Sa bawat bigkas ko ng letra at salita,
Tunay na kayamanan ang aking Filipinong wika.
Simbolo ng aking pagka-Pilipino,
Larawan ng diwa ng mayamang kulturang kinagisnan ko.
Sariling wika aking kayamanan,
Simple o payak man, salitang pamana ng mga ninuno yan,
Pamanang nakaukit sa dibdib ng bawat Pilipino.
Ito’y umuusbong at nakatatak sa isip at puso.
Wikang Filipino ipinagmamalaking talaga,
Ipinapakita ng sambayanang Pilipino ang pagkakaisa.
Iningatan at inalagaan, wikang mahal ko.
Kaya mahalin, paunlarin at isapuso ito.
Wikang mahal ko, kayamanan ng bawat Pilipino
Mga salitang “po” at “opo”, tatak ng isang Pilipino.
Sa bawat pagsambit sa mga katagang ito,
Tila gintong kumikinang ang dugong Pilipino.
Kaya sariling wika aking ibinabahagi,
Sa kabataan na may dugo’t dangal ng lahing kayumanggi.
Mapanatili sa gunita kahit na pumatak mga taon sa buhangin ng alaala,
Sariling wika tanda ng ating kulturang puno ng diwa at sigla.