Ikaw, ako, tayong mga Pilipino,
Saan mang sulok at panig ng mundo.
Nanalaytay ang dugo ng mga ninuno,
Na siyang nagbigay daan ng ating pagkatuto.
Saan mang henerasyon, mapabilang.
Nagsisilbi at nagbibigay galang.
Nahanap natin sa bawat isa.
Ang sandalan at bagong pag-asa.
Iba-iba man ang wikang pinagmulan,
Relihiyon at paniniwalang kinamulatan.
Tayo ay pinagbubuklod at pinagkakaisa.
Ng wikang Makabayan at makabansa.
Wika ang tunay na susi ng tagumpay.
Wika ang nagbibigay sa atin ng buhay.
Wika ang nagtatagpi ng bawat gusot natin,
At siya ring nagpapalaya sa mga damdamin.
Hindi na mabilang ang pagsubok na dumaan,
Ngunit hindi natin ito sinukuan.
Bagkus ay nanatiling matatag at makatwiran.
Pagmamahal sa wika ating pinaglaban.
Ikaw, Ako, tayo ay mga Pilipino,
Pilipinong matatag, tunay at totoo.
Handang magparaya at magsakripisyo,
Kung saan ang tama, ay diyan tayo.
Ang mundong ating ginagalawan,
Ay puno ng mga mapanlinlang.
Sa wikang Filipino, naging matatag.
Sa wikang Filipino naging panatag.
Wikang Filipino ang tunay na sandata,
Nagsisilbing gabay ng ating mga diwa.
Anumang Kultura ang kinagisnan,
Sa wikang Filipino tayo ay nagkakaisa at nagkakaintindihan.