Return to site

SI RAHIM: PANGARAP NG BATANG YAKAN

ni: DARA GAY S. FELICIANO

Sa paanan ng kabundukan ng Basilan, sa isang pamayanang Yakan na malayo sa kabihasnan, nakatira si Rahim, isang batang lalaki na may simpleng buhay, ngunit dakilang pangarap. Siya ang panganay sa limang magkakapatid, at dahil siya ang panganay, siya na rin ang katuwang ng kanyang mga magulang sa mga gawaing-bahay at pangangalaga sa mga nakababatang kapatid.

Ang kanyang ama ay isang gomero, isang taong araw-araw na sumusuong sa kagubatan upang magsaha ng dagta mula sa mga punong goma. Bago pa man sumikat ang araw, may dalang kutsilyo at lata ng timba ang kanyang ama. Maingat nitong hinihiwa ang balat ng puno upang makuha ang dagta na kalauna’y gagawing goma. Ganoon ang kanilang hanapbuhay, pawis, tiyaga, at pagkayod baon araw-araw.

Ang kanyang ina naman ay tagahabi ng Tenun, isang tradisyonal na telang Yakan na hinahabi mula sa sinulid at sining. Sa maliit nilang kubo, maririnig ang kalansing ng habihan habang unti-unting nabubuo ang makukulay na disenyo nito. Ayon sa ina ni Rahim, bawat kulay at hugis ng Tenun ay may kahulugan paggalang, paniniwala, pagkakaisa ng ating tribong kinagisnan.

Dahil sa kahirapan, ang baon ni Rahim sa eskwela ay simpleng kanin at buro, o minsan ay asin na lamang. Wala siyang bagong gamit-pampaaralan. Ang kanyang bag ay sira-sira, at ang kanyang sapatos ay may butas pa. Ngunit hindi ito naging dahilan upang mawalan siya ng gana sa pag-aaral.

Araw-araw, tinatahak niya ang mahaba’t maputik na daan patungong paaralan. Kailangan niyang tumawid sa sapa, at kung minsan, malalakas na ulan ang kanyang kaagaw sa daan. May pagkakataon pa na binabaha ang daan, ngunit hindi ito naging hadlang sa kanya. Basang-basa man ang kanyang pantalon at damit, tuloy pa rin siya sa pagpasok sa paaralan kahit pa pawis at basing-basa pa.

“Hindi ako pwedeng tumigil,” bulong niya sa sarili.

“Dahil sa bawat hakbang ko, mas lumalapit ako sa pangarap ko ang maging guro na magtuturo sa aming tribo.”

Sa loob ng klase, si Rahim ay tahimik, mapagmasid, ngunit matalino. Gustung-gusto niyang makinig sa mga aralin, lalo na kapag tungkol sa wika, kultura, at kasaysayan. Tuwing may talakayan, hindi siya nahuhuling magbahagi ng kanyang pinagmulan.

“Ma’am,” sabay taas ng kamay ni Rahim, “kami pong mga Yakan ay masisipag. Ang nanay ko po ay naghahabi ng Tenun na tela, makukulay po ‘yon. Ang tatay ko naman po ay nagsasaha ng goma. Mahirap lang po kami, pero masayahin at matulungin kami sa isa’t isa. Mahirap man ang buhay masaya naman kami.”

Napapangiti ang kanyang guro. Sa simpleng pagbabahagi ni Rahim, nabibigyang-buhay ang mga salitang “pagmamalaki sa sariling kultura at pagkakaisa at pagmamahalan nila.”

Habang lumalaki siya, lalo rin niyang nauunawaan ang kahalagahan ng edukasyon. Nakita niya kung paanong maraming batang Yakan ang hindi nakakapag-aral, dahil sa kahirapan, sa kakulangan ng paaralan, o sa kawalan ng tiwala sa sarili.

“Balang araw,” pangako niya sa sarili, “ako ang magtuturo sa kanila. Walang Yakan ang dapat manatiling mangmang. Lahat kami ay may karapatang matuto.”

Pagkatapos ng sekondarya, nakatanggap siya ng simpleng parangal, hindi para sa karangalan lang, kundi para sa kanyang dedikasyon. At mula roon, nagpasya siyang magtungo sa lungsod upang ipagpatuloy ang kanyang pangarap, na makapagtapos ng pag-aaral.

Naging working student si Rahim. Sa umaga ay nag-aaral siya sa isang pampublikong kolehiyo, at sa gabi naman ay nagtatrabaho bilang waiter sa isang maliit na karinderya. Naglilinis siya ng mesa, naghuhugas ng pinggan, at nagdadala ng pagkain sa mga customer. May mga panahong inaabot siya ng madaling araw sa trabaho, ngunit kahit kulang sa tulog, pumapasok pa rin siya sa klase.

Sa gitna ng pagod, humuhugot siya ng lakas sa kanyang pangarap, na balang araw, babalik siya sa kanilang pamayanan at magiging guro. Guro hindi lang sa pagbasa at pagsusulat, kundi sa pagmamalasakit, pagkakaisa, at pagkilala sa sariling pinagmulan.

Matapos ang ilang taon ng sakripisyo at pagtitiyaga, nakapagtapos si Rahim ng kursong edukasyon. Siya’y pumasa sa pagsusulit at naging isang ganap na lisensyadong guro.

Bumalik siya sa kanilang bundok. Nang unang araw niya sa pagtuturo, nagdala siya ng mga telang Tenun, mga larawan ng paghahabi, at kuwento ng kanyang ama bilang isang gomero.

“Tayo ay mayaman sa kultura,” aniya sa kanyang mga estudyanteng Yakan.

“Hindi hadlang ang kahirapan para matuto. Hindi hadlang ang layo para mangarap. At hindi hadlang ang pagiging katutubo para magtagumpay at pangarap ay mabuo.”

Ang dating batang lumulusong sa baha ay ngayo’y nagsisilbing ilaw sa kabundukan. Siya ang nagpapaalala sa bawat batang Yakan na may halaga ang kanilang wika, ang kanilang kultura, at ang kanilang pagkatao.

Sa silid-aralang puno ng kulay at pangarap, araw-araw niyang sinasambit:

“Walang Yakan ang maiiwan sa dilim ng kamangmangan,” sabi ni Ginoong Rahim sa kanyang klase.

“Dahil sa wika at edukasyon, sama-sama tayong aahon. Sama-sama rin tayong magiging matatag at babangon.”