Return to site

WIKANG FILIPINO, SALAMIN NG MAYAMANG KULTURA

ni: WELMA L. SOLIS

Bayang aming sinilangan na aming iniirog.

Biyaya ng Maykapal itong wikang kaloob.

Kultura ng bayan ko'y iyong itinatampok.

Kay tamis sambitin pag- ibig mong inihandog.

Batang Filipino nang magkaroon ng muwang,

Paggalang sa matanda, kinintal sa isipan.

Pagsambit ng po at opo, ay di nalimutan.

Pagkat bahagi ito ng buhay at lipunan.

Pagdamay ng bawat isa, wika'y kasangkapan.

Bayaniha’y nais na maisakatuparan.

Malayang pag- uusap at may pagsasamahan

Alay na pagtutulunga’y di matutumbasan.

Mainit na pagtanggap sa tao'y madarama.

Sa kung paano usalin, wikang may paglingap.

Hatid nito ay saya sa puso't kalooban.

Mawiwika mong Pilipino'y kay sarap datnan.

Sa wika, kalooban ay ating makikita,

Pasasalamat, paumanhin, at pagmamahal.

Pagtanaw ng utang na loob ay s’yang dakila

Bunga'y mga pagpapala, na sa Diyos nagmula.

Dahil sa wika, pananalig nati’y pamana.

Banal na misa' y naunawaan ng pamilya.

Gawang pagrorosaryo, tanglaw ng kaluluwa

Pananalig ay nalubos sa Diyos nating Ama.

Sa Semana Santa, Pasyon ay ating narinig.

Awiting pamasko, dulot ay saya ang hatid.

Kundiman nama’y gamot sa pusong may pighati.

Nagbigay kulay sa kulturang bunga’y pag- ibig.

Kaya Wikang Filipino’y di ipagpapalit.

Sa anumang wika ay walang makahihigit.

Kay igayang pakinggan, ginto ng ating bibig.

Salamin ng ating lahi, biyaya ng langit.