Sa bawat pagbuka ng bibig ng bawat Pilipino,
Namumutawi ang pagmamahal at pagrespeto
Sa kultura, tradisyon at sa buong bansang ito
Ang wika natin sa kultura'y numero uno!
Mula sa pagharang ng kalasag ni Lapu-Lapu,
Sa matapang na panulat ni Rizal na matalino,
Hanggang sa pagkakaisa sa Edsa Revolutionaryo,
Wika natin ay ginamit upang lumayang totoo.
Nang sumiklab ang mga digmaan dulot ng dayuhan,
Ang wika ay ginamit upang makipagtalastasan
Puso ng bawat isa ay pinagbuklod-buklod
Damdaming Pinoy ay lubusang itinaguyod.
Bisaya, Kapampangan, Waray man o Ilokano,
Sa lahat ng pulong mahigit pitong libo,
Magkakahiwalay man ang lugar, magkakaiba man ang dayalekto
Iisa ang tibok ng Kayumangging pusong ito.
Wikang Filipino ay tunay nga bang kakaiba?
Gaya ng pagiging espesyal ng ating mga pamilya?
Sa pagmamano, pamimiyesta, o pagtanggap ng bisita
Pananampalataya, pakikisama, at pagmamahal sa bansa.
Ang wikang Filipino ay mahalagang sangkap
Kung paanong tayo ay bumuo ng mga pangarap,
Hinuhubog nito ang mga saloobing ganap
Upang mas maging makabuluhan ang ating hinaharap.
Salamat, Inang Wika, sa buting iyong dulot,
Isang buong bansa ay iyong hinubog
Mundo man ay sadyang masalimuot,
May ngiti pa rin sa labi sa kabila ng pagdarahop.