Return to site

WIKANG FILIPINO: TINIG NG LAHING DAKILA, HIMIG NG BAYANG NAGKAKAISA

ni: ZHA-ZHA G. VILLARUZ

Bata, kabataan, bubot, salat, at wala pang kamuwangan

Iyan ang tingin sa isang bansang, tulad ng isang paslit animo’y sa mata ng ibang lahi’y walang pagkakakilanlan

Ang wikang siyang salamin ng mayamang kultura, nararapat ipakilala at tunay nga namang pahalagahan

Isang natatanging tatak, marka na siyang magpapakilala ng isang marangal na lahing pinagpala.

Mga Pilipinong ang wikang Filipino ang sinasalita

Dakila ang tinig, na may iisang tono, sambitla’y himig ng bayang nagkakaisa

Angkin ang wari’y isang armas na magagamit sa pakikipagdigma

Labanang hindi sa dahas kundi sa hamon ng talastasan tungo sa matatag na buhay na malaya.

Ang wikang Filipino ano pa nga ba’t laging ginagamit, patuloy na nahahasa

Kasing talim ng tabak, na sa bawat hamon ng seguridad maipangtatapat

Kahusayan na mabigyan ito ng maayos at sapat na kahulugan

Na ang tanging lunggati, makamtan matibay na bigkis ng pagkakaisa at pagkakaunawaan

Mulat ang ating mata, mainam ang may alam, ngunit ito ba ay nakasasapat?

Kung ang ingklusibong pagpapatupad ng katarungang panlipunan, pang-unawa natin ay salat?

Dito natin mapagtatanto, sadyang mahalaga ang pagsalok ng mga gintong kaalaman

Husay sa paggamit ng wikang ikinararangal, sapat na dunong mula sa balon ng pangwikang karunungan.

Mahusay ang magsalita ng Wikang Filipino, maging ng mga salitang katutubo

Ang karunungang ito, sapat na pananggalang sa tuwing may sigalot nang di pagkakaintindihan at pagtatalo

Sa pangkalahatang kapayapaan, libre ang magsalita ngunit mas biyaya ang makaunawa

Na ang Wikang Filipino’y isang dakilang kaloob, matibay na baluting sapat, na dapat nating ipagpasalamat!