Return to site

ANG BAYAN NG ALPABETO

ni: JONNA MAE O. PARREÑO

· Volume V Issue I

Sa isang pook na masagana sa kaalaman ay makikita ang isang bayang tanyag sa tawag na Alpabeto. Ang bayang ito ay kilala dahil sa mga naninirahang mga letrang tumutulong sa pag unawa sa pagbabasa ng mga mamamayan. Mayroong dalawamput walong letrang naninirahang sa bayang ito. Ito ay sina A, B, C, D, E, F, G, H, I, J, K, L, M, N, Ñ, NG, O, P, Q, R, S, T, U, V, W, X, Y, Z. Ang mga letrang ito ay nahahati sa dalawang pangkat; ang mga Katinig at ang mga Patinig. Tinaguriang pinakakilala sa bayan ang pangkat ng mga Patinig sapagkat sila ang palaging bukambibig at ginagamit sa pagbabasa ng mga mamamayan. Ang pangkat ng mga Katinig ay kilala rin bilang katuwang sa pagbabasa ng mga tao maliban kay Enye. Si Enye ay palaging pinagtatawanan ng kapwa niya letra sa tuwing sila ay magkakaroon ng pagkakataong magkita-kita.

"Magandang araw sa inyong lahat mga magigiting na mga letra, ipanatawag ko kayo ngayon dahil tayo ay bubuo ng isang panibagong mga salita na makatutulong sa pagbibilang ng mga mamamayan ng Alpabeto. Pumunta lamang sa gitna ang mga tatawagin ko sa pagbuo ng mga salitang ito", ayon sa kanilang puno na si Tandang Pananong.

ISA DALAWA TATLO

APAT LIMA ANIM

PITO WALO SIYAM

SAMPU

"Sila ang mga letrang magiging katuwang ko sa panibagong salitang gagamitin ng bayan ng Alpabeto", dagdag pa ni Tandang Pananong bago niya tapusin ang pagpupulong sa mga kasamahang mga letra.

"Tandang Pananong, matagal na po ako rito sa bayan ng Alpabeto subalit hindi pa po ako naisasama sa pagbuo ng mga salita, kailan po kaya ako mabibigyan ng pagkakataong makatulong sa bayan natin?", panlulumong tanong ni Enye.

"Huwag kang mag-alala Enye, darating din ang panahon na makasasama ka na sa mga kasamahan mong letra sa pagtulong sa mga mamamayan sa bayang ito", sagot naman ng puno sa kanya at agad na tinapos ang kanilang pagpupulong.

"Huwag ka na kasing umasa Enye! Wala kang silbi sa bayan! Sa tagal ng ating paninirahan sa bayang ito ay wala ka pang salitang nabubuo!", pabulyaw na sabi sa kanya ni Patinig A.

"Tama! Wala kang silbi"! Segunda ni Katinig K.

"Umalis ka na sa bayan ng Alpabeto"! dagdag pa ng iba niyang kasamahan.

Hiya. Ito ang nararamdaman ni Enye habang pinapakinggan ang mga masasakit na salitang sinasabi sa kanya ng kanyang kasamahang mga letra. Agad itong umalis na umiiyak.

"Wala akong silbi! Ilang taon na ako rito sa bayan ng alpabeto subalit wala pa rin akong salitang nabubuo. Sana'y nawala na lamang ang linyang nasa ulo ko! Sana'y katulad na lang ako ni Katinig N o 'di kaya'y ni katinig NG", umiiyak na sambit ni Enye sa sarili.

"Hindi ako nakatutulong sa aming bayan, mas mabuti pa na umalis na lamang ako rito", dagdag pa nito at nagpakalayo sa kanilang lugar.

Hindi alam ng pangkat ang pag-alis sa bayan ni Enye. Patuloy lamang sila sa paggawa ng kanilang gawain. Isa na rito ay ang paggawa ng panibagong salita. Isang hapon ay nagpatawag ng pagpupulong si Tandang Pananong.

"Magandang hapon sa inyong lahat! Ipinatawag ko kayo dito dahil nakatanggap ako ng sulat galing sa bayan ng Cebu. Ang bayan ay may gaganaping isang pagdiriwang para sa pagpapakilala ng kanilang bagong Santo. Ito ay tatawaging “Santo Niño” . Ito ay isa sa pinakamatandang relikya ng Pilipinas na iniregalo ng kilalang kastilang mananakop na si Ferdinand Magellan kay Rajah Homabon”. “Isang karangalan na tayo ang napili upang mapangalanan ang kanilang bagong Santo”. Masayang wika ni Tandang Pananong.

SANTO NIÑO

"Sila ang mga letrang kinakailangan sa pagbuo ng pangalan ng panibagong santo sa lungsod ng Cebu. Enye! Nasaan ka na? Ito na ang iyong pagkakataong makatulong sa pagbuo ng mga salita", nasasabik na sabi ni Tandang Pananong.

Subalit walang Enye na sumagot sa panawagan ni Tandang Pananong.

"Hindi na po siya babalik Tandang Pananong, umalis na po siya. Ako na lang po", sabat ni Katinig N at pumwesto upang mabuo ang salitang SANTO NIÑO.

Subalit hindi kaaya-ayang basahin ang letrang N sa binubuo niyang salita.

"Ako naman po Tandang Pananong", ayon naman kay Katinig NG.

Ngunit kagaya ni Katinig N hindi rin kaaya-ayang basahin kung si NG ang ilalagay na letra sa pagbuo ng salita. Bigla nilang naalala si Enye. Napagtanto nila ang kahalagahan ni Enye sa kanilang pangkat. Napagdesisyunan nila na hanapin ito upang makahingi ng tawad at maibalik ito sa kanilang bayan.

Sa kanilang paghahanap nakita nila ito sa karatig bayan. Siya ay nasa isang sulok at may bibit na. isang gunting upang gupitin ang linya sa kanyang ulo. Subalit pinigilan siya ng kanyang mga kasama.

"Huwag Enye" , sabay nilang sigaw rito.

Nilapitan nila si Enye. Agad nila itong niyakap at humingi ng tawad sa mga masasakit na salitang sinabi nila rito.

"Patawarin mo kami Enye, alam ko na mali ang ginawa namin sa iyong pangmamaliit. Hindi namin naisip na bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang katangian. Sana'y mapatawad mo kami", paghingi ng tawad ni Kating A.

Labis ang tuwang naramdaman ni Enye sa mga pangyayari. Hindi niya lubos maisip na siya ay tatanggapin ng kapwa niya mga letra.

“Bumalik ka na sa ating bayan Enye” panghihikayat ni patinig A.

“Subalit hindi ako nakatutulong sa inyo, pabigat lamang ako” malungkot na sagot ni Enye.

“Hindi totoo ang sinasabi mo Enye. Hindi ka pabigat. Alam mo ba na ikaw ay ipinapahanap ni Tandang Pananong para sa pagbuo ng panibagong pangalan ng Santo?” Masayang wika ni Katinig N.

“Talaga?” Hindi makapaniwalang tugon ni Enye.

“Oo Enye” sabay-sabay nilang wika.

Natuwa naman si Enye dahil sa pagtanggap sa kanya ng kanyang mga kasamahang mga letra. Simula nang araw na iyon ang mga letrang katinig at patinig ay nagtutulungan na sa pagbuo ng mga salitang makatutulong sa bayan ng Alpabeto.

…Wakas…