Return to site

SI INGGOY AT GOYGOY

GLENMAR SANIDAD BISCARRA

· Volume V Issue II

Sa isang masukal at liblib na lugar ay may dalawang magkaibigang unggoy na naninirahan dito. Araw-araw silang magkasamang naglalaro sa kagubatan at nagkakalambitin sa mga matatayog na puno.

Isang araw umakyat ang magkaibigan sa isang matayog na puno ng Ipil-ipil.

“Goygoy, pagmasdan mo ang puno sa kabilang bundok” sabi ni Inggoy.

“O, bakit Inggoy?” sagot ni Goygoy.

“Matatayog ang mga puno doon at parang may nga dilaw na bunga

nang saging doon” sambit ulit ni Inggoy.

Dali-daling nagtakbuhan ang dalawang magkaibigan at sabik na sabik nang makaakyat sa mga puno ng saging at makakain ng maraming hinog na bunga nito.

Sa ilang minuto ay nakarating sila sa kabilang bundok.

“Hhhhhhhhhhhhhhh! nakakapagod” hingal na hingal na sabi ni Ingkoy.

“Wow! Ibang iba talaga dito, napakaraming mga pagkain” namamanghang sigaw ni Inggoy.

Naghabulang umakyat ang dalawang magkaibigan paakyat sa mga punong saging. Kain nang kain sina Inggoy at Goygoy, paiba-iba ng mga punong inaakyat nila hanggang hindi nila namalayan na gabi na pala.

“Goygoy, hindi na tayo uuwi sa atin” natutuwang sabi ni Inggoy.

“Hindi, uuwi tayo baka hahanapin tayo ng ating mga magulang Inggoy” paliwanag ni Goygoy.

Ayaw talagang umuwi si Inggoy dahil nasisisyahan siya sa mga pagkain na nakikita sa bundok. Kaya’t napilitan si Goygoy na hindi umuwi at sinamahan ang kanyang kaibigang manatili parin sa lugar.

Nakatulog sina Goygoy at Inggoy ng mahimbing sa lunduyan ng dalawang malalaking bato.

“Titilaoooooook! TitilaooooooK”! ang malakas na huni ng labuyo.

“Oink, oink, oink,” malakas ring huni ng baboy ramo.

“Meow, meow, meow, meow” huni nang musang na parang naghahanap ng mga kasama.

Alas nuwebe na ng umaga pero hindi palang nagising ang matalik na magkaibigan kahit sa malalakas na huni ng mga hayop sa bundok.

“Hoy, Inggoy, Inggoy, gising na, tanghali na, uwi na tayo” kinakabahang sabi ni Goygoy habang yinuyugyog si Inggoy.

Gumising si Inggoy at nagulat siya dahil tanghali na at siguradong nag-aalala na ang kanilang magulang.

Habang sila’y naglalakad pauwi ay nagkukwentuhan sila sa karanasan nila sa pagkain ng maraming hinog na saging.

Bang! Bang! Bang! malakas na huni na umalingawngaw sa paligid at nadapa si Inggoy at natamaan ang balikat nito. Naghina siya at dumaloy ang dugo ni Inggoy mula sa balikat nito.

Tumingin sa paligid si Goygoy at nakita niya ang matandang nakatago sa may puno at may bitbit na baril.

“Ikaw, ikaw, pala” pagalit na sigaw ni Goygoy

Malakas na tumalon si Goygoy at nginatngat ang mukha ng matanda. Kumaripas si Goygoy at pumunta sa kanyang kaibigan.

“Halika na kaibigang Inggoy” sabay buhat ang kaibigan pauwi sa kanilang lugar. Matagumpay na nakauwi ang magkaibigan sa kanilang pamilya at napagalitan sila. At napag-alaman ng kanilang magulang na may sugat si Inggoy kaya dali-dali nila itong ginamot. Pagkatapos ay pinayuhan na huwag nang pupunta sa mga maliblib na lugar.