Return to site

TARA MAGBILANG TAYO!

Rubilyn M. Lumbres

· Volume I Issue IV

Isa, dalawa, tatlo….

Buwan ng Marso ay nagkaroon ng pagbabago,
Isang sakit ang lumaganap sa iba’t ibang sulok ng mundo,
Masaya sana kaming nag-aaral sa mahal naming paaralan,
Ngunit para sa kaligtasan ng lahat ng mamamayan,
Ilang mga tindahan at lahat ng mga paaralan ay sinarhan.

Apat, lima, anim….

Mundo naming mga bata’y biglang naging madilim,
Kaya naman kami ay kumakapit sa pagdalangin ng mataimtim.
Kami man ngayon ay napatigil sa bahay,
Pangarap namin sa buhay ay hindi mamamatay,
Sapagkat habang kaming lahat ay sa bahay nakatambay,
Sa pagsulat at pagbasa naman ay ginabayan kami nina nanay at tatay.

Pito, walo, siyam….

Iba’t iba man ang aming nararamdaman,
Lungkot, takot at pangabang kami ay mahawaan,
Mananatili kaming matatag at patuloy na lalaban,
Upang kahit sa ganitong paraan manatili pa rin sa puso ninuman,
Ang kasabihang binitawan ng pambansang bayani ng ating bayan,
Na kaming mga kabataan ang pag-asa ng bayan!

Sampu…

Ilan pang mga araw ang dadaan,
Sulitin na lang natin ang mga oras sa loob ng ating tahanan.
Pamilya nagkasama-sama, pagmamahalan mas nadarama.
Si ama, ina, ate at kuya, buong pamilya nagsasaya.
Hindi na rin masama ang naging bunga nitong sakuna,
Kaya isipin na lamang nating lahat na ito ay humupa na,
Upang ang lahat ng tao at bata sa mundo ay maging maligaya.