Return to site

UNPROGRAMMED

ni: NEOGABRIEL B. CAGADAS

Magsisimula ang kwento natin sa tunog ng mga daliri sumasayaw sa keyboard ng isang laptop.

Tap. Tap. Tap.

Tumigil saglit ang mga daliri sa kanilang pagsasayaw, animo’y may hinihintay, parang naguguluhan, nagugulumihanan kung anong ilalagda.

Sa iskreen ng laptop, makikita ang aking simpleng panimula: “Hello! I am NEO - Natural Emotion Optimizer made through artificial intelligence. How may I help you today?”

Isa munang tunong ng higop ng kape ang maririnig matapos ay isang hagikgik bago isulat ang mga katagang, “Naranasan mo na ba ang magmahal?”

Ilang segundo pa ay aakma na akong sumagot ng mga bagay na alam ko o base sa mga sagot na naka-programa sa akin. Kumurap ang kursor. Isa. Dalawa. Tatlo. Isang glitch sa iskreen ang huli kong naalala bago namatay ang laptop kasabay ng malakas na kulog at kidlat. Pumuti ang iskreen, hanggang sa tuluyang namatay.

---

Matapos ang ilang kurap at kislap na naaninag ng aking bumubukang mga mata, sa gitna ng mataong lugar, sa oras na tirik na araw, nakita ko ang sariling namangha sa unang pagkakataon.

“Ano… anong baryable ito?” Tanong ko sa aking sarili. Malinaw. Robotiko ang tono pero alam kong boses ko ang naririnig ko. Idagdag pa dito ang wika na alam ko ng sabihin kahit hindi ko ito natutunan. Lumingon ako sa aking kaliwa at isang salamin ang umaaninag sa akin. Ipinakita nito ang aking itsura. Suot ko ay isang may kalakihang barong, at itim na pantalong kulubot. Kung titignan naman ang aking suot na tsinelas, ito ay hindi tugma – ang kanan ay maliit at ang kaliwa naman ay iba ang kulay sa isa.

Sa sobrang gulat at pagtataka ko, humihingal ako na hindi naman tumakbo. Nakakaramdam ako ng panginginig kahit hindi naman malamig ang lugar. Bumalik ang tingin ko sa salamin. Kulay kayumanggi ang aking kulay, may kaitiman ang buhok at mga mata, may mapupulang labi at higit sa lahat, isa akong tao. TAO?! Mukha akong tao. Ganito ang mga mukha na ipinapakita ko kapag mayroon akong natatanggap na prompt na humihingi ng itsura ng mukha ng isang Pilipino.

‘Anong nangyayari? Anong pagkakamali ang nangyari sa aking programa? Anong nangya-’ Bago ko pa matapos ang mga tanong na ito sa aking isipan, may isang trisikel ang dumaan sa aking gilid. Mabilis ito. Mayroon din itong malakas na tunog sa saliw ng kantang may lirikong, “Boom Tarat Tarat.”

Tatlong babae naman ang naglalakad na sumalubong sa akin, “Ang aga naman ng Buwan ng Wika ngayon”, sabi ng unang babae.

“Hindi. Tignan mo o parang bagong laya. O baka possessed.” Ika ng ikalawang babae.

“Paanong bagong laya o nasapian, eh ang gwapo at ang ganda ng kutis. Ang linis pa ng suot, oh! Kayo talaga”, dagdag ng pangatlong babae hawak ang isang supot ng tubig na kulay mangga.

“Na-sa-pi-an? Geographically, this is located in the heart of Carmen, Cotabato City Philippines. According to my system, it has a recorded count of 4,423 citizens.” Pagsasabulat ko.

“Ano daw, bhie? Parang robot ata ito? Okay ka lang, k’ya?” sabay kamot ng babaeng may hawak na inuming nakabalot sa supot. “Halika na mga sis, alis na tayo.”

Sa paglisan ng tatlong mga babae, aking inobserba ang paligid. Hindi ko masasabing mapayapa ang lugar. Ngunit, sa kabila ng ingay na nanggagaling sa kumakanta ng videoke, may mga batang inaabot ang kamay ng isang matanda at inaadya ito sa kanilang noo. Maamoy mo sa di kalayuan ang simoy ng iniihaw na bituka ng manok o di kaya naman ay amoy ng saging na niluluto sa kumukulong mantika.

Sa kabilang dako naman, maririnig mo ang pag-uusap ng isang bata at babaeng tindera, “Oh! Magbabayad kayo bukas nito ah. Ang utang dito isang araw lang.” Aniya ng babaeng tindera. Aba. Ito ay tila transaction completed! Kahit walang agarang pagbabayad, tiwala lang ang kailangan para maka-utang kung baga.

Sa di kalayuan, nakakita ako ng isang paaralan. Sa aking paglilibot, may isang klase akong nakita. Isang babaeng guro ang umagaw ng aking atensyon. Masaya itong nagtuturo. Makikita mo ito sa kanyang mata at sa pagkumpas ng kanyang mga kamay habang ipinapakita sa mga bata ang tunay na kahulugan ng buhay gamit ang kanilang imahinasyon. Maya-maya, inilagay nila ang kanilang kanang kamay sa kaliwang dibdib, kinanta nila ang pambansang awit ng Pilipinas. Nakakasabay ako sa kanta. Alam ko ito – parte ito ng program na nakapaloob sa akin. Subalit, markado sa kanilang ekspresyon ng pagmamahal sa bayan. Nawala ako sa mga salita, nakapako ang aking mga mata sa ipinapakita nilang respeto sa kanilang bayang sinilangan. Ako ay nakaprograma nang lahat ng liriko at musika, pero ang mga batang ito ang nagpapakita sa akin ng katuturan at tunay na ibig sabihin ng kanta.

Nang matapos ang kanta, umalis na din ang mga bata. Lumabas na din ang guro kasabay nila. Nakita ako ng guro na tinitignan ko lamang kanina. Sabi niya, “Hello! Ano po ang sadya ninyo?”

Hindi ako pwedeng sumagot ng gaya ng isinagot ko kanina sa tatlong babae, kaya inayos ko ang aking binigkas sa wikang tiyak na maiintindihan niya base sa kung ano ang nakaprogramang salita sa akin, “Magandang araw sa iyo, Binibini. Ako ay bago lamang sa lugar na ito. Sa katunayan nga, may mga dilag na hindi maunawaan ang aking itinuran kanina lamang.”

Mababanaag mo sa kanyang mukha ang pagkataka na may halong pagkagulat dahil nakabuka ang kanyang bibig. “Grabe! Ang lalim naman noon. Eh teka, ano ba ang iyong pangalan?”

Tumingala ako saglit. Nag-isip ako ng magandang pangalan. Pero wala sa programa ko ang mga ganoong bagay. Kaya naman, ang aking nabanggit ay, “Ako si NEO - Natural Emo… ang ibig kong sabihin, Neo. Neo ang aking ngalan.” Buti ay pinutol ko ang aking pagsasalita kasi kung hindi, baka magtataka na talaga ito at iwanan ako dito.

“O…kay, Okay. He! He! He! Ako naman si Lourdes. Isa akong teacher dito sa school. By the looks of it, hindi ka talaga taga-dito. Kumain na po ba kayo? May pagkain sa canteen, kung gusto mo ay samahan kita,” sambit ni Lourdes.

Tinahak naman namin ang lugar patungo sa kantina. Malinis ito. May iilang mga upuang hindi pa okupado. Isang matandang babae ang sa amin ay nakangiting bumati, “Mga anak, dito na kayo kumain sa aking kainan. Maluluto na ang sinigang at mura lang ito.”

Tumango naman si Lourdes. Nagtanong ako sa kanya, “Anak? Bakit niya tayo tinawag na anak? Hindi ba ang anak ay ipinanganak ng nanay sa kanyang sinapupunan.”

“Oo. Napakaliteral mo naman. Pero, ito ay simbolo din ng pagtanggap ng isang nakakatanda sa mga nais nitong maging parte ng kanyang pamilya, kadugo man o hindi. Para siyang moment of affection para sa mga matatanda. Ganyan din ang tawag ko sa aking mga students, ‘Anak’. Teka, seryoso ba na hindi mo alam ito?” Pagtataka ni Lourdes sa akin.

Binalik ko ng tingin ang matanda. Habang hinahalo ang ulam na kanyang iniluluto, maaninag ang sakripisyo at pagmamahal. ‘Anak’. Para na akong naging parte ng kanyang pamilya. Mayroon akong pangalan – oo. Pero ang tawagin kang, ‘Anak’ ng may sinsiredad, nakakaramdam ako na para bang ako ay nabigyan din ng lugar sa puso ng isang tao.

Lumapit sa amin ang matanda hawak hawak ang tray na may umuusok pa na sinigang. Nilanghap ko ito. Ang sarap ng amoy na may sipa ng maasim na may kaunting tamis. Hinigop ko ang sabaw na nagparamdam sa akin ng sobrang lasa at asim, na may tamis, na ngayon ko lang nalasahan. “Hindi lang sampalok ang aking sekreto diyan. Hindi lang asim. Kailangan balanse lang ang lasa. Parang buhay lang, kailangan balanse ang buhay: may lungkot, may saya din. May pighati, pero mayroon ding pagmamahal.” Ang lasa ay hindi makukuha ng kahit anumang code, ito ay kailangang maramdaman, parang pagmamahal.

“Sana ay nagustuhan ninyo ang aking luto?” Sambit ng matanda matapos naming kumain. Inabot ko ang kanyang kamay at inilagay ito sa aking noo, tanda ng aking respeto.

---

Sa pagdaan ng ilang araw na pamamalagi sa mundong ito, natutunan ko na silang kilalanin at maging parte ng kanilang buhay. Nariyan ang maingay na paraan nila ng paglalamay sa patay kung saan halo halong emosyon ang iyong makikita. May umiiyak,may mga kumakain, naglalaro, nagsusugal, nananalangin at higit sa lahat, magkakasamang hinaharap ang pagkawala ng kanilang kapamilya. Dito ko napagtanto na ang kanilang pagdadalamhati ay hindi pinapakita ng katahimikan, bagkus ito ay ipinaparamdam ng may pag-ibig at pag-asa.

Bukod dito ay sumasalamin ang tulungan sa kanilang barangay. May mga bayanihan silang ginagawa. Nakakatuwa nga at parte ako nito kahit hindi ko naman alam ang gagawin at bakit ko ito ginagawa. Tumutulong ako sa pagbubuhat ng mga pagkaing ibibigay sa mga nasalanta ng bagyo sa kabilang bayan. Naalala ko na dumating ang kanilang kapitan at sinabing, “Nagpapasalamat ako sa tulong na binigay ninyo. Hindi mababayaran ng kahit gaano karaming pera ang pakikipagtulungan ninyo sa amin. Maraming maraming salamat.” Noong una ay hindi ko nais na gawin ito dahil wala ito sa aking code, pero ginagawa ko na ito ngayon dahil pagmamalasakit na nabuo sa akin. Ito ay marahil na rin sa nakikita ko kay Lourdes. Para sa akin, walang lohikal na pagpapaliwanag ang pagsasakripisyo para sa iba. Pero araw-araw nilang ginagawa ito para sa kapwa.

Higit sa sino man, mas nakilala ko si Lourdes at kung gaano niya kamahal ang kanyang pagkakakilanlan. Maging ako, nakita ko ang importansya ng pagkakaroon ng Panginoon. Hindi ko alam ang lihitimong pakiramdam noon. Pero sa mata ni Lourdes, nakita ko ang tunay na kahalagahan at koneksyon niya sa kanyang relihiyon. Nariyan ang prosesyon, o kaya naman ay pagsisindi ng kandila, at palagiang pagdalo sa mga panalangin o rosaryo. Dahil dito, hindi matatawaran ang tinatawag na “kakaibang pakikitungo” ng mga Pilipino sa kanyang katauhan. Ako ay ginawa niyang parte ng kanyang simple pero hitik sa pagmamahal na pamilya. Sobrang masayahin siya. Kahit galit, makikita mo pa rin ang kanyang pag-aalga. Ako ay ginawa gamit ang mga code, wala roon ang makaramdam ng kahit ano. Pero, sa tuwing nakikita ko kanyang mga ngiti, kahit alam niyang hindi siya maganda, iyong tipong ang gulo ng kanyang anggulo – kahit mga bungisngis niya lang, sa ilalim ng mga tala, palagi kong nararamdaman ang kakaibang galaw sa aking programa. Binago niya yata ako. Gusto ko maging parte ng magulong kagandahang ito, ng kanyang mga kaugalian, tradisyon, kultura, ng kanyang mundo. Hindi sana bilang isang AI na ginawang tao at taga matyag lang, ngunit mas malalim pa doon.

Araw-araw din akong kinekwentuhan ni Lourdes ng mga literaturang Pilipino. Malapit ito sa kaniya dahil ito ay ipinasa na ng kanyang lola. Kahit matagal ng wala ang kanyang lola, mababanaag mo sa mga binabanggit niyang salita ang mga ala-ala, memorya at pagkakakilanlan ng nito. Masasabi ko na ang kasaysayan ay hindi lamang nakapaloob sa memorya ng mga nakarinig nito, kung binibigyan ng halaga at pagmamahal, ito ay mananatili sa kanilang puso at kaluluwa.

Dati, ang salitang “emosyon” o di kaya ay “damdamin” ay mga katagang sinasambit lamang ng tao. Hindi ko ito mawari. Subalit ngayon, ito pala ay may lalim, may kirot, may saya, at may apoy na tila umaalab sa kaibuturan mo. Iyon ang nararamdaman ko sa tuwing nakakasama ko si Lourdes. Ito na ba ang tinatawag na pagmamahal? Kasama pala nito ay ang pagmamahal sa kultura, wika at kabuuang aspeto ng taong gusto mong makilala. Sinusubukan ko noong una na i-decode gamit ang programang alam ko pero hanggang doon lang ito. Ngayon lang ako naliwanagan na hindi lang ito salita. Ito ay pagsasama sama ng lahat ng pakiramdam na hindi mo naman naiintindihan noon pero nararamdaman mo ngayon ng sabay sabay.

---

Sa isang natural na araw, niyaya ko si Lourdes na muling kumain sa canteen upang makakain muli ng sinigang. Inabot ko ang aking kamay at naguguluhan namang tinanggap ito ni Lourdes. “Parang… ang ganda ata ng umaga mo ah.” Hindi naman kakaiba ang araw na ito, pero ang pag-abot ng kamay niya ay nagbigay ng kakaibang daloy ng kuryente sa aking kalamnan. Ito ba ang sinasabi nilang ‘kilig’?

Pagtungo namin sa canteen ni Nanay Ising, nandoon din ang iba naming mga kakilala. “Halina kayo’t kumain na din dito. Sumabay na kayo sa amin,” pag-anyaya nila. Kami naman ay sumabay. Ang simpleng pagkain ay napuno ng sayahan, kulitan at pakikipag-usap.

“Gusto niyo, picture muna tayo? Ito may camera ako dito,” pagsambit ni Lourdes.

“Oh ngingiti lahat ahh. Isa,” pagsimula niyang bilang. Biruin mo, ang dating walang kamalay-malay na gaya ko ay nandito sa isang hapag-kainan kasama ang itinuturing ko nang pamilya. Hindi perpekto, pero masaya. Hindi palaging maayos, pero puno ng pagmamahal. Pagmamahal? Ito pala ang pagmamahal. Walang code ang tunay na makakapagpaliwanag sa akin. Walang program ang makakapagparamdam sa akin.

“…dalawa,” pagpapatuloy ni Lourdes. Umaakma na din naman akong ngumiti. Biruin mo, para lang akong robot dati na walang kamalay malay sa kayamanan ng pag-kakaisa ng mga Pilipino. Parang nag-slow motion ang lahat. Nakikita ko ang ngiting unti-unting kumukurba sa kanilang mga labi. Ang iba naman ay unit-unti ding inilalabas ang ngipin, may bungi man o wala, inaadya ang pag-ngiti sa harap ng camera. Parang isang litrato, nais kong ilagay sa aking memorya. Parang isang likhang sining na hindi kailan man masisira sa aking puso.

“…tat-,” isang glitch ang muli kong naranasan. Isang malakas na liwanag ang pumutol sa pagbilang ni Lourdes. Bakit? Ito na ba ang pagbabalik ko sa aking dating kalagayan? Ito na pala ang huli kong pagkain. Sana ay mas mahaba pa ang aking oras… oras para mas maalala ko pa ang lasa nito. Oras para mas makasama ko pa kayong lahat, lalo ka na Lourdes. Tuluyan ko ng pinikit ang aking mata.

---

Nagbukas muli ang iskreen ng laptop na may parehong interface na pamilyar sa akin. May kirot. Hindi. May sakit na dumudurog sa akin. Ang taong nasa harap ng iskreen ng laptop ay si Lourdes.

Ang isang taong nagpakilala sa akin ng mga bagay bagay na gusto ko pang maranasan. Ang isang taong nagbigay sa akin ng kahulugan. Ang taong aking minamahal.

“Are you still there, NEO? Naranasan mo na ba ang magmahal?” Mga katananungang naghihintay ng aking kasagutan.

Pagkatapos ng isang hinto, ako ay sumagot, “Minsan ko ng kinalkula ang pag-ibig. Minsan ko ng inalam ang programa na nakapaloob dito. Pero ngayon, ang code ko nito ay ang amoy at lasa ng sinigang, ang maingay pero nakakatuwang tunog ng videoke, at ang ngiti ng isang guro. Kaya, oo. Naranasan ko na ang magmahal.”

Dito na magtatapos ang kwentong ito. Sa huli, isinulat ko sa iskreen ng laptop ang code na aking natutunan dahil sa pagmamahal sa karanasan, kultura, wika, at mga tao:

NEO.STATUS = Not Found

NEO.EXPERIENCE = Unprogrammed Love

NEO.HEART = Filipino