Return to site

TALA PARA KAY SINAG

MAE ALBERT C. BONETE

Abra High School

Siyam na buwang magkadugtong sa sinapupunan. Mula sa unang tibok ng puso hanggang sa unang paghinga sa mundo, ang isang ina ang unang naging tahanan ng kaniyang anak. Siya ang unang naging guro, unang yumakap sa bawat takot, at unang naniwala sa bawat munting pangarap. Bago siya naging isang ina, naging anak din siya—isang batang minsang umasa sa gabay, pag-aaruga, at pagmamahal ng sarili niyang ina. Ganyan ang pag-ikot ng buhay; ang dating inaakay ay siya namang umaakay. Bawat yugto ay may sariling kuwento, mga pagsubok na hinaharap, at mga alaalang nagbibigay-kulay sa bawat pahina ng ating paglalakbay.

Isang araw, sa loob ng silid-aralan ng isa sa mga pinakamaingay na klase sa ika-12 baitang ng isang pampublikong paaralan, nagbigay ng kakaibang gawain ang guro sa Filipino. Kilala ang klase sa kanilang walang tigil na tawanan, biruan, at kuwentuhan. Ngunit alam ng guro na ang mga matang iyon ay higit na maraming naisasalaysay kaysa sa mga labi. Sa likod ng kanilang masasayang ngiti ay may mga kuwentong tahimik na ikinukubli. Magkakaiba man sila ng ugali, paniniwala, at pamilyang pinagmulan, iisa ang katotohanang nagbubuklod sa kanila—lahat sila ay mga anak.

“Pumili kayo ng isang tao na gusto ninyong sulatan,” wika ng guro. “Ngunit ngayon, nais kong ang liham ay para sa taong pinagkakautangan niyo ng buhay, ang inyong ina.”

Nagbulungan ang klase. May mga napangiti, may nagkunwaring nainis, at mayroon pang nagtanong kung maaari bang hindi na lamang sumulat. Napailing lamang ang guro at inabot ang mga papel.

Ilang sandali pa, napalitan ng katahimikan ang dating maingay na silid-aralan. Tila tumigil ang oras. Ang marahang pagaspas ng papel at ang tunog ng mga bolpen ang tanging maririnig habang unti-unting isinusulat ng bawat isa ang mga salitang matagal nang kinikimkim. Bawat tinta ng panulat ay laman ang samu’t saring kuwento.

Tahimik lamang na minasdan ng guro ang kaniyang mga mag-aaral. Batid niyang bihira ang ganitong katahimikan, ngunit higit niyang naramdaman ang bigat ng mga damdaming unti-unting bumubuhos sa bawat pahina.

Magkakaiba ang laman ng kanilang mga liham. May sumulat para sa inang nasa ibang bansa na matagal nang hindi nayayakap. May nag-alay ng salita sa inang iniwan sila upang bumuo ng panibagong pamilya. May nagsulat para sa inang hindi na niya nakilala kailanman at para sa mga lolo at lolang nagsilbing tunay na magulang. Mayroon ding mga liham na puno ng pasasalamat, paghingi ng tawad, pangungulila, at pag-asang balang araw ay muli silang magkikita.

Matapos ang ilang minuto, ngumiti ang kanilang guro.

“Kung may handang magbahagi ng kaniyang liham, maaari ninyo itong basahin sa harap ng klase. Walang pipilitin, ngunit marahil ay may pusong nangangailangang marinig ang inyong mga salita.”

Nagkatinginan ang magkakaklase. Walang gustong mauna.

Hanggang sa dahan-dahang tumayo si Nathaniel.

Siya ang pinakamaingay sa kanilang seksiyon. Siya rin ang laging unang tumatawa, unang nagbibiro, at huling tumitigil sa pang-aasar sa kaniyang mga kaklase. Kaya naman labis na ikinagulat ng lahat ang kaniyang paglapit sa harapan.

Bahagyang nanginginig ang kaniyang mga kamay habang hawak ang liham.

“Mahal kong Mamang...”

Huminto siya. Napalunok.

“Tandang-tanda ko pa ang lasa ng huli mong nilutong paborito kong pagkain. Tandang-tanda ko pa kung paano mo ako pinakikinggan kahit alam kong paulit-ulit na lamang ang mga kuwento ko. Ikaw ang unang pumapalakpak kapag mababa man o mataas ang aking marka, at ikaw ang unang nagsasabing ‘kaya mo ‘yan’ kahit anuman ang mangyari. Patawad kung madalas kitang nasasagot. Patawad kung hindi ko palaging nasasabi ang salitang “salamat.” Dalangin ko na, kung ipagkakaloob man ng Diyos ang isa pang pagkakataon, sana sa susunod na pagkikita natin ay ako naman ang maging magulang mo at ikaw ang maging anak ko, upang kahit kaunti ay masuklian ko walang kapantay mong pagmamahal, pag-aaruga at sakripisyong ibinigay mo sa akin at sa ating pamilya.”

Napayuko siya pagkatapos bigkasin ang mga huling salita ng kaniyang liham. Mahigpit niyang hinahawakan ang liham na tila ba kahawak kamay niya mismo ang kaniyang ina. Walang luhang pumatak sa kaniyang mga mata, ngunit higit na mabigat ang katahimikang bumalot sa buong silid-aralan.

Tanging ang kanilang guro lamang ang nakaaalam ng dahilan.

Ilang buwan pa lamang ang nakalilipas nang pumanaw ang ina ni Nathaniel—isang OFW na halos buong buhay na nagsakripisyo upang maitaguyod ang kanilang pamilya. Simula noon, ang kaniyang lolo at lola na lamang ang nag-aaruga sa kaniya at sa kaniyang mga kapatid. Bago pa man sumikat ang araw, bumibiyahe na siya sakay ng isang lumang bisikleta upang tumulong bilang kargador sa palengke bago pumasok sa paaralan. Ngunit pagdating sa klase, siya pa rin ang batang laging unang tumatawa at nagpapatawa, na tila ba walang anumang pasaning dinadala.

Palihim na nagpunas ng luha ang kaniyang guro. Saksi siya kung paanong sa murang edad ay natutunan ni Nathaniel na akuin ang mga responsibilidad ng isang nakatatanda, kahit siya mismo ay nangangailangan pa rin ng pag-aaruga at pagmamahal ng isang ina.

Isa-isang yumuko ang kaniyang mga kaklase. Ang ilan ay tahimik na nagpahid ng luha, samantalang ang iba ay mahigpit na niyakap ang sarili nilang mga liham. Walang nagsalita. Sa katahimikang iyon, higit na nagsalita ang kanilang mga puso.

Nang matapos ang klase, walang nagmadaling lumabas ng silid-aralan. Lahat ay nanatiling nakaupo, tila ba ayaw putulin ang katahimikang nagbuklod sa kanila. Pinakanaaapektuhan sa lahat ang matalik niyang kaibigan na si Juanito. Nang hapong iyon, nilapitan niya si Nathaniel at marahang nagtanong kung kumusta na ito.

Ngunit ngumiti lamang si Nathaniel at tahimik na nagsabi, “Okay lang ako. Umaasa sa akin ang mga kapatid ko, pati sina Lolo at Lola.”

Sa simpleng tugong iyon, higit na naunawaan ni Juanito ang bigat ng mga pasaning matagal nang pasan ng kaniyang kaibigan. Marahil, sa unang pagkakataon, nabigyan ang bawat isa sa kanila ng pagkakataong mailabas ang mga salitang matagal na nilang kinikimkim.

Ilang araw ang lumipas, muling ginulat ni Juanito si Nathaniel. Inihayag niyang personal na sasagutin ng kaniyang mga magulang ang pag-aaral ni Nathaniel sa pamamagitan ng isang scholarship pagdating ng kolehiyo. Magkapatid na ang turingan ng dalawa, at hindi lingid sa kaalaman ng lahat na may kaya sa buhay ang pamilya ni Juanito. Pinili lamang ng kaniyang mga magulang na pag-aralin siya sa pampublikong paaralan upang matutuhan niyang pahalagahan ang buhay at maunawaan ang iba't ibang uri ng pamumuhay.

Ngunit may isang katotohanang hindi alam ng marami. Kung si Nathaniel ay salat sa yaman ngunit sagana sa pagmamahal ng kaniyang ina bago ito pumanaw, si Juanito naman ay lumaking hindi nagkukulang sa materyal na bagay ngunit uhaw sa oras, atensiyon, at kalinga ng kaniyang mga magulang na kapwa abala sa paghahanapbuhay. Doon niya napagtanto na ang tunay na kayamanan ay hindi nasusukat sa salapi, kundi sa pagmamahal na naibabahagi sa pamilya.

Ang mumunting mga liham na iyon ay naging mga tala ng kanilang puso—mga salitang matagal na nilang kinimkim ngunit noon lamang nabigyang-tinig. Sa bawat talang inilaan nila para sa kanilang mga ina, nasilayan ang tunay na kahulugan ng pagmamahal.

Sapagkat ang isang ina ay tulad ng sinag ng araw. Maaaring magkubli siya sa ulap. Maaari ring mawala siya sa ating paningin. Ngunit ang kaniyang liwanag ay mananatiling gumagabay sa landas ng kaniyang mga anak.

Kaya marahil, ang bawat liham ay hindi lamang isang alaala. Isa itong tala para sa kanilang sinag—ang mga inang tahimik nilang ipinagdarasal na humaba pa ang buhay, at maging yaong mga inang wala na sa kanilang piling ngunit patuloy na nagbibigay-liwanag sa bawat hakbang ng kanilang mga anak. Dahil ang pagmamahal ng isang ina ay hindi kailanman nawawala; nananatili itong tanglaw sa puso ng bawat anak, magpakailanman.