Return to site

SA DULO NG DILA, MAY SIMULA

ni: JOSEPH E. CEMENA

May wikang naagnas sa gilid ng pahina,

Inang salinlahi’y ngayo’y tila nawala,

Mga titik nitong minsang isinigaw,

Ngayo’y alingawngaw sa ulap na kupas ang tanaw.

Ngunit sa dilang mapagpalaya't payapa,

Sumisilay muli ang inang mahina,

Wikang Filipino—sandata’t salamin,

Na sa limot na wika'y muling bubuhayin.

Hindi lang salita ang hatid ng wika,

Ito’y kasaysayan, kultura't panata,

Sa bawat “alaala,” “layon,” at “puso,”

Naroon ang ugat ng dugong totoo.

Sa bawat “pahimakas,” “dalisay,” “gunita,”

Ay kaluluwang gumagala’t sumisinta,

Ito ang hiblang nagdurugtong sa lahi,

Kahit ang panahon ay patuloy na humahawi.

Kung saan may salitang di na nabibigkas,

May panawagan sa atin ng paglingap,

Huwag hayaang ito'y tuluyang mapatid,

Tulad ng punlang nilimot ng init.

Ituro sa bata, itawid sa kwento,

Iakyat sa dula, iguhit sa puso,

Kung bawat diyalogo’y punô ng layunin,

Babangon ang wika’t di na malilimutin.

Sapagkat sa bawat “ako” ay may “tayo,”

Ang wika’y tulay sa lahing totoo,

Kapag Filipino'y tunay na ginamit;

Mag-aalab muli ang tapang sa dibdib.

At sa dulo ng dila, doo'y may simula—

Ang wikang nalimot sa silong ng diwa,

Tandaan mong sa bawat buhay na letra—

Kultura’y nabuhay, diwang ginto’y sinta.