ABSTRACT
Ang Project YAKAP-In: YAkapin, Kilalanin At Pahalagahan ang mga Mag-aaral na Di-Taal na Tagalog tungo sa Inklusibong Pagtuturo ng Wika at Kultura ay isang pag-aaral na naglalayong paigtingin ang inklusibong edukasyon sa pagtuturo ng Filipino na nakabatay sa sistemang nagpapahalaga, tumatanggap at kumikilala sa pagkakaiba-iba dahil sa wika, tradisyon, at kultural na pagkakaiba ng mga mag-aaral.
Ginamit ang deskriptibong pananaliksik upang makuha ang saloobin ng sampung (10) mag-aaral na di-taal na Tagalog mula sa Baitang 11 ng Talisay Senior High School ng Taong-Panuruan 2024-2025 na pinili gamit ang Purposive Sampling sa inilapat na pamamaran ng guro. Ginamit ang talatanungan bilang instrumento ng pananaliksik, upang makuha ang karanasan, at pananaw sa estratehiyang ginamit ng guro sa pagtuturo. Ang istadistikang ginamit ay frequency, mean at percentage.
Lumabas sa pag-aaral na ang mga mag-aaral na di-taal na Tagalog ay nabibilang sa Ilokano, Mangyan, B’laan, Sebwano, Waray, Bikol, at Hiligaynon na may kani-kanilang wika at kultura. Napatunayan sa pag-aaral na mahalaga ang inklusibong pagtuturo ng wika at kultura sa Filipino upang makilala ang pinagmulan ng mga mag-aaral na di-taal na Tagalog, mayakap at maisangkot sila sa mga gawain sa paaralan, mapahalagahan sila at maiangat ang tiwala sa kanilang sarili.
Inirerekomenda na kilalanin ng mga guro ang wika at kultura ng bawat mag-aaral at magkaroon ng pagsasanay hinggil sa inklusibong pagtuturo. Gayundin ang paggamit ng Project YAKAP-In at mga gawaing makapagsasangkot sa mga di-taal na Tagalog upang mapalaganap ang pagyakap at pagpapahalaga sa pagkakaiba-iba.
Keywords: Inklusibong Edukasyon, Di-taal na Tagalog, Wika, Kultura