Return to site

ANG GAMPANIN NG FILIPINO AT KATUTUBONG WIKA

ni: JESSIE T. SANTIAGO

· Volume V Issue I

Ang wika ay kaluluwa nitong ating bansa

Pinanday at pinagyaman ng mga dalubwika

Kasangkapang tunay sa pag-aral at pagtuklas

Sa diwang paglingap ay tunay nating namalas.

 

Wika’y kasangkapan, upang lumaganap kaalaman

At siya ring nagpabatid sa mayamang kasaysayan

Mula sa paniniil ng mga dayuhang mananakop

Wika ang nagpabuklod sa Pilipino at nagkupkop.

 

Kung mayroon mang wikang, nalikhang maging panlunas

Sa diwang Kolonyalismo tayo ay makaalpas

Iyan ang Pambansang Wika, tawag ay Filipino

Salamin nitong Kultura at Lahing Pilipino.

 

Sa pagpapalaganap ng usaping pangkapayapaan

Pinagtibay ng batas, itong ating pagkakakilanlan

Tatlong kapuluan, pinagkaisa ang ugnayan

Filipino at Katutubong Wika, pinagyaman.

 

Wikang Tagalog, pamana ng Biak na Bato

Na pinakinabangan ng maraming etniko

Wikang Filipino, ambag ni Pangulong Quezon

Isaman rin natin, natala sa Konstitusyon.

 

Maraming laban, binagtas nitong ating wika

Subalit ‘di nagpatinag, sa pwersang banyaga

Kongreso ay umaksyon sa gabay ng probisyon

Surian ng Wika, nakabuo ng solusyon.

 

Seguridad ng wika, kailangang alagaan

Laban sa sigwa at banta ng mga wikang dayuhan

Mabuti na lamang, at diksyunaro’y pinayagan

Upang magpalaganap ng hitik na kaalaman.

 

Upang makatugon sa pambansang pangangailangan

Ang Filipino at Katutubong Wika’y pagningasin

Kalakasan at kakayahan nito’y palaganapin

Sa pagpapatupad nitong Katarungang panlipunan.

 

Gampanin nitong wika ay pahalagahan

Katuwang ito sa malayang talastasan

Ingklusibo sa kapatira’t unawaan

Tungo sa pagkakabuklod ng sambayanan.

 

Instrumental ang wika sa pagsagot ng katanungan

Upang ang mga tao ay magkaroon ng kabatiran

Anuman ang gunam-gunam, gumugulo sa isipan

Wika ang kasangkapan sa pagtuklas ng kaalaman

 

Regulatori ang wika, sa pagtimo ng karunungan

Na dapat ikintal sa puso at isipan

Mabuting kaugalian ay tunay nating nalalaman

Upang magpayabong sa ating katauhan.

 

Interaksyunal ang wika na manatili ang ugnayan

Sa loob at labas man nitong ating bansa

Kapatira’t Bayanihan nakasanayan

Tatak ng Pilipino, diwang maka-Bansa.

 

Personal sa atin ang tungkulin ng wika

Upang ipahayag ang sariling adhika

Kalayaan at karapatan ating nakamtan

Utang na loob natin sa ‘ting Inang Bayan.

 

Imahinasyon naman ang yaman ng wika

Upang makalikha ng mga Obra Maestra

Sa anumang larangan nitong Panitikan

Mababakas Kasaysaya’t Kabayanihan.

 

Impormatibo naman itong wika natin

Upang malaman ang hitik na karanasan

Indibidwal, pangkat man at iba pang samahan

Mahalaga’y ugatin pagkakalinlan natin.

 

Filipino at Katutubo, wika ng kapuluan

Seguridad na tunay sa’ting malayang bayan

Lakas at bisig sa Ingklusibong kaalaman

Tungo sa pagbabago at makatarungang lipunan.