Return to site

WIKANG FILIPINO PARA SA PAGKAKAISA!

ni: ADORA A. LOPEZ, MAED, RGC, EdD

Ibat-ibang wika man ang ating ginagamit

Pinag-iisa naman tayo sa diwa at pag-ibig

Mayamang kultura ng ating Inang bayan

Bukal ng pagkakaisa at pag-uunawaan.

Saan man panig ng ating bansa

Wikang Filipino taglay ang gintong diwa

Salamin ng ating kulturang mayaman

Tatak ng kasarinlan, sagisag ng ating bayan.

Wikang Filipino ating palaganapin

Sa tuwina'y laging bigkasin at gamitin

Pinakikilala nito ang mayaman nating kultura

Upang ating bansa itanyag at makilala.

Lahing kayumanggi, wikang katangi-tangi

Pag-ibig sa iyo, walang pasubali

Sa buong daigdig wika'y ipakilala

Salamin ng ating mayamang kultura.

Tayong lahat ngayo'y hinahamon

Ipagmalaki ang ating wikang subok ng panahon

Bansang Pilipinas ay mamamayagpag

Ikaw, ako, tayo lahat mag-aambag.

Sama-sama tayo at magkapit-bisig

Wikang Filipino lalo pang lumawig

Diwa ng pagbabayanihan ay ating buhayin

Pagkakaisa ng lahi ating patatagin!

Wikang Filipino, wika nating mahal

Kulturang mayaman ay ating itanghal

Bayang Pilipinas ating ipagdangal

Watawat ng lahi ating iwagayway!