Return to site

TODO PARA LA FAMILIA

ni: DRAIZELLE C. SEXON

Brownout na naman. Malamang nagloko na naman ang kuryente dahil sa malakas na pag-ulan buong magdamag. Unti-unti akong kumilos para kapain ang kandila na nasa ibabaw ng tukador. Umiingit si Bunso. Naiinitan dahil nawalan ng hangin ang bentilador. Mabilis na akong kumilos. Dali-dali kong sinindihan ang kandila at itinayo sa ibabaw ng isang ibinaligtad na baso. Nilagay ko sa ibabaw ng mesa na nasa malapit sa aming higaan. Naaninag ko ang orasan. Mag-aalas tres na pala ng madaling-araw...

Biglang pumasok ang malakas na hangin dahil sa nagngangalit na ulan. Bumukas pala ang bintana na kanina ay isinara pa namin dahil baka pasukin kami ng tubig ng ulan. Nagmamadali kong isinara ang bintana. Doon ko nasilip ang lakas ng buhos ng ulan. Nakakatakot na ang lakas niya. Parang galit na galit. Animo lalamunin ang buong barangay namin.

Bumalik ako sa may higaan namin. Umupo sa gilid ng katre habang kinukumutan ang mga anak ko.

“Nay,” sambit ng aking panganay na si Junior. Nagulat pa ako sa kanyang biglang pagsasalita. “Wala pa po ba ang Tatay?” tanong nya.

“Wala pa nga anak,” sagot ko. “Marahil ay sumilong dahil sa lakas ng ulan.”

Umupo si Junior at lumingon sa bintana. Nakita kong napapikit siya ng biglang kumulog. Ako naman ay nagulat nang makita kong gumuhit ang isang maliwanag na kidlat sa kalangitan. “Naku po!” sigaw ko.

“Mukhang malakas na bagyo ‘to, Nay...” may pangambang wika ni Junior.

Tumango ako ng marahan. “Hindi na nga ako makatulog at natatakot ako. Kinakabahan ako at wala pa ang Tatay mo. Hindi naman iyon nagpapagabi ng husto lalo pa at alam niyang mag-aalala tayo sa kanya.”

“Malamang po ay nahirapan na rin sumakay pauwi. Tiyak na mahirap mag-commute kapag ganyang sobrang lakas po ng ulan,” pagpapalakas ng loob ni Junior.

“Basta tutal naman at gising ka na rin, magdasal tayo at nang masiguro na ligtas ang Tatay mo,” hiling ko sa aking panganay. Agad naman siyang umayos ng upo at sumama sa aking pagdarasal.”

Ilang minuto pa ang lumipas, anim na mararahang katok ang narinig naming mag-ina. Bumalikwas si Junior, “Ang Tatay!”

Nagmamadali niyang binuksan ang pinto at galak na galak ng makita ang ama. “Tay!” mabilis na nagmano si Junior. Inabot naman ni Jose ang kanyang dalang bag na noo’y tumutulo rin sa tubig-ulan.

Dumiretso ako sa kabinet at kumuha ng malinis na tuwalya at pamalit na damit para sa aking asawa. Tinulungan ko na rin siyang magpunas ng basang katawan dala ng malakas na ulan.

“Naku, Mahal, sobrang pag-aalala na ang nararamdaman naming mag-ina sa iyo...” may kabang sabi ko sa asawa kong si Jose habang tinitimpla ko ang kanyang kape.

“Pasensya na kayo,” pagpapaliwanag niya. “Naantala ang pagpapalabas sa mga trabahador sa planta dahil sa pagtaas ng tubig sa ilog gawa ng malakas na ulan. Itinaas muna namin ang mga kahon ng produkto at baka pasukin ng tubig ang pabrika.”

“Nahirapan ka ba sa pagsakay, Tay?” tanong ni Junior sa kanyang ama.

“Oo,” pagsang-ayon ng ama. “Ang dami pang tao sa kalsada dahil wala ng masakyan. Mataas na rin ang mga baha. Mabuti pa ay maghanda rin tayo at baka tayo rin ay bahain. Sa labasan, sa may tindahan ng bigas sa may barangay ay may baha na. Mag-ayos na rin tayo.”

Pagkarinig ko sa aking asawa ay kumilos na ako at nagsimula nang magbalot ng mga mahahalagang gamit. Kinuha ko ang emergency bag na pinamigay ng aming lungsod at ibinigay yun sa aking anak. “Junior, ikaw ang bahala sa bag na iyan ha. Kumpleto yan at tiyak na magagamit natin yan sa ating pangangailangan.”

Maya-maya pa, isang malakas na galabog ang aming narinig. Hindi pa kami nakakakilos mula sa aming kinauupuan, napuno na ng rumaragasang tubig ang aming kabahayan. Gulat na gulat ang dalawa ko pang anak na si Teresa at Miguel. Kitang-kita ng dalawang mata ko ang paglamon ng kulay tsokolateng tubig sa kanilang dalawa na noo’y nakahiga sa katre. Mabilis na kumilos si Jose at agad na inabot ang mga kamay ng dalawang bata. Si Junior naman ay nakita kong nakayapos sa poste ng aming bahay. Hindi ko malaman kung sino sa mga anak ko ang aking sisikaping iligtas. Isa akong magaling na manlalangoy pero bakit hindi ko magawang lumangoy papunta sa aking kaligtasan? Ilang lubog pa at ramdam ko na ang paghahagilap ko na makahinga. Pinilit kong iangat ang aking ulo, hinahanap ko kahit sino man sa aking pamilya. Doon ko nakita na nasa labas na ako ng bahay.

“Nasaan na si Jose at ang aming mga anak?” sigaw ng isip ko. “Nakaligtas ba sila? Natangay ba sila ng malakas na alon? Nasaan na sila?”

Sa mga oras na inilulubog ako ng malakas na daloy ng tubig, naaaninag ko ang mga gamit na kasama ko ring inaanod ng baha. Ilang beses akong hinambalos ng malalaking kabinet. Maraming beses akong hinila ng iba’t ibang kamay na naghahanap din ng kaligtasan. Sari-saring gamit... may TV, ref, mga tokador at upuan. Maging mga aso na pilit nilalangoy at nilalabanan ang alon. Mga manok na lunod na at mga pusang naglalakihan na ang tiyan dahil sa nalunok na tubig... Kalunos-lunos ang tanawin. Sa kabila ng pagpupursigi ko na kumapit sa anumang bagay na magpapalutang sa akin, sa bilis ng alon ay naging imposible. Tumingala ako sa langit. Taimtim na nanalangin. “Panginoon, hanggang dito na lamang ba ako?” bulong ko. “Paano ang aking pamilya? Hindi ko na po ba talaga makikita na matupad nila ang kanilang pangarap? Hindi ko na ba makikita ang pagkaklase ni Junior sa kanyang magiging unang mga mag-aaral sa Matematika? O kaya ay ang unang pasyente ni Teresa? O maging ang mga bansang dadalawin ni Miguel sa kanyang paglalakbay?” sunud-sunod kong tanong.

Pakiramdam ko ay ilang libong oras na akong lulubog-lilitaw sa mataas na tubig-bahang iyon. Masakit na ang aking katawan. Bugbog na ang aking mga braso at hita. Dama ko na din ang kirot ng mga sugat na dala ng mga pagtama sa aking katawan ng iba’t-ibang bagay. Tila isang sinulid na malapit ng mapatid ang aking hininga. Unti-unting nagdidilim ang aking paligid. Wala na akong lakas para lumaban pa. Hinayaan ko na lang na dalhin ng malakas na alon ang aking katawan. Kung ilang beses man akong gumulong sa rumaragasang tubig ay hindi ko na alam.

Sa aandap-andap na liwanag na aking natatanaw, naapuhap ko ang ngiti ng aking tatlong anak. Bumalik sa aking alaala ang lahat ng aming masasayang pangyayari. Sa palagian naming kuwentuhan, sa mga simpleng pamamasyal, sa aming sabay-sabay na pagkain sa aming munting tahanan. Nadarama ko ang mainit na yakap ni Jose. Ang mahihigpit na gigil na halik nina Junior, Teresa at Miguel. Ang kanilang pagtitiyaga at pagsisikap sa kanilang pag-aaral. Nakikita ko silang bumubuka ang mga bibig, tila may sinasabi sa akin, pero hindi ko sila marinig. Nararamdaman ko na mayroon silang hinihiling, pinapakiusap, pero hindi ko ito maintindihan...

“Nanay, laban...” tila isang bomba na sumabog sa aking gunita.

Sapat na ito upang pilitin kong ikampay ang aking mga kamay. Isinipa kong muli ang aking mga paa. Sa kabila ng malakas na alon, mapilipit man ang aking katawan, iniipon ko ang aking lakas at sinisikap abutin ang isang malaking puno na malapit sa akin. Isa lang ang nasa isip ko... Gagawin ko ang lahat para sa aking pamilya. Lalaban ako sa pagsubok na ito para sa aking asawa at mga anak. Hindi ako susuko. Mabubuhay ako para sa kanila.

Kasabay ng isang malakas na sigaw at tinalon ko ang sanga ng malaking puno. Nang makapitan ko ang sanga ay hinigpitan ko na ang aking kapit. Hindi ako bibitaw. Kailangan kong makita ang aking pamilya...

Makalipas ang ilang oras na ako’y nakakunyapit sa sangang iyon, naramdaman ko na ang ngalay at panghihina ng aking katawan. Pero nilabanan ko pa rin ang sama ng aking pakiramdam. Para sa aking pamilya, gagawin ko ang lahat.

Nang bigla akong may marinig na motor ng bangka. Naaninag ko ang rescue boat ng aming lungsod. Sumigaw ako ng ubod lakas upang ako ay maligtas. At marahil, kasabay ng pagkaubos ng natitira pang enerhiya sa aking katawan, naramdaman ko ang kamay ng mga bayaning rescuers na dali-dali akong isinakay sa kanilang bangka.

“Salamat, Panginoon...” aking naibulong. At pumikit na ang aking mga mata dala ng matinding pagod at sakit.

Hindi ko na mawari kung gaano katagal bago ako naibaba sa bangka patungo sa stretcher ng ospital sa aming lungsod. Hindi ko na rin alam kung ilang oras ako nawalan ng malay. Hindi ko maikilos ang aking katawan. Bugbog, sugatan, walang lakas. Ngunit, ang mahalaga ay buhay ako...

“Nanay!!!” Narinig ko ang mga tinig na matagal kong inaasam. Ang aking tatlong anak ay nakita kong tumatakbo patungo sa stretcher na aking hinihigaan. Kasama nila ang kanilang amang si Jose na halos magkandarapa sa pagpunta sa akin.

Puno ng luha ang aming mga mata. Masasayang mga luha dahil kami ay muling magkakasama.

“Lumaban ako mga anak. Lumaban ako, Jose, para sa ating pamilya,” mahina ngunit napakasaya kong nasambit habang yapos ang pinakamahahalagang tao sa aking buhay...