Sa dila'y may inang puso ay dakila,
Apoy ng lahi, sa araw na kay ganda.
Bawat titik ay ginintuang alaala,
Bawat pantig ay tinig ng masa,
Wikang Filipino, liwanag ng bansa.
Baybayin ng noon, sa puso'y sumikla,
Tunog ng tagumpay, indayog ng ligaya,
Sa hangin sumayaw, himig na kay sigla,
Sa gunita't kwento'y muling madarama,
Tanglaw ng bayan, pantas na tala.
Sa gabi ng laban, ikaw ang kasama,
Sigaw ng Katipunan, maging malaya.
Katuwang ng bolo at tapang ng maralita,
Ang alab mo'y sigâ ng pag-asa.
Kislap ng sigla, sa makulay na bandila.
Naroon ka sa kwento ng aming Lola,
Sa putaheng niluluto ng aming Ina,
Sa masayang huni ng musmos na bata,
Pintig ka ng dibdib, ginhawa ng diwa,
Tula ka sa puso, bida sa bawat dula.
Alamat ng diwata, ng bayani't sinisinta,
Habi ng kasaysayan sa bawat pulo't isla,
Katutubong awit at indak sa gitna ng guba,
Yamang hindi nawala’t hindi mawawala,
Wika, gabay sa landas ng bawat nilikha.
Sa hapdi ng gabi, may daing ang dalita,
Bulong ng pag-asa sa pusong may dusa,
Pag-ibig, pangarap, lumbay o ligaya,
Sa bawat salita’y umaalab ang laya,
Pahinga sa lungkot, wika ang sandata.
Ngunit ngayo’y tila nalilihis na,
Hawak ng banyaga ang aming dila,
Nalilingat sila sa chat at salita,
Sa uso, sa vlog, sa awit ng iba,
Wikang minana, ngayo'y nawawala.
Panahon na upang sila'y gisingin na,
Sa puso't isipan ay pagyamanin pa,
Ang wika ng bayan, kayamanan ng isa't isa,
Wikang Filipino, salamin ng kultura
At ng pagkataong may dangal na dakila.