Return to site

SI LOLO AT ANG KANYANG RADYO

ni: DR. ELYMAR A. PASCUAL

Lumaki ako sa aking Lolo, bilang pagpapasimula. Ang aking mga magulang ay pawang mga uliran, subalit ganun nga ata talaga ang kulturang Pinoy - ang mga apo ay sadyang kinatutuwaang alagaan ng kanilang lolo at lola. Apatnapung taon na ang nakalilipas, ngunit bumabalik pa rin sa aking mga alaala ang mga panahong si Lolo at ang kanyang radyo ang bumubuo ng bawat araw sa aming buhay.

Limang taon ako noon, panahon na nananariwa pa sa akin na siya ang katabi ko pagtulog tuwing gabi. Oo, siya ang nakasanayan kong katabi pagtulog. Hindi ako ang unang apo sa kanyang bunsong anak na si Nanay; ako ay pangalawa. Kaya ang pagkatuwa sa akin ng aking Lolo ay hindi ko na rin maapuhap kung bakit.

Tuwing umaga ay naririnig ko si Lolo ay nakikinig ng radyo, kaya't ako ay madalas din maaga bumabangon kasabay ng aking Lolo. Paborito niya ang pakikinig ng balita at mga lumang awiting Pilipino, kaya ako ay nahirati na rin sa pakikinig kahit di ko naiintindihan ang mga talakayan noon sa radyo, at ang mensahe ng mga awiting kanyang pinapakinggan. Ang alam ko lang ay katabi ako ni Lolo sa pakikinig ng mga balita sa radyo at lumang awiting Pilipino. Ang mga kantang sikat noong dekada 70 ang naririnig kong pinakikinggan ni Lolo sa radyo, tulad ng "Anak" ni Freddie Aguilar, "Mr. DJ" ni Sharon Cuneta, at gayundin ang mga kanta ng Apo Hiking Society. Sa kantang "Awitin Mo at Isasayaw Ko" ng VST & Company, minsan ay nakikita ko pang napapaindak si Lolo. Naandyan din ang mga awit nina Nora Aunor, Eddi Peregrina, Rey Valera at Imelda Papin.

Minsan, nang lumapit ako noon kay Lolo habang nakikinig siya ng radyo, aking itinanong...

Ako: Lolo, ano po yang pinapakinggan nyo?

Lolo: Apo, yan ang segment ni Kuya Cesar.

Ako: May kausap po sya dyan?

Lolo: Ahm, nagbibigay siya ng payo sa mga taong sumusulat sa kanya. Tulad nitong katatapos nya lang na payo. "Huwag mong ituring mga pangit na karanasan, pawang hadlang, balakid sa daraanan. Balikan mo, kunin ang matututunan, at gamitin sa pag-abot ng nais makamtan."

Ako: Ah, di ko po nauunawaan, Lolo.

Lolo: Okay lang apo. Balang araw ay iyong maiintindihan.

May isa namang pagkakataon na madaling araw, pagkagising ko ay napuna kong tapos na si Lolo sa pagprito ng isda, at nakaupo na lamang sa upuang may mahabang sandalan, nakikinig sa radyo, at nagkakape.

Ako: Lolo, magprito po ako ng isda.

Lolo: Ay naku apo, tapos na ako magprito. Pinatutulo ko na lamang ang langis habang nasa gilid ng kawali ang mga isda. Wag ka ng makialam dyan. Lika na dito. Makinig tayo ng radyo.

Sa sobrang likot ko ay hinawakan ko ang siyansi at kunwaring nagpiprito ng isda sa kawali. Masyado kong naitulak ang pritong isda at nahulog ang isa sa mga abo ng kahoy, dahil ang gamit noong panggatong sa pagluluto ay mga natuyong kahoy. Takot na takot akong malaman ni Lolo na nahulog ang isang isda sa kawali. At hindi ko na alam ang sumunod na nangyari, kung ako ay napagalitan o hindi. Basta ang alam ko ay magkasama kami lagi ni Lolo sa pakikinig ng radyo tuwing umaga.

Ilang mga oras ang lumilipas sa umaga na kami ni Lolo ang magkasama at magkalaro sa bahay, dahil ang pasok ko noon sa kindergarten ay panghapon. Ngunit sadyang malikot ako kaya nagagawa kong umalis sa tabi ni Lolo. Ako ay lumalabas lagi noon at nangangapit-bahay sa aking mga pinsan. Sa paglabas ng bahay ay mayroong posong igiban, at katabi noon ay kanal na daluyan ng tubig. Sa paglalaro at pagtawid sa kanal, minsan ay nahulog ako at nasugatan ang aking nguso. Iyak ako nang iyak.

Tatay: Dy (kanilang tawagan na pinaikling Darling), iyak nang iyak ang anak natin, eto, may dugo sa nguso, nahulog sa kanal.

Nanay: Ay naku, ikaw na bata ka, ang likot-likot mo. Halika, hugasan natin ang bibig mo. Tahan na.

Ako: Huhuhu, huhu, huhu, Nanay, ang sakit, Nanay, huhuhu.

 

Lumipas ang mga araw at nagsimulang matuyo ang sugat sa taas ng aking nguso, sa bandang ilalim ng ilong. Nagmukha akong may bigote! Hahaha. Binibiro ako ng aking Lolo na ako daw ay si Hitler sa aking itsura, kaya sa galit ko ay pinukpok ko ang kanyang kalbong ulo ng laruan kong plastik na baril-barilan.

Ako: Uhhhhhhh. Salbahe ka Lolo.

Lolo: Arayyyy, bakit mo ako pinalo ng baril mo? Ayan naputol ang armalayt mo.

Ako: Eh kasi, hindi po ako si Hitler. Hindi po ako yun!!!

Lolo: Hahahaha, hahaha. Ah si Hitler, ah si Hitler. Haha.

Naputol ang baril at lalo akong pinagtawanan ni Lolo. Ganun ang mga kulitan namin noon. Si Lolo ang pinakamatalik kong kaibigan, kalaro, at kakulitan.

Tuwing hapon ay ihihahatid niya ako pagpasok sa aming paaralan gamit ang kanyang bisikletang may malalaking gulong na tipikal sa mga lumang bisikleta ng mga Hapon. Kapag uwian naman sa hapon ay sinusundo din ako ng aking Lolo at masaya kaming magkasama pag-uwi mula sa paaralan. Minsan ay nakisuyo sa kanya ang aking ama upang bilhan ako ni Lolo ng yoyo na gusto ko, dahil natuwa siya na nababasa ko na ang buong libro na aming gamit sa paaralan. Tuwang-tuwa ako na magkaroon ng yoyo. Hinding hindi ko makakalimutan ang araw na iyon.

Sa gulang na limang taon ay tunay na mayaman ako sa ala-ala ng pagkabata. Lumipas ang maraming araw at linggo, may isang araw na walang kumaon sa akin. Masyado nang lumalaon ang mga minuto sa paaralan at walang nadating upang ako ay sunduin. Nagdesisyon akong bagtasin ang mga kanal pauwi sa aming bahay, hanggang pagdating ko ng bahay...

Nanay: Hala anak, bakit ka naglalakad?

Si nanay noon ay nasa labas ng bahay at karga ang nakababata kong kapatid na babae.

Ako: Opo. Hindi po ako kinaon ni Lolo.

Nanay: Ay oo nga pala, si Lolo mo ay maysakit, nasa higaan. Nalimot kong sabihin sa Tatay mo na siya muna ang kumaon sayo, dahil ang dami kong inasikaso. Paano ka nakauwi?

Ako: Sa kanal po ako nagdaan.

Nanay: Talaga tong batang ito. Kaya pala ang dumi at ang baho mo. Buti at tanda mo ang daan pauwi. Halika nga, linisan kita at palitan ng damit.

 

Sa araw na iyon ay nalungkot ako nang malaman kong maysakit si Lolo, kasabay ng pag-iisip na kaya ko palang umuwi nang mag-isa. Gayundin, napagtanto ko na ang kanal na nagsanhi sa akin upang ako ay magkasugat ang naging gabay ko upang matunton ko ang daan pauwi ng bahay. Minsan ay ganoon ang buhay. Ang bagay na naging balakid sa atin o nagbigay ng matinding dagok sa buhay ay siya mismong magagamit natin sa pag-abot ng ating minimithing patutunguhan. "Huwag mong ituring mga pangit na karanasan, pawang balakid, hadlang sa daraanan. Balikan mo, kunin ang matututunan, at gamitin sa pag-abot ng nais makamtan."

Sa mga sumunod na araw ay hindi na ako naihatid ni Lolo sa paaralan. Hindi ko na tanda kung sino ang naghahatid at kumakaon sa akin, o kung ako ay umuuwi na lamang ng mag-isa kahit ako ay kinder pa lamang. Tuwing umaga ay di ko na rin naririnig ang kanyang radyo, hindi ko naririnig ang pagtitimpla niya ng kape, at di ko nakikita na nagpiprito siya ng isda. Sa mga sumunod na araw... si Lolo... ay pumanaw na.

Apatnapung taon na ang nakalipas, at tuwina ay bumabalik sa aking alaala ang pag-aaruga ni Lolo. Tulad ni Lolo ay nahilig ako sa pakikinig ng radyo, sa mga balita, mga lumang awiting Pilipino. Si Lolo ang nagturo ng mga bagay na iyon sa akin, kasama na ang maagang pagbangon sa umaga upang simulan ang mga gawain. Ang radyo ang nagsisilbing tuwinang kaaliwan ko maging sa gabi ng aking pamamahinga hanggang ako ay makatulog. Ang radyo din ang nagpapaalala sa akin ng iba pang mga bagay tungkol kay Lolo. Naaalala ko ang aming tawanan sa daan habang pauwi kami mula sa paaralan, sakay ng kanyang bisikleta. Naaalala ko ang aral ng pagkadapa, na maaari kong magamit sa pag-abot ng mga naisin sa buhay.

"Huwag mong ituring mga pangit na karanasan

Pawang balakid, hadlang sa daraanan.

Balikan mo, kunin ang matututunan,

At gamitin sa pag-abot ng nais makamtan."

 

Si Lolo at ang kanyang radyo, bahagi ng aking pagkabata, at di na kailanman maaalis sa aking puso at isipan!