Return to site

WIKANG FILIPINO AT KULTURA, PATULOY NA MAGLALAYAG

ni: DR. ROWENA C. LARGO

Kapampangan, Pangasinese, Waray, Bikolano

Tagalog, Hiligaynon, Ilokano at Sebuwano

Ilan lamang sa mga wikain na yamang totoo

Tinig, daluyan at salamin ng mayamang kulturang Pilipino.

 

Wika ay tulay ng pagkakakilanlan at adhikain

Sadyang pinag-isa na may tunguhin

Paniniwala, tradisyon, pamumuhay tangkilikin

Silahis ng pag-asa ng isang salinlahi.

 

Nakilala ang bansa dahil sa kanyang simulain

Namamayagpag na pangarapin

Nasisilayan dahil sa mithiin

Bawat isa ay may tungkulin.

 

Ang mga kwento’y nagsilbing aral at karanasan

Kasaysayan na nagbigkis ng kahapon at ngayon

Kabiguan at kagalakan ang naging kalakasan

Ang panambitan ay sinag ng kaliwanagan.

 

Lunduyan ng bayaning magigiting

Taglay ng nag-uumapaw na kasaganaan

Gaya ng ritwal, sining, pamahiin at pananampalataya

Representasyon at kasaysayan ng sariling Lipunan.

 

Langit, lupa, araw at buwan saksi’y

Gayun din ang bundok at dagat

Dumaan man ang bawat araw, taon at dekada ng buhay

Ang makulay na kultura ay patuloy na maglalayag.