Return to site

SI RENEBOY AT ANG MALILIIT NA NILALANG

RUFINA M. ROSALES

Putol Elementary School

Pssst! Pssst! Pssst!

Araw araw ko na lamang naririnig ang pagtawag na iyon sa tuwing dadaan ako sa puno sa loob ng aming paaralan. Palingon-lingon ako saan mang dako ngunit sa tuwina wala akong makita na tao na tumatawag sa akin.

Muli isang hapon narinig ko na naman ang tawag na iyon ngunit kagaya ng dati, ipinagpatuloy ko na lamang ang paglalakad ko papunta sa aking mga kaibigan sapagkat oras na ng uwian ngunit bago kami umuwi ay naglalaan kami ng kaunting oras upang maglaro ng habulan.

“Taya ka! Naabutan kita!” aniya ni Danilo na aking kalaro at kaibigan.

“1,2,3 magtago na kayo!” sabi ko na aktong maghahanap na ako sa kanila upang mahuli at mahabol ko at maging sila naman ang taya. Pagsapit ng alas 4:00 ng hapon kahit gustuhin pa naming maglaro ay napipilitan na kaming umuwi, dahil isasara na ng aming guwardiya na si kuya Rene ang gate ng aming paaralan .

Isang hapon napagpasyahan naming magkakaibgan na huwag munang maglaro sapagkat abala ang lahat sa iba’t- ibang gawain . Habang naghihintay ako ng aking sundo hindi ko namalayan na napaub-ob pala ako sa mesa sa ilalim ng puno na aming pinagkakainan.

“Pssst! Psssst! Pssst!” muli ko na namang narinig ang pagtawag na iyon. Pakiramdam ko ang tumatawag ay nakatingin sa akin. Sinundan ko ang pagtawag na iyon na sa aking pakiramdam ay nagmumula sa puno. Parang may kakaiba na hindi ko maipaliwanag malapit sa punong iyon.

Paglapit ko sa ugat ng puno, halos manlaki ang aking nga mata sa aking nakita. Lumiwanag ang mga ugat ng puno at kasabay ng pagbuka nito ay ang paglabas ng maliliit na nilalang. Nanginginig ang buo kong katawan na parang gusto kong tumakbo, sumigaw, at humingi ng saklolo.

Nang biglang makarinig ako ng tinig. “Huwag kang matakot bata, katulad mo, kami ay mga bata din, ang kaibahan nga lamang natin ikaw ay malaki at kami ay maliliit”.

“Totoo ba ang aking nakikita? Tama ba na mga duwende ang aking kaharap?” Tanong ko sa isip ko habang sinampal sampal ko ang aking dalawang pisngi.

“Hindi kami masamang duwende, nais lamang namin na magkaroon din kami ng kaibigang bata sa ibabaw ng lupa. Marami na kaming sinubukang maging kaibigan ngunit lahat sila pawang takot at kaagad nagsisitakbo”.

Balot man ng takot at pag-aalinlangan ay sinubukan ko silang kausapin.

“O-o-oo. Oo naman, A-a-akoooo si Reneboy” garalgal na boses kong tugon.

At iyon na ang naging simula ng aming pagkakaibigan. Niyaya nila ako sa kanilang kaharian sa loob ng puno. Nalaman ko na ang naririnig kong pagtawag na “Pssst pssst pssst” ay kanilang hudyat upang sila ay lumabas at maghanda sa pagsabay sa aming paglalaro sa ibabaw ng lupa.

Noong hapong din iyon ay kaagad kaming nagkasundong maglaro. Habulan dito, takbo doon. Tago dito, tago doon. Puno ng tawanan at pagod ang aming nadarama na animo’y matagal na kaming magkakakilala.

Pasumandali akong napatigil ng may marinig akong busina.

Beep beep beep beep!

“Reneboy! Reneboy! Labas na ikaw at tayo’y uuwi na.” Narinig kong tawag ng aking tiyuhin sa labas ng gate. Sa pagkakataong iyon ay agad-agad akong tumayo at lumabas mula sa ilalim ng puno .

“Paano ba ‘yan mga kaibigan, andiyan na ang sundo ko. Pero hindi natatapos diyan ang ating paglalaro. Simula bukas, ay sisikapin kong maisali kayo sa aming laro. Ang bawat laro namin ay alay namin sa inyo. Mas dadamihan pa namin ang lalaruin namin araw araw ng sa ganon madami kayong larong matutuhan. Sisikapin ko ding maipakilala kayo sa aking mga kaibigan at ipapaliwanag na hindi dapat katakutan ang mga duwende. Hanggang sa muli, paalam!”

“Salamat kaibigan. Sa unang pagkakataon ay may tumanggap sa aming tao upang maging kaibigan Aasahan namin ang iyong pangako . Sabik na kami para sa paglalaro natin bukas.” At nakangiting kumaway ang aking mga bagong kaibigang duwende habang akoy unti unting lumalabas ng gate.

Masaya akong sumakay sa tricycle ng aking tiyo. Panay ang aking ngiti at abala ang isip. Kamangha-mangha ang araw na ito. Totoo pala ang mga duwende. Kahanga-hanga ang kanilang kaharian. Hindi naman pala sila masasamang nilalang. “Simula bukas sisikapin kong tupadin ang aking pinangako sa kanila.” Sisikapin ko ding linisin at pangalagaan ang puno na nagsisilbi nilang tahanan katumbas ng pagpapahalaga sa aming pagkakaibigan!