Return to site

SINA KARDING, KULAS AT ANG KARETA

ni: GIRLIE MARIE L. PENALES

“Ano, kumusta kayo?” tanong ni Karding sa mga kaibigang hayop habang nasa isa silang maliit na latian at nagpapahinga.

Nabalitaan na ba ninyo ang magaganap na okasyon sa kabayanan at kasama tayo doon? ‘Yan ay kung isasama kayo ng inyong mga amo,” patuloy pa nito.

Sa isang malayong barangay ng Iriga ay malayang makapag-usap ang mga hayop at tao lalo na sa oras ng kanilang pamamahinga. Ang paborito nilang pahingaan ay sa ibaba ng maliit na burol na malapit sa ilog at tanaw ang kalawakan ng palayan. Tuwing umaga ay damang-dama ang sikat ng araw dito, samantalang tuwing hapon naman ay napakagandang pagmasdan ang paglubog ng araw na ang kulay ay nag-aagawang dilaw, kahel at pula tungo sa dahan-dahang pagdilim ng paligid.

Isa si Karding kalabaw sa mga hayop na madalas tumambay dito. Siya rin ay nagtataglay ng pinakamalakas na boses sa lahat na hayop doon at hindi nauubusan ng kuwento.

“Bakit ano ba ang okasyon sa bayan?” tanong ng isang masayahing ibon.

“Aba, ‘di ninyo pa nga pala talaga alam. Kung ganoon ay ‘di kayo isasama ng inyong mga amo. Marahil ay hindi sila bilib sa inyong kakayahan!” may paghahamong sabi ni Karding.

“Ako ay nakakasiguro na isasama ng aking amo sapagkat ngayon pa lang nga ay inaayos na niya ang kareta na aking gagamitin,” dagdag pa ni Karding.

“Ano po bang kareta?” ang tanong naman ni Ely, ang batang 10 taong gulang at anak ng amo ni Karding. Si Ely ay madalas na sumasama kay Karding.

“Ely, ang kareta ay parang napakalaking basket, ito ay isang kariton na de gulong na nilalagyan ng mga produkto sa bukid at hinihila ng mga malalakas na hayop gaya ko,” sagot ni Karding.

Kinabukasan, muling nagkita-kita ang mga hayop sa paborito nilang latian. Si Karding ay nakalublob dito kasama ang iba pang kalabaw. Samantalang si Kulas kalabaw ay tahimik na nagpapahinga sa damuhan. Masayang ibinibida ni Karding ang inaasam-asam niyang muling makatuntong sa bayan. At nagmamalaki niyang sinabi na marahil sa kanilang lahat, siya lamang ang makakapunta sa bayan para sa isang okasyon.

“Pangarap ko ring makita ang bayan,” ang sambit ni Kulas. “Matutupad kaya ang pangarap ko?” nangangarap na dagdag pa nito. “Sa palagay ko hindi, Kulas. Tingnan mo naman kasi ang tindig mo at ang tindig ko, lubhang napakadehado ng pangangatawan mo sakin. Hindi mo siguro magagawang hilahin ang isang kareta na puno ng mga produktong pambukid,” sabay ngisi ni Karding na animo nangangantiyaw.

Ang masasakit na salita na binitiwan ni Karding ay lubhang nagpalungkot kay Kulas. “Sobra ka namang magsalita, Karding. Malakas naman si Kulas, ah.” ang pagtatanggol ng asong si Tanggol.

“Saka napakasipag ni Kulas. Kaya nga tuwang-tuwa sa kaniya ang kaniyang amo,” ang sabi naman ni Tahol, isa ring aso. Nakayuko lamang ang nalungkot na si Kulas.

Pagdating sa bahay ay nakita ni Ely ang ama na nakatuon sa ginagawa nitong kareta.

“Apay, totoo po ba na gagamitin ‘yan sa bayan? Bakit po, anong meron sa bayan?” tanong ni Ely.

“Anak, tayo ay dadalo sa bayan sa pagdiriwang ng Tinagba sa susunod na linggo.” ang sagot ng ama.

“Ano pong Tinagba?” usisa ni Ely.

“Ang Tinagba ay taon-taon ipinagdiriwang sa bayan bilang pasasalamat ng mga magsasaka at magbubukid sa kanilang naging ani sa nakalipas na taon.” ang paliwanag ng ama.

“Ano po ang gagawin doon, Apay?” muling usisa ni Ely.

“Itong ginagawa kong kareta ay siyang lalagyan natin ng mga produkto na ating ani gaya ng mga niyog, mais, kalabasa, sitaw at kamote na ipaparada sa mga daan sa bayan. Ang tawag sa ating mga dadalhing produkto ay tagba na ang ibig sabihin ay alay, handog o regalo. Ang parada ay magtatapos sa may groto ng Lourdes. Naniniwala ang mga taga- Iriga na ang ganitong gawi ng pagdulot ng tagba ay pasasalamat sa masaganang bunga ng mga pananim na ibinigay sa atin ng Diyos,” matiyagang paliwanag ng ama kay Ely na halos mamilog ang mata sa nalaman.

“Eh Apay, ano na po ang mangyayari sa mga prutas at gulay sa Tinagba?” muling tanong ng bata.

“Ang mga nalikom na produkto ay hahatiin at ipamamahagi sa mga bahay-ampunan, mga bahay-kalinga at maging sa mga piitan. Ito ang isa sa pinakamagandang bahagi ng okasyon sapagkat ang mga magsasaka ay nakapagbabahagi ng kanilang ani sa mga kababayan natin na limitado ang kakayahang buhayin ang kanilang mga sarili,” paliwanag ng ama.

Tuwang-tuwa sa nalaman si Ely at pagkaraa’y nagtanong, “Apay, maaari po ba akong sumama?”

“Oo, anak. Ikaw, si Manoy Jose mo at si Amay mo ay isasama ko sa bayan. Magsisimba rin tayo pagkatapos. Napakaraming tao doon at tunay na masaya ang pagdiriwang kaya’t alam ko na mawiwili kayo ng kapatid mo. Limang araw pa ang hihintayin mo para dito,” nakangiting pahayag ng ama habang inakbayan si Ely.

“Kasama din po ba natin si Karding, Apay?” ulirat ni Ely.

“Oo anak, si Karding ang hihila nitong kareta na pupunuin natin ng mga prutas at gulay. Marami rin doon ang mga kalabaw na hiihila ag mga kariton ng ibang magsasaka. Siya, sige na, pumanhik ka na sa bahay ay tulungan mo na si Amay mo na maghanda ng pagkain,” sabi ng ama. Masayang pumasok sa bahay ang bata.

Sa mga sumunod na araw ay naging abala ang mga magsasaka at maging ang mga hayop. Ang mga magsasaka ay kani-kaniyang pag-hahanda ng kanilang dadalhin para sa pagdiriwang ng Tinagba.

Ang mga kareta ay nilagyan ng makukulay na dekorasyong yari sa iba’t ibang hugis at sukat ng dahon, mga baging at mga bulaklak. Tunay ngang makulay at buhay na buhay ang diwa ng pasasalamat at galak sa mukha ng mga hayop at tao.

Ang 15 taong gulang naman na kalabaw na si Karding ay lalong yumabang. Kung saan-saan ito nakararating para ikuwento na siya ay tutungo sa bayan. Halos kulang na siya ng pahinga dahil sa kaniyang maghapong pagtambay sa malalayong lugar. Palaging nakaliyad at ipinagmamalaki ang kaniyang matipunong katawan.

Sa kabilang dako, walang pagsidlan ang tuwa ni Kulas nang malaman na siya pala ang hihila ng kareta ng kaniyang amo. “Naniniwala ako na handa ang katawan ni Kulas na tumungo sa bayan sapagkat napatunayan ko na ang kaniyang lakas nang maraming beses. Anim na taon na rin naman kasi siya,” narining niyang sinabi ng kaniyang amo sa kaibigan nito na lubos niyang ikinasiya.

Mabilis siyang tumungo sa latian upang ibahagi ang masayang balita sa mga kaibigan. Lahat ay natuwa sapagkat magkakasama-sama sila sa parada. Ngunit si Karding ay malakas na humalakhak.

“Ha ha ha ha! Kulas, magdasal ka na kakayanin mo ang paglakad sapagkat mahaba ang parada at marami kang karga. Alalahanin mo na nasa bayan tayo, dapat ay hindi tayo mapahiya. Sana ay huwag kaming madamay sakaling mapahiya ka roon,” nang-aasar na naman na sabi ni Karding. Tumahimik lang kahit naiinis ang mga ibon, kambing, aso, kabayo, paru-paro at maging mga kulisap na nakarinig kay Karding.

Sa bayan, tunay na kasabik-sabik ang panonood ng parada. Maraming palamuting banderitas sa mga daan, malalakas ang tugtog ng mga tambol, napakaraming banda ang walang pagod na tumutugtog, at napakarami ng iba’t ibang paninda sa plasa.

Ang mga kareta o kariton ay puno ng iba’t ibang ani gaya ng bigas, niyog, saging, gabi, sitaw, talong, singkamas at mais. Naglalakihan ang mga upo, kalabasa, santol, abokado, at iba pang prutas at gulay.

Habang nagpaparada, mayroong namimigay ng kendi sa mga nanonood. Libang na libang sila sa makukulay na kareta na hinihila ng malalakas na hayop.

Labis ang tuwa sa mga sandaling iyon ni Kulas. Manghang-mangha siya sa itsura ng bayan tuwing Tinagba. Ang daming ring tao na pumapalakpak sa kaniya.

Walang ano-ano’y inutusan si Kulas ng kaniyang amo na tumigil sandali. “Bakit kaya?” tanong ni Kulas sa sarili.

“Dito na muna natin ilipat ang aking mga tagba. Hindi na p’wedeng pilitin ang aking kalabaw. Sa tingin ko ay kulang siya sa tulog at pahinga. Para siyang lasing na paekis-ekis ang paglakad. Baka siya tuluyang lumugmok kaya’t magpapahinga na lamang muna siya sa gilid.” tinig ito ng Apay ni Ely. Ang amo ni Karding ang nagsasalita.

“Totoo ba ang narinig ko? Nanghina si Karding habang nasa parada?” tanong ni Kulas sa sarili na halos hindi nakapaniwala.

Saka lamang naniwala si Kulas nang maramdaman niya ang pagdagdag ng bigat ng kaniyang hilang kareta sa paglilipat dito ng mga tagba mula sa kareta nina Karding.

Kinaya naman ni Karding ang mabigat na kareta hanggang sa paanan ng Groto ng Lourdes. Nakangiti siyang tumingala sa imahen ng Lourdes at nagpasalamat sa lakas na pinagkaloob sa kaniya para matapos ang parada. “Bigyan pa po ninyo ako ng panibagong pagkakataon sa sunod na taon na sana ay muling makadalo ito kahit ako ay isang hamak na kalabaw lamang,” taimtim na dasal ni Kulas.

Kinabukasan, halos walang hayop sa paboritong pahingahan ng mga hayop sa bukid. Nagtaka si Kulas.

“Ah, marahil sila ay pagod pa sa nagdaang okasyon sa bayan kahapon,”bulong niya sa sarili.

Nang dakong siya ay aalis na sana, bigla siyang binulaga ng mga kaibigang hayop.

“Mabuhay si Kulas! Mabuhay ang mabait at malakas na si kulas!” Takang-taka si Kulas dahil sa paglingon niya ay magkakasama pala ang mga kaibigang hayop at siya ay pinalibutan at sinabitan ng palamuting kuwintas na bulaklak. Sa dulo ay nandoon si Karding na parang nahihiya.

“Kulas, patawarin mo sana ako,” ani Karding.

“Naging mayabang ako. Tinawaran ko ang iyong kakayahan subalit ako pala ang mahina,” malumbay na pahayag pa ng kalabaw.

“Sana ay mapatawad mo ako. Ganoon din kayo, mga kaibigang hayop. Sana ay matanggap ninyo pa rin ako bilang kaibigan kahit ako ay naging mayabang.” habol na pahayag pa nito.

“Karding, sapat na sa amin na nalaman mo ang iyong maling ginawa. Ingatan mo na ang iyong mga salitang sasabihin nang hindi ka makasakit sa damdamin ng iba,” malumanay na sagot ni Kulas at tinapik ang balikat ng kalabaw.

“Halika na at lumublob na tayo sa latian!” masayang anyaya ni Kulas sa mga kaibigang hayop.

“O siya, kuwentuhan na nga ako ninyo ng mga karanasan ninyo sa bayan at kung gaano kasaya ang Tinagba sa Iriga,” ang nasasabik na pahayag ng kambing na si Dilag.

Muling nagpalitan ng iba’t ibang kuwento ang masayang mga hayop.