Return to site

ANG HULING UPUAN

ni: PRINCESS R. BIOL

Tahimik ang silid-aralan nang pumasok si Xin. Sa bawat hakbang niya papunta sa pinakahuling upuan ay tila may kwentong walang nakaririnig, nakayuko siyang umupo habang mahigpit na yakap ang lumang kuwaderno, sa mata ng kanyang mga kaklase isa lamang siyang tahimik na estudyante palaging puyat, bihirang magsalita, at madalas walang baon. Hindi nila alam na sa likod ng kanyang katahimikan ay may buhay na puno ng pagsubok.

Bago pa sumikat ang araw, gising na si Xin upang tulungan ang kanyang lola sa maliit nilang puwesto sa palengke, sumasalubong sa kanya ang amoy ng sariwang karne, ang maiingay na tawaran ng mga mamimili, at ang sigawan ng mga tindera. Tuwing matatapos ang klase, muli siyang bumabalik upang magbuhat ng mga paninda, maglinis ng tindahan, at alalayan ang kanyang lola na hirap nang maglakad dahil sa rayuma. Kahit pagod, hindi niya kailanman pinabayaan ang kanyang pag-aaral, sapagkat naniniwala siyang ang edukasyon ang magiging tulay upang makaahon sila sa kahirapan.

Isang Lunes, masayang pumasok ang kanilang guro.

"Magkakaroon tayo ng patimpalak sa pagsusulat," sabi ng kanyang guro, "Ang tema ay 'Boses ng Bayan, Wika ng Pag-asa: Pagtataguyod ng Hustisya at Pagkakaisa.' Isulat ninyo ang kuwentong nais ninyong marinig ng buong Pilipinas."

Nagsigawan ang ilan sa kanyang mga kaklase. Agad silang nagsimulang magplano ng mga kuwento tungkol sa mga bayani, pinuno, at mahahalagang pangyayari sa kasaysayan.

Ngunit narinig ni Xin ang mahinang bulong mula sa likuran.

"Ano naman kaya ang maisusulat niya?"

"Tahimik nga 'yan, baka wala ring maipasa."

Ngumiti lamang siya, hindi siya sumagot.

Nang gabing iyon, habang nag-aayos sila ng paninda, napansin niyang kulang ang isinukli ng isang mamimili sa matandang tindera sa katabing puwesto. Nakita rin niya ang isang batang naglalako ng sampaguita kahit dapat ay nasa paaralan, paglingon niya sa kanyang lola, nakita niyang pilit nitong itininatago ang sakit sa mga tuhod habang patuloy na naghihiwa ng karne upang may maipangtustos sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Doon niya naunawaan na ang tunay na kwento ng bayan ay hindi lamang matatagpuan sa mga aklat ng kasaysayan. Ito ay nabubuhay sa bawat ordinaryong Pilipinong tahimik na nagsasakripisyo araw-araw para sa kanilang pamilya.

Iyon ang kanyang isinulat.

Hindi tungkol sa mga sikat na tao.

Hindi tungkol sa mga tanyag na bayani.

Kundi tungkol sa mga karaniwang Pilipinong mga tindera, manggagawa, mag-aaral, at matatandang patuloy na lumalaban sa kabila ng hirap. Isinulat niya na ang tunay na hustisya ay nagsisimula sa pagiging tapat at patas sa kapwa, at ang tunay na pagkakaisa ay makikita sa simpleng pagtulong kahit walang hinihintay na anumang kapalit.

Lumipas ang isang linggo, pumasok ang kanilang guro na may hawak na papel

"Tahimik muna ang lahat," sabi nito.

Huminto ang ingay ng silid-aralan.

"Ang nanalo sa patimpalak sa pagsusulat ay..."

Saglit na natahimik ang buong klase.

"Xin Francisco."

Parang huminto ang oras.

Ang mga matang na dati hindi siya pinapansin ay sabay-sabay na napalingon sa kanya. Ang ilan ay hindi makapaniwala, habang ang iba ay napayuko sa hiya dahil sa kanilang naging paghusga.

"Xin," ngumiti ang guro, "maaari mo bang basahin ang iyong isinulat?"

Dahan-dahang tumayo si Xin, bahagyang nanginginig ang kanyang mga kamay habang hawak ang kanyang kuwaderno. Ngunit nang magsimula siyang magbasa, unti-unting napalitan ng katahimikan ang buong silid.

Sa bawat salitang kanyang binigkas, tila nakita ng lahat ang buhay ng mga taong madalas nilang hindi napapansin ang mga tindera sa palengke, ang mga batang nagsisikap makapag-aral, ang mga manggagawang walang sawang kumakayod, at ang mga lola at lolong patuloy na lumalaban para sa kanilang pamilya.

Nang matapos siya, walang nagsalita.

Makalipas ang ilang sandali, isang malakas na palakpakan ang umalingawngaw sa buong silid aralan. Ang iba niyang kaklase ay lihim na nagpahid ng luha.

Mula noon, nagsimula ang pagbabago sa kanilang paaralan. Nagkaroon ng programang tumutulong sa mga estudyanteng kapos sa buhay. Natuto ring maging mas maingat ang mga mag-aaral sa kanilang pananalita at mas handang makinig sa kuwento ng iba. Unti-unti nilang naunawaan na ang bawat tao ay may laban na hindi nakikita ng iba.

Lumipas ang isang buwan.

Muli na namang umupo si Xin sa kanyang dating upuan sa pinakahuling hanay, ngunit ngayon, iba na ang kanyang nararamdaman. Hindi na siya ang batang hindi napapansin. Napatunayan niyang hindi kailangang maging mayaman, makapangyarihan, o sikat upang marinig ang iyong gustong sabihin

Sapagkat ang isang simpleng kuwento ay maaaring magmulat ng isip, magbuklod ng puso, at magsimula ng pagbabago.

Dahil ang tunay na boses ng bayan ay hindi lamang nanggagaling sa mga makapangyarihan ito'y nagmumula rin sa mga ordinaryong Pilipinong may tapang na magsalita para sa katotohanan.