I
Ako’y matamang nakatunghay sa isang nakapiring
Sa apat na sulok wari’y lahat sa akin ang tingin
Suot nila’y payaso habang umiiling
Babala ba o isang hiling?
II
Musmos na bata kung ituring
Minsan nang sa hayop ay naihambing
Mga asal ay karima-rimarim
Inaangkin kahit ang sariling atin.
III
Batid niyo ba ang tinig ng aking Ina?
Umaalingawngaw ang katagang “tama na”
Kayumanggi ang bagong pinta, ngunit berde’t luntian ang una
Siglo’y lilipas at di na sasapat ang “Ina, tahan na”.
IV
Nasa laylayan ay humihikbi
Isang sulyap, isang sipi
Kinabukasan ang tugon ay sino ka nga uli?
Di tanaw piring ay salapi.
V
Manghang nasa dilim ng piging, alam ang diringgin
Sa likod ngiti, kilala ang salarin
Kaya’t kahit tanikala’y pipilitin
Malaya’t di magiging alipin.
VI
Daing ay di nalimot
Galit na maaaring maging poot
Saang dako man ay maghihimutok
Tahimik ngunit di masalimuot.
VII
Humiyaw upang daing ay pakinggan
Ngunit tila mag isa sa kalawakan
Nagmistulang pipi’t bingi ang karamihan
Paano pang hustisya ay makamtan?
VIII
Nanlumo’t nanluno
Tikas tindig ang pinuno
May kung anong likidong kumukulo
Nag-aalab yaring puso.
IX
“Ako si Abyan!”
Di palulupig sa sinuman
Pag-asa’t kapit bisig sa balintataw ang tangan
Tulad kay Gat, tinta’t pluma ang mabisang paraan.
X
Pag-asang nakasulat sa baybayin ang alok
Pahinang dalawang libo’t dalawamput anim ay di kaya ng isang lagok
Sikat o lilim magkakaisa sa tuktok
Wakas ay di putok sapagkat sa di-lihim na tuldok.