Return to site

WIKANG FILIPINO: MGA HIRAYA’T DOGMA NITO

ni: ERIKA MARIE D. DIMAYUGA

· Volume V Issue I

Wikang Filipino nati’y isang haligi

na pinanday ng panahon at salinlahi

Bawat salitang minumutawi,

binibigkis nito ang ating pagkakakilanlan.

 

Sa ating arkipelagong mahal, pagkakaisa’y ikinintal,

Sa dulo ng ating mga dila’y nagningas ang sulo,

Na siyang gumuhit sa kulturang ating pinagyaman.

Sisidlan ng wikang Filipino’y pina-usbong sa kalupaan.

 

Sa daluyong ng Karagatang Pasipiko’y nangibabaw ang kagitingan,

Pulutong ng ating mga salita’y ipinag-alab ng ating mga bayani

Salamin ng ating kultura na hinilamusan ng sinag ng araw at buwan,

Ito’y maihahalintulad sa tapestriyang walang patlang ang karikitan.

 

Tatas ng ating dila sa wikang Filipino’y tila isang talim,

Na siyang bumabaon at umuukit sa panibagong karanasan at kasaysayan

Ating sariling wika’y patuloy na ibinabandera sa iba’t ibang saliw ng musika’t sining,

Wikang nagmulat sa atin sa Maykapal; patuloy na manalig nang walang panimdim.

 

Binhi ng wikang Filipino’y sa paglaon ay lalong pinalago,

Nagsilbing sandata at kalasag sa mga dayuhang nanakop

Sa pagkampay ng pakpak ng agila tungo sa paroroonan,

Baon nito’y mga hiraya nating mga Pilipinong hinubog ng wika’t kultura.

 

Hangin’y bumulong, tangan ang oyayi ng ina,

Sa musmos na isipan ng Pilipinong sanggol ay nagmarka,

Himno ng pagmamahal at matamis na pangako ng magandang bukas,

Kultura’t wikang Filipinong kinagisnan, saanman mapadpad ay hindi magpapahimakas.