Papalapit na naman ang Buwan ng Wikang Pambansa
Biglang naalala si Gat Jose Rizal na may kataga
“Ang di magmahal sa sariling wika
ay higit pa sa hayop at malansang isda”.
Isa ka rin ba sa napabuntong-hininga?
Malalim na mensahe, pagniniig ang dala,
mistulang sakwil sa buhay at kaluluwa
ng isang pilipinong mahal ang wika’t bansa
Sa henerasyong nagkukumahog sa araw-araw,
kultura, tradisyon at samu’t-saring pananaw.
Kahit minsan pagkakaisa’y nakakalimutan
Wikang Filipino: Tulay sa pagkakaunawaan.
Mayamang kultura sa perlas ng silanganan.
Sumasalamin sa lahat ng Pilipinong may ipinaglalaban.
Ang wika na buong pusong pinagtibay,
pag-asa, pagbabago’t pagpapanitiling may husay.
Kaya mga kapwa ko Pilipino, ito’y isaisip ninyo,
lumipas man ang maraming siglo,
may pag-inog man sa wika at konting pagbabago
isigaw sa buong mundo, mabuhay ang Wikang Filipino.