Return to site

WIKANG FILIPINO: BOSES NG KAYUMANGGI, TINIG NG DAKILANG LAHI

ni: ADIANN KYZHA GIANAN LAZARO

Ang buwan ng Agosto, ay panahong ang Wikang Filipino ay ginugunita

Ito ay itinakda upang bigyang-pugay ang dakilang salita

Ang wika na siyang kumakatawan sa tinig ng isang lahi

Animo’y makapangyarihang boses, himig ng isang nagkakaisang lipi

Kasinglinaw ng tubig ng batis, ang kadalisayan ng pagiging makatuwirang kasangkapan

Nitong taguring wika ng kayumanggi na sinasalamin mayaman nating pinagmulan

Sariwain at alalahanin mayamang kultura, tradisyon at mga kaugalian

Mga pamana ng nakaraan, ambag ng kasaysayan, sa tulong ng wika’y mababalikan

Ang Wikang maituturing na pinakamabisang sandatang mapanghahawakan

Sa pakikipagtunggali’y kalaban ay pawang kamangmangan

Hindi maisasantabi itong mainam na pananggalang

sa talastasan, at komunikasyon dala’y armas ng pangwikang karunungan

Wikang Filipino, nagsisilbing liwanag ng ating landas

Kung saan ba patutungo, dikta ng ating mga puso sa bukas

Mahusay na pakikipagtalastasan, maituturing na matibay na lakas

Sa hamon ng ‘di pagkakaunawaan, titindig ang bansang nagkakaisang ligtas

Panahon na upang dakilain ang wikang sa atin ay ipinagkaloob

Pinaghiwalay man ng mga isla ngunit mananatiling Pilipinas ay may pagkakabuklod

Pinag-isa sa diwa, pinagtibay ng salita

Sa wika natin masasambit kasaysayan ng ating bayang pinagpala

Kaya’t nararapat lamang nating paunlarin at higit pang pakamahalin

Kayamanang higit pa sa ginto, ang Wikang Filipino’y patuloy pang dapat payabungin

Ang wikang dakila ng marangal na dugong kayumanggi

Wikang Filipino tunay nga namang ating ipinagmamalaki!