Mga Tauhan
Rumayan -anak na babae ni Lumayon
Subayan-anak na lalaki ni Lumayon
Lakan-Lumayon -Ama nina Rumayan at Subayan, pinuno ng tribo
Adlawan- Asawa ni Lumayon
Lubang Gani- Ama ni Lumayon
Lakan-Magani- Ama ni Lubang Gani at Lolo ni Lumayon
Bagusa- Isang babaylan
Amankinable- Panginoon ng mga karagatan
Aman Sinaya- Diyos ng tubig at patron ng mga mangingisda
Dumangan- Diyos ng masaganang ani
Berkakan- isang uri ng dambuhalang isda
Tigmamanukan – isang uri ng itim na ibon na pinanainiwalaang nagbibigay signos o babala sa tao.
SINOPSIS:
Itinakda noong panahong bago ang kolonyalismo sa Pilipinas, ang istoryang ito ay naglalarawan sa mayaman at makulay na kultura ng mga taong naninirahan sa baybayin ng look. Nakasentro ang istorya sa kambal na anak ni Lakan-Lumayon na sina Rumayan at Subayan, at kung paanong tahasang nakadaupang-palad ng mga Pilipino ang kinikilala nilang mga diyos at diyosa. Ipinapakita rin sa istorya ang pagtalima ng mga Pilipino sa mga tagubilin,
sa mga batas ng kalikasan, at sa mga kasunduan ng tao at mga banal na nilalang. Ang pagpapakita ng pulang buwan, tanda ng tipan sa pagitan ng diyos na si Amankinable at ng mga taga-look, ay tila pilat na nagsisilbing paalala sa mga tao. Datapwat, ang pagtalima sa kasunduang ito ay nagdulot ng takot sa tahimik at payapang pamumuhay ng buong tribo. Sa pagsilang ng kambal, ay magwakas na kaya ang pangambang hatid ng diyos ng karagatan, o lalong lamang mapoot si Amankinable sa mga taga-look?
1
Ito ay isang kwento noong unang panahon, mga panahon ng mito at alamat, ng mga diyos at diyosa at kung paanong ang mga banal na nilalang ay nakadaupang-palad ng mga katutubong Pilipino sa kanilang araw-araw na pamumuhay sa daigdig.
Ang mga alituntuning gumagabay sa sikulo ng buhay ng mga katutubong Pilipino, na sumasalamin sa mga batas ng kalikasan at mga hamon na sumusubok sa katatagan ng isang tao. Ang pagtitiwala sa kanyang sarili at sa kanyang kakayahang higitan ang anumang pagsubok na kahaharapin nang may pananampalataya sa kanyang lumikha ay saklaw ng pag-iral sa kapuwa-tao, sa pamilya, sa lipunang kanyang kinabibilangan at sa mundong kanyang ginagalawan.
2
Sa Timog-kanluran ng kalupaan ng Luzon, ay may matatagpuang isang pamayanang namumuhay malapit sa look. Masagana ang pamayanang ito gawa na din ng lokasyon nitong pinapagitnaan ng malawak na lupaing sakahan at di-maabot-tanaw na katubigan na sadyang sagana sa iba’t ibang yaman at mga lamang dagat. Ang lahat ng biyayang tinatamasa ng pamayanang ito ay ipinagpapasalamat nila sa mga patrong diyos na si Dumangan, para sa masaganang ani, at diyosa na si Aman Sinaya para sa yaman ng karagatan.
3
“sulitin ang lahat ng mga ani upang maiulat ito sa ating panginoon” ang utos ng tagapangasiwa ng mga manghahasik. Agad kumilos ang mga kalalakihan at tinipon ang mga pananim upang ito ay maihanda at maiulat kay Lakan-Lumayon. “aabutin tayo ng apat na araw upang masinop ang lahat ng mga ito” ang wika ng mga mangahahasik. Nag-uumapaw na palay, mais, kamote, iba’t ibang mga pananim at butong gulay ang kanilang nasinop. Ang mga punong tulad ng saging, marang, bignay, mangga, suha at santol ay hitik na hitik din sa mga bunga.
4
Sa gawing baybayin ng look naman ay makikita ang masisiglang mga mamamalakay sa paghatak ng kanilang mga lambat mula sa kanilang bangkang pangisda. Ipinagkaloob sa kanila ng look ang samo’t saring mga isda tulad ng matambaka, kitang, tanigue, Lapu-lapu, salaysalay, talakitok at dalagambukid sari-sari ding lamang-dagat at mga kabibe ang nakukuha nila sa look tulad ng hipon, talaba, tulya, alimasag, talimusak at tahong.
“Sulitin ang lahat ng mga huli, ihiwalay ang mga kabibe sa mga isda” ang utos ng tagapangaasiwa ng mga mamamalakaya. Kumilos at tinipon nila ang lahat ng lamang dagat sa mga malalaking buslo upang maihanda sa pagsusulit at maiulat sa Lakan.
5
Si Lakan-Lumayon ang pinuno sa bayan ng look. Maalam sa pamumuno ng pamayanan si Lumayon. Ang lahat ng kanyang mga ginagawang panukala at pasiya ay para sa ikabubuti ng kanyang nasasakupan. Sumasangguni si Lakan-Lumayon sa konseho ng tribo na binubuo ng mga matatanda upang humingi ng payo at gabay sa kanyang mga desisyon.
“Nagpatawag ako ng pagpupulong dahil sa isang mahalagang bagay na hindi natin maaaring isawalang bahala” ang wika ng Lakan sa konseho ng mga nakatatanda. “Nalalapit na ang pagsapit ng pulang buwan, tayo ay dapat na maghanda” ang wika ni Bagusa, ang babaylan ng tribo.
6
“Tulad ng ating kasunduan kay Amankinable, wala nang buhay na kukunin, kundi ang pinakamainam na mga isda at ani ang ating iaalay” ang matatag na sinabi ng Lakan.
“Bukas din ay nais kong mag-ulat sa akin ang mga tagapangasiwa” ang utos ni Lakan-Lumayon sa pinunong mandirigma. “masusunod po panginoon” ang tugon nito.
7
Nang gabing iyon ay balisa si Lakan-Lumayon, malalim ang kanyang iniisip.
“Ano ang bumabagabag sa iyo, aking mahal?” ang malambing na tinig ni Adlawan.
“hindi ka ba nasasabik sa nalalapit na pagsilang ng ating mga anak?” kasabay ng matamis nitong ngiti sa asawa
“Kayo ang aking kasiyahan, aking mahal” ang tugon ni Lumayon kasabay ng paghaplos nito sa tiyan ng kabiyak. “Naramdaman mo ba iyon aking mahal? Gumalaw ang mga bata” sa nasasabik na tinig ng asawa. kumislot ang kambal sa sinapupunan ng ina na tila masayang tumugon sa tinuran ng kanilang ama. “Gayun pa man, nangangamba ako na baka magbago ang isip ni Amankinable” ang tinuran ng Lakan.
8
Ang diyos ng karagatan na si Amankinable, ay isang diyos na masungit at mainitin ang ulo. Ang mga ninuno ni Lakan-Lumayon na unang nanirahan sa baybay ng look ay nasaksihanang kapangyarihan ng diyos na ito. Binalikan ni Lumayon sa kanyang gunita ang mapait nasinapit ng kanyang mga katribo sa kamay ni Amankinable. Malinaw na malinaw pa sa kanyang ala-ala ang pagpaparusang ginawa ng diyos ng karagatan sa kanyang ama. Noo’y lumaot si Lubang Gani, ama ng batang Lumayon, upang mangisda sa look kasama ang kanyang mga mahuhusay na mangingisda. Sa paghahanda ng kanilang mga bangkang pangisda ay mayroong napansin si Lubang Gani, ang ibong Tigmamanukan na nakadapo sa isang malabay na puno ng akasiya na tila nagmamsid sa kanilang pangkat na noon ay naghahandang upang mangingisda sa look. Ngunit ipinagwalang-bahala ito ng kanyang ama dahil alam niyang ginagabayan sila ng patrong diyos na si Aman Sinaya sa kanilang paglaot.
9
Pagkarating nila sa pusod ng look, ay inihugos nila ang mga lambat na gamit sa pangingisda. Habang inilalagay nila ang mga lambat sa tubig ay napansin ni Lubang-gani ang madilim na bahagi ng kaulapan na unti-unting lumalapit sa kanilang mga bangka. Ilang sandali pa ay paparating na ang mga daluyong mula sa di kalayuan, matataas ang mga ito at talaga namang kayang magbumuwal ng mga bangkang pangisda. Hinampas ng malalaking alon ang pangkat ng mga mangingisda at ang kanilang mga bangka.
10
Mula sa karagatan ay sumulpot ang diyos na si Amankinable! Umalingawngaw ang Isang malakas na tinig mula sa naglalakihang mga alon kasunod ng malakas na pagkulog “mga pangahas na taga-lupa! Lisanin Ninyo ang karagatang ito!” ang wika ng diyos sa mga mangingisda. “Kami ay naparito upang mangisda lamang” ang matatag na sagot ni Lubang Gani.
“Wala kayong karapatan na kumuha ng mga yaman dito, hindi ninyo pag-aari ang karagatan na ito” ang sabi ni Amankinable sa mga ito. “Si Aman Sinaya ang nagbigay sa amin ng buong Karapatan na mangisda sa karagatan na ito, siya lamang ang diyos na aming kinikilala!” ang matapang na tugon ni Lubang Gani kay Amankinable.
“Lapastangan! Tignan natin kung hanggang saan ka dadalhin ng iyong kahangalan!” ang sagot ng diyos ng karagatan.
see PDF attachment for more information