Return to site

“TAKAS”

JEANE CRISTINE G. VILLANUEVA

· Volume II Issue III

Maluwag at maaliwalas ang kalsada habang papauwi na ako ng mga oras na iyon. Sa aking paglalakad, napapansin ko na parang may kakaiba sa paligid. Para bang puno ng takot, pangamba, at pagkabalisa ang mga taong nasasalubong ko. Hindi ko maipaliwanag subalit talagang natatawa ako sa mga ikinikilos nila. “Nababaliw na ba sila?” tanong ko sa isa sa kanila. “May corona virus daw sa paligid” sambit ng mga taong nasa kalsada. “ha?” “Wala akong virus, korona lang ng kalsada ang meron ako.”. “Hahahaha! Hahahaha!” Halos sumakit ang tiyan ko dahil hindi ko mapigilan na humagalpak sa katatawa sa mga sinasabi nila.

Kinabukasan, paggising ko parang gusto kong umiyak. Wala na akong makitang mga taong naglalakad sa gloriette park. “Nasaan na sila?”, tanong ko. Sa di kalayuan, nakita ko ang limang lalaki na parepareho ang kasuotan at partida may face mask pa na kulay puti at ang sukat nito ay katulad ng sa mga bumbero. “Uy! may shooting siguro rito, may pa tent pa si mayor oh wala namang mga tao, Hahahaha!”. Mga ilang sandali pa ay may isang lalaking lumapit sa akin. “Ale, bakit nandito po kayo sa labas? Umuwi na po kayo at magsuot po kayo ng face mask.” Sa paglapit n’yang iyon ay nakilala ko siya, isa pala siyang pulis. Matapos niyang magsalita, inabutan niya ako ng isang malaking tinapay na nakikita ko sa bakery sa kanto ng A. Mabini. Wala ni kahit anong salita na mula sa akin ay tinanggap ko ang inaabot niyang tinapay at bumalik na ito sa kanyang pwesto. Ganun din ako, nagpatuloy na rin ako sa paglalakad.

Pakiramdam ko’y nasa panibagong lugar ako ng araw na iyon, walang maraming tao, walang mga sasakyan, walang bukas na mga tindahan. “Nasa ibang bansa na ba ako?” Tanong ko sa kanya habang nakangiti.

Gabi na naman, pauwi na ako ng mga oras na iyon at ito ang kauna-unahang pagkakataon na dadaan ako sa walang katao-taong kalye ng Tala dahil sa takot nila sa corona virus. Sa kalagitnaan ng aking paglalakad, may kakaiba akong nararamdaman, para bang may sumusunod sa akin. “Aha! sinusundan mo ako ha.” Sabi ko sa aking isipan. Dalidali akong nagtago sa isang malaking puno na malapit sa simbahan “Huwag kang maingay may sumusunod sa atin.” Sabi ko sa kanya. Maliwanag na maliwanag ang kalye nang biglang may isa pang puting liwanag na patay-sindi akong nakikita. Hinanap ko ang pinanggagalingan ng puting liwanag, at laking gulat ko nang ito ay makita ko na nagmumula sa aking likuran. “Anong ginagawa mo dito? Halika, sumama ka sa akin.” sabi niya at biglang hinawakan ng mahigpit ng lalaking may hawak ng flashlight ang aking braso.

“Saklolo, tulungan n’yo po ako! Bitawan mo ako, saklolo!” Sa takot ko’y nagtatalon ako, pilit akong kumakawala sa mahigpit niyang pagkakahawak sa aking braso. “Bitawan niyo po ako, maawa na kayo sa akin” “Anong gagawin niyo sa’kin?” sabi ko.

Kahit ako’y nanlalaban, naramdaman ko na parang may insektong kumurot sa braso ko dahilan upang unti-unti akong manghina, mawalan ng lakas at malay. Paggising ko, ang bigat ng aking pakiramdam, ang sakit ng aking katawan, at laking gulat ko, wala na yung damit na suot-suot ko. “Asan na yung damit ko?” Pasigaw na sabi habang ako ay umiiyak at nababalot ng isang telang puti. “Patay na ba ako?” sabi ko sa kanya. Kahit masakit ang katawan ko tinangka kong bumangon para makatakas subalit nakagapos ang aking mga paa at kamay.

Takot na takot na ako, “patayin niyo nalang ako.” Muli kong sinabi ko sa kanya. Maya-maya pa ay may biglang pumasok na naman sa pintuan ng kwarto, tumayo ang mga balahibo ko sa batok at kamay.

“Parang awa niyo na po pakawalan niyo ako” isang tao na hindi ko makita ang mukha dahil meron itong facemask gaya nang suot-suot ng pulis na nakita ko. Matapos niya ulit hawakan ng mahigpit ang aking braso ay muli na naman bumulagta ang aking pagod na pagod na katawan. Pilit kong iminumulat ang aking mga mata kahit pa ramdam ko ng mawawalan na naman ako ng malay.

Paulit-ulit at maraming beses kong naranasan ang ginagawang ito sa akin. Hanggang isang araw, hindi ko tiyak, pero magaan ng aking pakiramdam, Napakagaan!

“Kamusta ka na?’ sabi ng tinig na nagmumula sa aking likuran. Tumayo ako mula sa pagkakaupo at buong lakas kong tiningnan ang nagsasalita, sinipat ko rin ang paligid, pakiramdam ko’y nakatulog ako ng mahabang panahon at muling bumangon.

“Kamusta ka na? Anong nararamdaman mo ngayon? Ako nga pala ang doktor mo, Dra. Jeaniesar.” Hindi ako makapagsalita, tinitigan ko lamang siya ng tinitigan.

Muli niya akong pinaupo at unti unti niyang ikinakabit ang face mask sa aking mukha.

“Dok, ano pong ginagawa ko dito?” dahandahan niyang isinalaysay ang mga pangyayari. Ako pala ay dinampot ng mga pulis dahil nakita akong palakad lakad sa kalye na sobrang dumi ang kasuotan. Walang tirahan kundi ang lansangan, madalas ko rin daw kinakausap ang aking sarili.

“Anong nangyari sa akin?” sambit ko sa aking sarili. “Tinakasan ako ng bait?” Doon, unti-unting nagbalik ang aking alaala, kasabay nito ay nagbalik din ang masasakit na pangyayari kung paano namatay ang aking mga anak dahil sa covid 19. Hindi ko man lang sila nakita o nahawakan bago i-cremate.

“Huhuhuhu!, Huhuhuhu!” nagsimula akong humagulgol sa harapan ni Doktora. Sobrang sakit ng pagkawala ng aking mga anak. Sakit na di matutumbasan ng kahit anong sibat o sandata, sakit na habang buhay na mag-iiwan ng lamat sa aking puso.

Ang hirap! Napakahirap! Subalit, dahil sa tulong ng ahensyang nangangalaga sa kalusugang pangkaisipan at mga taong may mabuting kalooban, pinilit ko na unti-unting bumangon para sa harapin ang panibagong hamon at yugto ng buhay.