Return to site

ANG MGA ILAW SA LAMAY

ni: JASON P. RICAFORTE, EdD

“Aba Ginoong Maria…” Napupuno ka nang Grasya ang panginoon ag Diyos ay sumasaiyo bukod kang pinagpala sa babaeng lahat at pinagpala ka naman ng iyong anak ni Hesus.” Dasal ni Jason hawak ang rosary.

Si Jason ay lumaking sanay sa amoy ng kandila, bulaklak, at mahihinang bulong ng dasal. Ang kanyang ina, si Aling Nila, ay kilala sa buong barangay bilang isang deboto ng Mahal na Birheng Maria at miyembro ng Legion of Mary. Mula sa simpleng pamilya, tahimik, mapagkumbaba, ngunit matatag sa pananampalataya sa Diyos.

Tuwing may namamatay sa nayon kamag-anak, kapitbahay, kaibigan, maging kaklase ni Jason lagi silang naroroon. Hindi para makiusyoso. Kundi para magdasal.

Isang gabi, muli silang naglakad sa madilim na kalsada patungo sa isang lamay. Hawak ni Aling Nila ang kanyang rosaryo.

Mahigpit.

Sa loob ng bahay, maririnig ang hikbi. Ang pamilya ng namatay ay nakapaligid sa kabaong. Tahimik na lumuhod si Aling Nila. Sumunod si Jason.

“Aba Ginoong Maria…”

Paulit-ulit. Ganito sila gabi-gabi.

Ngunit may napansin si Jason habang tumatagal. Habang nagdadasal sila sa bawat lamay, napapansin niyang may mga taong dumadalaw sa patay na parang may hinahanap. Hindi lang nakikiramay. Tumingin-tingin. Para bang may sinusuri.

At si Jason… nagsimulang mapaisip. Saan na kaya ang mga taong dati nilang ipinagdasal? Yung mga pinuntahan nilang lamay noong nakaraang taon? Noong isang buwan? Noong nakaraang linggo?

Mula noon, tuwing gabi ng lamay, hindi lang dasal ang ginagawa ni Jason. Tahimik siyang nagmamasid. Hinahanap niya ang mga mukha ng mga taong nakilala nila noon sa ibang lamay. Ngunit wala. Parang nawawala na rin sila. Unti-unti, napuno ng takot ang kanyang isip.

“Ganito rin kaya ang mangyayari sa amin?”

“Kapag kami na ang nawala… may magdadasal pa kaya?”

Isang gabi, hindi na nakatiis si Jason.

“Nanay… bakit po tayo laging pumupunta sa lamay?”

Ngumiti si Aling Nila. “Para ipagdasal sila, anak.”

“Pero… nasaan na po yung mga taong ipinagdasal natin dati?”

Napatahimik ang ina. Sa unang pagkakataon… Hindi siya agad nakasagot.

Kinabukasan, may namatay. Ngunit kakaiba. Si Aling Nila. Biglaan. Tahimik. Parang natulog lang. Iyakan… Muli

Ngayon, si Jason naman ang nasa tabi ng kabaong. Ngunit ang mas nakapagtataka. Ang bahay nila ay napuno. Mga kapitbahay. Mga kaklase. Mga pamilyang dati nilang pinuntahan. Isa-isa silang lumalapit. May hawak na rosaryo. At narinig niya ang pamilyar na dasal.

“Aba Ginoong Maria…” Napupuno ka nang Grasya ang panginoon ay sumasaiyo bukod kang pinagpala sa babaeng lahat at pinagpala ka naman ng iyong anak ni Hesus.”…

Napatingin si Jason sa paligid. Ngayon niya nakita. Hindi pala nawawala ang mga taong ipinagdarasal nila. Nagiging ilaw lang sila sa ibang dilim. Ang bawat lamay na pinuntahan nila ng kanyang ina… Ay tila paghahasik ng dasal. At ngayong sila naman ang nangangailangan

Ang mga dasal na iyon… Bumalik.

Habang nagdadasal ang lahat, napansin ni Jason ang isang batang tahimik na nakaluhod sa sulok. Hawak ang rosaryo. Nakatingin sa kabaong ng kanyang ina. Tulad ng ginagawa ni Jason noon. At doon niya naunawaan

Ang dasal ay hindi natatapos sa kamatayan.

Ipinapasa ito. Parang apoy.

Mula sa isang puso… Patungo sa susunod.