Return to site

SAMPAGUITA

ni: BRIANA DORIANE G. NEBREJA

May mga araw bang sumagi sa isip mo kung uso pa ba ang panliligaw? Mga katanungang kagaya ng: uso pa kaya ang mga harana sa panahon ngayon? Hindi ba’t kay sarap isipin na ganoon ang ating mga lolo at lola noong panahon nila? Ito na lamang ang naiisip ko habang kami ay papunta sa bahay nina Lolo Agustin upang ipagdiwang ang kanyang ika-60 na kaarawan. Mahalaga ang araw na ito sapagkat ngayon na lamang ulit kami magkikita-kita ng aking mga pinsan at iba pang mga kamag-anak.

Ika-8 ng Pebrero taong 2024, nangingibabaw ang pagkasabik ko dahil matagal na rin ang nakalipas simula nung huli pa akong nakita nina Lolo at Lola. Unico hijo ako sa aming pamilya kung kaya naman sa kanila ako laging lumalapit para humingi ng mga payo ukol sa mga desisyon sa aking buhay.

“Marco! Bumaba ka na riyan at tulungan mo ang Daddy mo!” sigaw ni Mommy sa akin. Sa sobrang dami kong iniisip ay hindi ko namalayan na nakarating na pala kami sa bahay nina Lolo. Dali dali akong lumabas upang tulungan si Daddy sa pagbitbit ng mga upuan at iba pang gamit. Tila abot hanggang buwan ang aking ngiti nang makita ko ang aking Lola Imelda.

“Lola! Lola Imelda! Kumusta na po kayo?” pagbati ko sa nakatatanda. Si Lola Imelda ang nag-iisang babaeng minahal ni Lolo sa buong buhay niya. Napakahalagang pumili ng isang taong makakasama natin hanggang sa pagtanda natin, paano kaya nila napili ang isa’t-isa? Kagaya rin ba ngayon na kahit ilang kilometro pa ang layo ay napaglalapit ng tadhana?

Matapos naming mag-usap ni Lola Imelda, nagsimula na ang kaarawan ni lolo. May mga pagkain galing sa iba’t-ibang pamilya at maging sa mga kaibigan ni Lolo Agustin. Si Lolo ay kilala bilang kapitan ng aming barangay at miyembro ng organisasyon sa simbahan.

Lubos kong hinahangaan ang pag-ibig nilang dalawa kung kaya ako ay nagdesisyon na hindi ko basta basta ibibigay ang aking puso kung kani-kanino man. Lalo na sa panahon ngayon, uso ang LDR o ang Long Distance Relationship. Marami akong nakikitang mga kaibigan kong nagamit ng dating apps upang makatagpo ng kanilang sinasabing “the one” na makakasama mo sa hirap at ginhawa. Sa palagay ko, maliban sa nasyonalismo ay nakaligtaan na rin ang isa sa mga masayang tradisyon at kultura ng Pilipinas. Ang harana, ang pagkilala sa isa’t-isa nang hindi nagmamadali, ang pagmamahal na totoo at malalim.

Pagkatapos naman ng kainan ay kinausap ako ni Lolo Agustin. Katulad noong ako’y bata pa, mahilig akong magtanong kung paano sila nagkakilala ng Lola Imelda at kung papaano ang pamumuhay noon kumpara ngayon. Sa aking pagtanda, nakita ko na lamang ang sarili kong isinasabuhay ang bawat payo nila sa akin. Mas naging maingat ako sa aking puso.

Habang ako ay naglalakad sa dati naming kwarto, nakita ko ang kakaibang kahon na tila nasa lenggwaheng Espanyol. Doon ay nakasulat ang mga salitang “Mi Querida Imelda”

“Marco? Apo, ano’ng ginagawa mo r’yan?” tanong ng aking Lolo Agustin.

“Lolo, nariyan po pala kayo, nagmumuni-muni lamang po ako.” sumagot ako habang ibinababa ang kahon na aking nakita. Umupo na rin ang Lolo Agustin at ang hangin mula sa bintana ang sumalubong sa amin. Tinanong ko kung ano ang ibig sabihin ng nakasulat sa kahon at ang laman nito.

“Buksan mo at basahin, ang mga iyan ay mga kanta at liham na aking isinulat para sa iyong lola” aniya. Dahan dahan kong binuksan ang kahon. Kinuha ko ang isa sa mga liham na ito at binasa.

Imelda,

Sapat na ba ang sinulat kong mga tula at kanta para mapasakin ka? Sapat na ba ang mga bulaklak na tila kakulay ng labi mong kaakit-akit? Tanging dalangin ko lamang na maging sapat ang mga ito upang makuha ang atensyon ng isang marikit na dalaga katulad mo, Imelda.

Hindi mo man ako mapansin o hindi kaya ay kausapin, sapat na sa akin ang pagtatagpo ng ating mga mata. O hindi kaya’t ang pagmasdan ka tuwing nakatingin ka sa mga bituin na tila bang ika’y katulad nila. Sa bawat haplos ng aking mga daliri sa kwerdas ng gitara ay lumalalim ang aking nararamdamang pagmamahal sa isang dalagang maihahalintulad sa sampaguita. Masaya na akong naglilingkod sa iyo mula sa malayo, ngunit aking hiling na sana'y iyong maramdaman ang aking pagmamahal. Mahal kita, Imelda.

Napangiti ako habang binabasa ang liham na iyon. Napansin ko na lumabo ang mga mata ni Lolo, marahil ay bumabalik sa kanya ang mga matatamis na alaala.

"Napakaganda po ng liham, Lolo. Paano po kayo nagkaroon ng lakas ng loob na ligawan si Lola sa ganitong paraan?" tanong ko.

"Mahirap ang ligawan noong panahon namin, Marco," nagsimula si Lolo Agustin. "Hindi uso noon ang mabilisang relasyon. Kailangan mong paghirapan ang pag-ibig ng isang dalaga. Ang harana ay isa sa mga pinakamatandang tradisyon ng panliligaw dito sa Pilipinas. Ito ay hindi lamang paraan ng pagpapahayag ng pag-ibig kundi isang sining, isang pagpapakita ng paggalang at pagpapahalaga."

Napansin ko ang kaseryosohan sa mukha ni Lolo. Tila ba bumalik siya sa panahon ng kanyang kabataan habang isinasalysay ang kanyang karanasan.

"Sa harana, Marco," patuloy niya, "hindi sapat na maganda lamang ang boses mo o marunong kang tumugtog ng gitara. Kailangan mo ring damdamin ang bawat salitang inaawit mo. Ang bawat tugtog ng gitara ay dapat nagmumula sa puso. Ito ang paraan upang maramdaman ng dalaga ang iyong tunay na damdamin."

Tumango ako, nagninilay sa mga sinabi ni Lolo. "Ngayon po, Lolo, parang hindi na gaanong pinapahalagahan ang mga ganitong tradisyon. Parang mabilis na ang takbo ng lahat, pati na rin ang pag-ibig."

"Nakakalungkot man isipin, ngunit totoo 'yan, apo," sagot ni Lolo. "Ngunit sana'y maalala natin na ang tunay na pag-ibig ay hindi minamadali. Kailangan itong paghirapan, pagyamanin, at alagaan. Ang pagmamadali ay maaaring magdulot ng pagwawalang-bahala at pagkakamali."

"Ang harana ay hindi lamang para sa dalaga, kundi para sa pamilya rin," dagdag pa niya. "Ipinapakita nito na ikaw ay handang magpakumbaba at magbigay ng oras at pagsisikap. Ang iyong paghanga at pagmamahal ay hindi lamang para sa kanya, kundi sa buong pamilya niya. Ito ang nagbibigay ng seguridad sa mga magulang na ang kanilang anak ay mapupunta sa mabuting kamay."

Naantig ang aking puso sa mga sinabi ni Lolo. Napagtanto ko kung gaano kahalaga ang bawat hakbang sa pagbuo ng isang relasyon, hindi lamang sa pagitan ng dalawang tao kundi pati na rin sa kanilang mga pamilya.

"Tandaan mo, Marco," sabi ni Lolo habang hinahaplos ang aking balikat, "ang tunay na pag-ibig ay dumadaan sa tamang proseso. Huwag kang magmadali. Alamin mo muna ang pagkatao ng taong nais mong makasama sa buong buhay mo. Mahalaga na ang bawat hakbang ay puno ng paggalang, pagsisikap, at tunay na damdamin. Sa ganoong paraan, makakasiguro kang ang pag-ibig na iyong pinili ay magtatagal at magiging matatag."

Napangiti ako at yumakap kay Lolo. "Salamat po, Lolo. Pangako po, hindi ko basta-basta ibibigay ang puso ko. Magiging maingat ako at susundin ko ang mga payo ninyo."

Habang nag-uusap kami ni Lolo, naramdaman ko ang pagmamahal at respeto sa mga tradisyon at kulturang Pilipino. Napagtanto ko na ang mga ito ay hindi dapat kalimutan, kundi dapat pangalagaan at ipagpatuloy para sa susunod na henerasyon.