Okey ka lang ba? Okey ka nga ba talaga? Baka nagpapanggap ka lang na okey ka, na walang masakit saiyo, na hindi ka nasasaktan, na hindi ka nahihirapan, na kaya mo pa? Na kaya mo pang habaan ang iyong pasensya, na kaya mo pang ngumiti kapag kaharap sila.
Di ba maraming beses mo nang tinanong ang sarili mo. Katulad ng mali ba ang ginawa mo? Hindi ka ba marunong rumespeto? Tinapakan mo ba ang karapatan nila? Inapi mo ba sila? Naging bulag ka ba sa sariling kamalian mo? Naging garapal ka ba sa trabaho? O naging makasirili ka dahil gusto mong umangat ka?
Marahil ganiyan ang tingin nila saiyo. Akala nila lahat ng ginagawa mo ay para sa pangarap mo. Na naghahangad ka ng mataas. Na isa kang ambisyosa! Kailangan ba talagang bigyan lahat ng masamang kahulugan ang lahat ng galaw mo?
Hindi ba puwedeng unawain ka muna bago sila magbitiw ng kung anu-ano? Hindi ba puwedeng alamin muna nila ang kalagayan mo bago magsalita ng hindi maganda? Hindi ba sila aware na nasasaktan ka, nahihirapan at kadalasan nagbibingi-bingihan ka na lang para makaiwas sa gulo.
Oo may pangarap ka. Isa ka ngang ambisyosa, lahat ng mga sinabi nila, tama, pero madami silang nakalimutang sabihin. Na kaya ginagawa mo kahit mahirap ang trabaho dahil gusto mong makatulong, para mapagaan ang trabaho, para sa mga mag-aaral. Na kaya patuloy mong ginagawa dahil iyon ang sinasabi ng iyong kunsensya. Dahil isa kang guro, hindi ka lang nandiyan para magturo, kundi gawin ang mga bagay na iniatang saiyo. Ginagawa mo lang ang trabaho, sumusunod ka lang sa utos.
Na kahit minsan hindi ka nakalimot magbigay ng respeto, hindi ka naging bulag sarili mong pagkakamali, wala kang inapi o tinapakan na tao. Hindi ka naging mapagmataas at hindi ka rin naging makasarili.
Kung may pangarap man siya, sana'y wag niyong gawing dahilan iyan para maging masama siya. Dahil lahat naman naghahangad na maging mabuti tayo araw-araw. Hindi masama ang mangarap ng isang tahimik na paaralan, na walang bangayan ng mga guro, walang away ng mga mag-aaral, kundi lahat masaya, nagtutulungan at nagrerespetuhan. Masama ba yan? Masama ba siya dahil diyan sa pangarap na iyan?
To the brave soul, to the one reading this, you're great! Stay blessed!