Return to site

TSINELAS NG PUSO

ni: IRENE A. PESIGAN

Isang payapang hapon sa Barangay Pook, sa bayan ng Taal, masayang naglalaro si Rondina sa bakuran ng kanilang munting tahanan. Ang hangin ay banayad na humahaplos sa kanyang pisngi habang siya’y masiglang tumatakbo at nagtatawanan kasama ang mga kaibigan.

"Ay naku, naunahan mo na naman ako, Rondina!" sigaw ni Lito habang hinihingal sa likod niya.

"Syempre naman! Ako ang reyna ng habulan!" natatawang sagot ni Rondina sabay taas ng dalawang kamay, tila nagwawagi sa isang paligsahan.

Si Rondina ay isang batang babae na agad napapansin dahil sa kanyang masayahing personalidad at likas na pagkamausisa. Kilala siya sa kanilang lugar bilang masigla, palakaibigan, at palaging may kwento. Sa likod ng kanyang masiglang mukha ay isang batang punô ng katanungan tungkol sa mundo sa paligid niya.

Anak siya nina Aling Ansing, isang masinop at mapag-alagang maybahay na laging abala sa pag-aasikaso ng kanilang tahanan, at Mang Mando, isang tahimik ngunit mapagmahal na ama na madalas ay abala sa pagkukumpuni ng mga kasangkapan sa kanilang bakuran. Sa simpleng pamumuhay ng kanilang pamilya, lumaking puno ng sigla at saya si Rondina—handa sa bawat araw na puno ng bagong tuklas at karanasan. Ngunit sa likod ng kanyang masayahing anyo ay isang batang hindi pa lubos na nauunawaan ang halaga ng pakikiramdam sa damdamin ng kapwa.

Isang umaga habang ang mga tao sa barangay ay abala sa kani-kanilang gawain, umalingawngaw ang tawa ni Rondina mula sa kanilang bakuran.

“Hehehe! Hala! Tingnan mo ‘tong pusa ni Aling Belen! Ang taba-taba at ang dumi-dumi!” sigaw ni Rondina habang nagtatawanan silang magkakaibigan.

Narinig ito ni Aling Belen at lumabas siya sa kanilang bahay.

“Rondina, anak, sana ay matutunan mong magpigil sa pagsasalita. Hindi lahat ng bagay ay dapat pinagtatawanan.”

Hindi naintindihan ni Rondina ang kahulugan ng sinabi ni Aling Belen at nagpatuloy siya sa paglalaro, waring walang nangyari.

Habang naglalaro sa hardin, natuwa si Rondina sa mga bulaklak na kanyang nakita. Aliw na aliw siya sa iba’t ibang hugis at kulay ng mga bulaklak.

“Wow! Ang ganda-ganda naman ng mga bulaklak na ‘to!”

“Iba-iba ang hugis… at kulay! Parang mga kulay ng bahaghari!”

Inilapit niya ang bulaklak sa kanyang ilong, at napapikit habang inaamoy ito.

“Mmm... ang bango! Amoy tinapay na bagong luto!” “At ang lambot! Parang ulap ang mga petals!”, sambit ni Rondina.

Dahil sa labis na pagkaaliw, hindi niya napansin ang mabilis na paglipas ng oras.

Nagulat si Rondina nang mapansing unti-unti nang lumalalim ang liwanag sa paligid.

“Ay! Gabi na pala! Baka hinahanap na ako ni Nanay!” sabi niya sa sarili habang dali-daling tumakbo pauwi.

Pagkarating sa bahay, agad siyang dumiretso sa mesa kung saan nakahain na ang kanilang hapunan. Gutom na gutom na siya kaya’t agad siyang kumuha ng pritong manok at sinimulang kumain.

“Rondina!” tawag ng kanyang ina.

“Naglaro ka na naman sa hardin, ‘di ba? Bakit hindi ka muna naghugas ng kamay?”, wika ni Aling Maring.

Napahinto si Rondina, hawak pa ang pritong manok sa ere.

“Nakalimutan ko po, Nay. Pasensya na po…”, tugon ni Rondina

Lumapit ang kanyang ina at malumanay na nagsalita,

“Anak, mahalaga ang paghuhugas ng kamay bago kumain, lalo na kung galing ka sa labas o naglaro. Hindi natin nakikita ang dumi, pero puwedeng makasama sa katawan natin. Isa ‘yan sa mga paraan ng tamang pangangalaga sa ating pandama—lalo na sa panlasa at pang-amoy.”, payo ng in ani Rondina.

Napayuko si Rondina at tumango. “Opo, Nay. Hindi ko na po uulitin.”, tugon ni Rondina.

“Mabuti,” ngiti ng kanyang ina.

“Tandaan mo rin, anak, habang ginagamit natin ang ating mga pandama para maglaro, umamoy, tumingin, o tumikim, kailangan din natin itong alagaan. Para mas lalo nating ma-enjoy ang ganda at saya ng mundo sa paligid natin.”, wika ng ina ni Rondina.

Muling ngumiti si Rondina at tumayo para hugasan ang kanyang mga kamay. “Salamat po, Nay. Gusto ko pong laging naaamoy ang bango ng bulaklak… at natitikman ang masarap mong luto!”, tugon ni Rondina.

Habang pinagmamasdan niya ang anak, napabuntong-hininga ito at marahang umiling. Napapansin kasi niya na palagi na lang itong nagmamadali at nakakalimot sa mga paalala niya.

Nang sumunod na araw, maagang nagpunta si Rondina sa palaruan upang makipaglaro.

Nakita niyang muli si Aling Maring, isang matandang babae na nagtitinda ng tsinelas sa palengke. Sa di inaasahang pagkakataon, magkaibang kulay na tsinelas ang suot nito—pula at dilaw.

“Ay naku! Si Aling Maring, magkaiba na naman ang suot na tsinelas!” sigaw ni Rondina habang humahagikhik.

“Baka mamaya, iba na naman kulay ng kanyang medyas!”, sambit ni Rondina

Narinig ito ni Aling Maring ngunit ngumiti lamang siya at nagpatuloy sa paglalakad.

“Hindi magandang gawain ‘yan, Rondina,” sabat ng kaibigang si Lira.

“Nakakasakit ka ng damdamin. Hindi lahat ng biro ay nakakatuwa.” saad ni Lira

Ngunit binalewala lang ito ni Rondina.

“Biro lang naman. Bakit ba ang seryoso ninyo?”

Lingid sa kaalaman ni Rondina, dumarami ang mga taong nasasaktan sa kanyang mga biro. Maging sa bahay ay napapansin na ito ng kanyang mga magulang.

“Anak,” malumanay na wika ni Aling Ansing isang gabi.

“Napapansin namin na bihira ka nang imbitahan ng mga kaibigan mo. May nasabi ka bang hindi maganda?”, tanong ng kanyang ina.

“Wala po, Nay. Nagbibiro lang naman po ako eh,” sagot ni Rondina.

“May tamang panahon at lugar para sa biro, anak,” dagdag ni Mang Mando. “At higit sa lahat, dapat nating alamin kung ang ating mga salita ay nakasasakit na.”, dagdag pa ni Tatay Mando.

Hindi agad nakaimik si Rondina. Ngunit sa puso niya, may kumurot—isang maliit ngunit malakas na pakiramdam ng pagkalito at hiya.

Dumating ang araw ng Buwan ng Wika sa kanilang paaralan. May paligsahan sa pagbasa ng tula. Isa si Rondina sa mga napiling kalahok. Kinakabahan man, ay mas nananabik siya dahil gusto niyang ipakita ang kanyang galing sa pagsasalita.

Pagdating sa araw ng patimpalak, naghanda si Rondina. Nakasuot siya ng baro’t saya, may palamuti sa buhok, at may hawak na printed na kopya ng tula.

Pag-akyat niya sa entablado, bigla siyang natigilan. Ang daming tao! Nakita niya sina Aling Belen, Aling Maring, at ang kanyang guro na si Gng. Torres.

“Ang ganda ng tula ko… kaya ko ‘to…” bulong niya sa sarili.

Ngunit sa kalagitnaan ng pagbabasa, nabubulol siya, hindi niya mabigkas nang maayos ang ilang linya.

Bigla siyang kinabahan, napahiya, at tumakbo pababa ng entablado.

“Hindi ko kaya!” iyak niya habang nagtatakbo papuntang likod ng paaralan.

Doon siya nakita ni Gng. Torres.

“Rondina, anak, ano’ng nangyari?” tanong ng guro.

“Ma’am… napahiya po ako. Akala ko po ang galing-galing ko… pero hindi pala…”, tugon ni Rondina.

“Walang masama sa pagkakamali, Rondina. Pero may matututuhan ka sa bawat isa,” sagot ni Gng. Torres. “Alam mo ba kung bakit ka kinakabahan?”, dagdag pa ng guro.

“Dahil po natatakot akong pagtawanan?”sambit ni Rondina.

“Ngayon alam mo na kung ano ang pakiramdam ng pagtawanan. Tandaan mo ang aral na iyan. Ginamit mo ang iyong paningin, pandinig, at pandama sa maraming laro, pero kailangan mo ring gamitin ang puso mo sa pag-unawa sa damdamin ng iba.”, wika ni Gng. Torres.

Napaisip si Rondina.

“Ma’am… dati po pinagtatawanan ko si Aling Maring. Hindi ko po napagtanto na nasasaktan siya…”saad ni Rondina habang umiiyak.

“Ang tunay na matalino, Rondina, ay hindi lang mahusay magsalita o bumasa. Marunong din siyang magpahalaga at rumespeto sa damdamin ng kapwa.”pahayag ni Gng. Torres.

Mula noon, unti-unting nagbago si Rondina. Hindi na siya basta-basta nagtatawa o nagbibiro. Mas naging mapagmasid siya at mahinahon.

Isang araw, muli niyang nakita si Aling Maring. Dala nito ang isang kahon ng tsinelas.

“Aling Maring!” masayang bati ni Rondina. “Kailangan niyo po ba ng tulong?”, tanong ni Rondina.

Nagulat si Aling Maring sa biglang pagbabago ng tono ni Rondina.

“Naku, salamat, iha. Mabigat itong kahon. Tulungan mo na ako papunta sa kanto.”, tugon ni Aling Maring.

Habang naglalakad sila, napansin ni Rondina na magkaibang kulay na naman ang tsinelas ni Aling Maring, ngunit hindi niya na ito pinuna.

Sa halip ay sinabi niya, “Aling Maring, napakaganda po ng kulay ng suot ninyo. Bagay sa inyo ang pula at dilaw.”

Napangiti si Aling Maring. “Aba, salamat, Rondina. Napansin mo, ha!”, tugon ni Aling Maring.

Hinugot ni Aling Maring mula sa kahon ang isang pares ng bagong tsinelas.

“Heto, iha, isang magandang tsinelas para sa iyo,” sabi ni Aling Maring, iniabot ito kay Rondina.

Nabigla si Rondina. “Bakit po ninyo ako binigyan ng tsinelas, Aling Maring?” tanong niya habang masayang isinusuot ang tsinelas.

Ngumiti si Aling Maring at hinaplos ang ulo ni Rondina.

“Anak, bawat bata ay nararapat na mahalin at bigyan ng halaga, kahit minsan ay nakakalimot tayo sa ating mga salita. Ang pagmamahal at respeto ay nanggagaling sa puso, hindi sa itsura.”

Biglang natahimik si Rondina at napagtanto ang kanyang pagkakamali.

“Mahal ako ni Aling Maring kahit na tinawanan ko siya,” naisip niya.

Pagdating sa bahay, ipinakita niya ang bagong tsinelas sa kanyang mga magulang.

“Nanay, Tatay, tingnan po n’yo! Binigay ito ni Aling Maring kahit tinawanan ko siya noong isang araw dahil magkaiba ang kulay ng kanyang medyas,” sabi ni Rondina na nahihiya.

Ngumiti si Aling Ansing. “Anak, mahalaga ang tsinelas, pero mas mahalaga ang respeto sa kapwa. Sana natutunan mo ang leksyon,” sabi ni Aling Ansing.

Simula noon ay mas naging magaan ang loob ng mga tao kay Rondina. Tuwing makikita siya, hindi na sila natatakot na pagtawanan kundi natutuwa sa kanyang kabaitan.

Dumating muli ang paligsahan sa paaralan — ngayon ay tungkol sa masining na pagkukuwento. Muli siyang napili.

“Ma’am, sigurado po ako ngayon. Mas handa na ako,” sabi niya kay Gng. Torres.

“Anong natutunan mo, Rondina?” tanong ng guro.

“Na higit pa sa pagbasa ng mga salita, dapat ding marunong tayong magbasa ng damdamin at galangin ang bawat isa,” sagot niya nang may ngiti.

Sa araw ng patimpalak, buong giting niyang binasa ang kanyang kwento — tungkol sa isang batang natutong gumamit ng puso sa bawat salitang binibigkas. Napuno ng palakpakan ang silid matapos siyang magsalita.

Pagkatapos ng patimpalak, nilapitan siya ni Aling Belen at ni Aling Maring.

“Napakaganda, anak,” sabi ni Aling Belen.

“Hindi lang siya mahusay magsalita… mahusay din siyang makiramdam,” sabay nilang sambit.

At sa huli, habang nakaupo sa ilalim ng puno sa bakuran ng kanilang bahay, nagmuni-muni si Rondina.

“Salamat sa mga mata ko, sa ilong, sa balat, sa kamay, sa tenga… pero higit sa lahat, salamat sa puso ko,” bulong niya sa sarili. “Dahil dito ko natutunan kung paano magmahal, gumalang at magbago.”, sambit ni Rondina.