Return to site

TAMBOL NI BEMBOL

ni: MARISSA P. BAGACINA

Boom! Boom! Boom!, tunog mula sa bitbit ni Bembol na nakasabit sa kaniyang baywang. Mag-uumaga pa lang heto na ang maririnig nila, tila isang hudyat na gumising na ang lahat para sa isa namang panibagong bukas.

“Hmmm.. gising na kayo nandito na si Bembol ang ating taga-gising!”, palahaw nang kanilang kapitbahay.

“G..gi..sing na ka..kayo! pasigaw na sabi ni Bembol.

Boom! Boom! patuloy pa rin na pinatutunog ito, hanggang sa may makita si Bembol na bumubukas na mga ilaw sa kani-kanilang tahanan saka pa lamang niya ito ihihinto, papalakpak at sasayaw -sayaw si Bembol.Ang sitwasyong ito ay nakasanayan na nilang magkakapitbahay.

Pero bihira lamang ni Bembol itong patunugin na pawang nakasanayan na lamang niya itong patunugin tuwing mag-uumaga lamang.

“Nakakatuwa talaga si Bembol, yaong gigising ka talaga sa kaniyang tambol dahil sa lakas ng tunog, ha! ha! ha!, nakatawang sabi ng kaniyang kapitbahay.

Si Bembol ay may kahinaan sa pagsasalita at pandinig, pero hindi siya kinukutya dahil mabait siyang bata, matulungin, at higit sa lahat siya ay magalang.

“Ang bait na bata si Bembol, tingnan ninyo mahilig siyang magmano at magsabi ng po at opo sa atin”, wika ng isang matanda.

“M….mano po sa.. sainyo”paputol-putol na sabi ni Bembol.

Hindi man niya naririnig ang sinasabi tungkol sa kaniya ay nababasa niya sa mukha na nasisiyahan ang mga matatanda sa kaniya dahil sa masayang mukha at paghaplos ng buhok niya sa kaniyang ulo.

“S...salamat po” sabay na nakayuko ang ulo ni Bembol tanda ng pagbibigay -galang sa mga nakatatanda.

May kakulangan man ang kaniyang pisikal na katangian ay kinaluluguran na siya ng kaniyang mga kalaro dahil na rin sa kaniyang malusog na pangangatawan na kapag halos tumatakbo ay lumuluwa ang kaniyang tiyan sa kaniyang pantaas na kasuotan ay tumatawa rin siya.

“Bembol! Bembol!sigaw ng kaniyang mga kalaro, “itaas mo ang iyong short!” patawang sabi ng kaniyang katabi.Ngunit tila natutuwa rin si Bembol sa nangyayari.

“Si Bembol talaga nakatutuwang bata, hindi hadlang sa kaniya ang kakulangan niya sa kaanyuan”, sambit ng mga matatanda na nanonood nang kanilang larong tumbang-preso.

Sa loob ng bahay nila Bembol, tanging ang tambol lamang ang kaniyang nilalaro, pinupunasan niya ito at inaalagaan dahil binigay ito ng kaniyang namayapang Lolo.

“M..mmahal kita laruan ko” pautal-utal na sambit ni Bembol habang yakap-yakap nito ang tambol.

Boom! Boom! Boom!, tunog mula sa bitbit naman ni Bembol

“Hmmm.. gising na kayo nandito na si Bembol ang ating taga-gising!”, natutuwang sambit ng kaniyang kapitbahay.

Sa tuwing pupunta naman sa paaralan si Bembol ay bitbit niya ang kaniyang tambol kahit malaki pa ito sa kaniya.

“Bembol iiwan na lang natin sa bahay ang laruan mo,” samo ng kaniyang Inang.

“A..ayaw ko po , I..Inang” paawang sabi ni Bembol sa kaniyang Inang. Para pumasok lamang sa paaralan ay hinahayaan na lamang ng kaniyang Inang si Bembol.

Isang araw , habang hinihintay ni Bembol ang kaniyang Inang para umuwi na.

“T..tagal naman ni Inang” , sambit ni Bembol habang nakatingin sa nag-uumpukang kamag-aral niya.

Nakita niya ang kaniyang mga kamag-aral na may nilalarong maliit na tuta, wiling-wili siyang nanonood .

“ Bembol , halika laruin natin ang tuta,” wika ng kaniyang kamag-ral.

“ A..ayaw ko, baka ako ka..kagatin,” patangging sabi ni Bembol.

Sa hindi inaasahan na pangyayari, kinagat ng tuta ang kaniyang kamag-aral. Natakot ang mga bata at nagtakbuhan samantalang si Bembol ay nakayakap lamang sa kaniyang tambol.

“ O! tawagin na natin si Teacher!” sigaw ng isang Bata.

Hindi makasigaw si Bembol sa halip ay hinampas nang hinampas niya ang kaniyang tambol ng pasunod-sunod.

“ Ano ‘yun” nagtatakang sabi ng kaguruan sa isang silid-aralan.

Halos nagulat ang lahat kung bakit ganoon na lamang ang tunog ng tambol ni Bembol na kadalasan tuwing umaga lamang nila naririnig.Pumunta ang kanilang guro at nabigla sa pangyayari sa kaniyang mag-aaral.

“ Salamat Bembol, kung hindi saiyo hindi ko malalaman ang nangyari sa iyong kamag-aral” sambit ng kaniyang guro.

“W…walang aa..anuman po” mahinang sabi ni Bembol na nakatungo lamang ang kaniyang ulo.

“ Maraming salamat Bembol sa pagligtas sa anak ko” sabi ng Tatay ng kaniyang kamag-aral.

Tuwang-tuwa ang kaniyang Inang sa narinig na kuwento sa kaniyang anak na si Bembol.

“ Anak kaya pala gustong- gusto mo na dalahin ang laruan mo ay makakatulong ka sa iyong kapuwa”, tuwang-tuwa na sabi ng kaniyang Inang.

Paglipas ng mga araw, ay natahimik ang kanilang barangay wala silang narinig na tambol mula kay Bembol. Nagtaka ang lahat.

“ Nasaan kaya si Bembol?Hayan tuloy! may araw na tayong nagising” nagtatakang tanong ng kanilang kapitbahay.

Sadyang hindi pala lumalabas ng bahay si Bembol, dahil nasira pala ang kanyang patpat na kahoy ng kaniyang tambol, pilit niyang inaayos ito. Ngunit naiba ang kaniyang oras ng pagpatutunog ng kaniyang tambol.

“ I..Inang..na..nasira po patpat ng ta..tambol ko”, sabi niya sa kaniyang Inang.

“ Hamo ibibili kita ng bago sa Bayan” sambit ng kaniyang Inang.

“ Sa..salamat po I..Inang” tuwang-tuwa sagot ni Bembol.

Boom! Boom! Boom! Boom! , pasunod-sunod na tunog ng tambol ni Bembol.

“ Bakit kaya nagbago ang oras ng pagtunog ng tambol ni Bembol?” nagtatakang tanong ng kaniyang mga kabarangay.

Sa oras ng mag-aalas- sais na gabi naman niya pinatutunog ang kaniyang tambol. Napansin nila na pinapapasok niya ang kaniyang mga kalaro sa kani-kanilang bahay at nagsesenyas ng kaniyang palad para magdasal

“ Pa..pasok na kayo.. si.. sindi kayo kandila at magdasal” pautal-utal na sabi ni Bembol sa kaniyang kalaro. Nagtataka man ang mga kalaro ay pumasok na sa kani-kanilang bahay.

“A, hudyat pala ito ng pagpasok ng mga anak natin sa bahay,” sambit ng kanilang kapitbahay.

“ Nakakalimutan na rin natin na magdasal tuwing alas sais ng gabi, parang pinapaalala sa atin ni Bembol na bigyan ng oras ang pagdadarasal” wika ng nakatatanda sa kanilang lugar.

“ Orasyon! Orasyon ! na nakalimutan na nating gawin,” sambit ng kaniyang kapitbahay.

“ Salamat saiyo Bembol” masayang sambit ng kaniyang Pinsan.

Mula noon ay nabago na rin ang mga dating na kasanayan ng kaniyang mga kalaro at kabarangay.

Ang gumising nang maaga na wala ng tagagising, at pumasok na sa bahay na bago magtatakip-silim para manalangin.

Mga aral na hindi sinasadya na nabago ni Bembol sa kaniyang kabaranggay. Laking tuwa naman ng kaniyang Inang at ng kaniyang buong pamilya ang mga pagbabagong naganap sa kanilang lugar dahil kay Bembol.

“Kakaiba ka talaga Bembol! Hangang hanga ako saiyo!” sambit ng kaniyang Pinsan.

Habang karga-karga ng mga Kabaranggay si Bembol ay pinatutunog naman niya ang ang kaniyang tambol, na kahit hindi niya lubusan nauunawaan ang mga nangyayari ay natutuwa siya dahil nakikita niyang masaya sila.

“Salamat sa iyong pagpapaalala isa kang Bembol Tagapagtanggol!

“Bembol -Tambol na tagapagtanggol!

“Bembol -Tambol na tagapagtanggol! Paulit-ulit na sigaw ng kaniyang Kabaranggay.