Ikaw ba ay ano? Ikaw ay sambitla,
Binuo sa titik, binuhay ng dila,
Hinugot sa puso, malalim na diwa,
Bago magagamit, tungo sa adhika.
Ikaw ay sagisag, nitong aking bayan,
Sa pilas ng aklat, naging kasaysayan,
Nang mga bayani’y, mariing nilaban,
Tahasang makamit itong kasarinlan.
Hindi ako Pinoy, kung ikaw’y wala,
Wala akong tatak, na ibabandila,
Hindi ko rin dangal, na ika’y mawala
Pagkat ika’y anak, ng lahing dakila.
Wikang Filipino, ang tanging sagisag,
Nang ang sambayanan ay maging matatag,
Saka lang masambit, na tayo’y marilag,
Taas noo tayo, sa ating paglakad.
Wikang Filipino, ay ating gamitin,
Mahalin, ingatan, ating pagyabungin,
Itanim sa isip, sa puso ay damhin,
Panatilihing buhay sa sistema natin.
Ikaw ba ay Pinoy, sa’n ka ba nagmula?
Bansang Pilipinas, ang mahal na mutya,
Perlas ng Silangan, ang mahal mong bansa,
Wikang Filipino, ang Wikang pambansa.
Kung ang ninanais, ang baya’y umunlad,
Wika’y idambana, marapat iaangat,
Ito ay sandata, sa pagkakaisa,
Maging sa pag-unlad, ng bayang malaya.
Kapagka’ ang wika’y, buhol sa lipunan,
Ay kusang lalabas, pagbabayanihan,
Lahat ng nasa, sa buong sambayanan,
Mas naging magaan, kusang makakamtan.