Return to site

WIKA NG REBOLUSYON: NOON AT NGAYON

ni: ELIZABETH N. MACARAEG, PhD.

Kung ating gugunitain kahapong nagdaan,

Ang Wikang Filipino noo’y gamit na ng ‘ting kanununuan;

Mula pa sa panahon ng rebolusyon o himagsikan,

Mga aklat, pahayagan at iba pang babasahin nalimbag nang lubusan.

 

Itong “Liwanag at Dilim” na akda ni Emilio Jacinto,

“Sa Aking Mga Kababata” ni Gat. Rizal na matalino;

“Pag-ibig sa Tinubuang Bayan” ni Andres Bonifacio,

Naipamahagi, nasumpungan at binasa ng Lahing Pilipino.

 

At sa pagbabasa nag-ugat iring silakbo,

Napukaw, nagising natutulog na damdaming Pilipino;

Sila’y pawang nagkaisang humingi ng pagbabago,

Sa katiwaliang pamamalakad ng mga Kastilang dayo.

 

At sa malawakang Rebolusyong naganap,

Nagbuwis ng buhay mga Propagandistang tanyag;

Mahigpit na inusig mga dayuhang sutil at sukab

Sa lunggating ipagtanggol ang naamis na bayang liyag.

 

At magpahanggang sa ngayon itong Wikang Pambansa,

Sa iba’t ibang antas ng edukasyon ipinatuturo na nga;

Oryentasyon sa Filipino hangad ng mga maka-Wika,

Intelektwalisadong Filipino dapat matamo ng madla.

 

Walang pasubali ang Wika ng Rebolusyon,

Ay ginagamit sa kasalukuyang panahon;

Mayamang wika natin umuunlad, sumusulong at yumayabong,

Simbolo ng pagkakilanlan ng lahi nagbubuklod sa atin noon at ngayon.

 

Kaya nararapat lamang na itaguyod at gamitin ninuman,

Itong Wikang Filipino-isang mabisang kasangkapan

Sa pag-angat at pagsulong ng bansa kong minamahal

Na nagsasarili na, mapayapa at may Kasarinlan!