalaking tampok ng Ibalong ay ang ganda ng pitong bulkan na inakala ng marami ay sumpa sa rehiyon, subalit ito pala ay nakatagong pagpapala. Ang bulkan na malapit sa dating kaharian ng Albayan ay tinawag nilang bulkang Mayon, nanggaling sa katutubong salitang “Magayon” na nangangahulugang maganda. Sa pagdaan pa ng maraming henerasyon, nagpatuloy magbigay kabuhayan ang puno ng pili, at naging tatak na ito ng rehiyon.