Return to site

TINIG NG NAKARAAN, DIWA NG KASALUKUYAN

nina:

DONNABEL B. BIHASA

HELEN GRACE A. JOLLOSO

I

Sa bawat pantig ng wikang sambit,

Kasaysayan ng lahi’y malinaw na nakaukit.

Sa wika'y naipapahayag ang diwang makabansa,

Tangan nito'y dangal at puri ng bawat isa.

II

Hindi lamang ito midyum ng pakikipagtalastasan,

Kundi tulay ng pagkakaisa at pagkakaunawaan.

Sa pamamagitan nito’y naisasalin sa kabataan,

Ang pamana ng lahi’t yaman ng karunungan.

III

Kasama sa himig ng sinaunang panitikan,

Ang wika’y tagapagdala ng kulturang kinagisnan.

Tanaga, salawikain, at tulang makaluma,

Sumasalamin sa diwang maka-Pilipinong dakila.

IV

Sa pagsulong ng makabagong teknolohiya,

Wikang Filipino’y patuloy na sumasabay sa diwa.

Hindi ito balakid, kundi gabay sa pag-unlad,

Kasangga ng bayan sa pag-angat at pag-usad.

V

Sa mga pormal na usapan at talakayan,

Ito’y instrumento ng karunungan at kaalaman.

Sa batas, edukasyon, at mga talumpati,

Wikang Filipino’y salamin ng lahi.

VI

Kayamanang higit pa sa ginto’t pilak,

Ang wikang sarili’y puro at busilak.

Pagkat sa bawat paggamit nito nang may paggalang,

Ipinagpapatuloy natin ang kulturang may saysay at lalang.