Isang tungkong kalan ang pilosopiya sa larangan ng edukasyon sapagkat ito ang nagiging daluyan ng mga konseptong magiging gabay ng institusyong pang-edukasyon na may layuning hubugin ang isang mag-aaral. Dito nakapaloob ang mga ideya, layunin, mithiin maging ng mga paraan sa pagtamo ng karunungan ng mga mag-aaral sa iba’t ibang paraan at paniniwala. Sinasabing isa sa pinakaimportanteng sangkap ng matagumpay ng pagkatuto ay ang kaalaman. Binigyang kahulugan ni Thales (nd) na ang pilosopiya ang “Pag-Ibig sa Karunungan. Napakalaki ng maitutulong nito sa mga guro at administrador ng paaralan upang masolusyunan ang mga problema at isyung kinakaharap ng mga institusyon sa larangan ng edukasyon.
Maituturing na ang pilosopiya ng edukasyon ay palaging napapanahon sapagkat ang kasaysayan ng bawat tao ay kasaysayan ng pagkatuto. Nangangahulugan lamang ito na sa pagdaan ng mga panahon ay walang isang tiyak na pilosopiyang maaaring mapagbatayan ng kung anuman ang ninanais ng isang instituyon sa pagpupunyagi ng bawat paaralan upang ihanda ang kaisipan ng mga kabataan sa pagharap sa hamon ng edukasyon.
Binigyang kahulugan nina Ozmon at Craver (1990) na ang edukasyon ay isang pamamaraan ng isang tao upang maabot nito ang sukdulan ng kanyang mga kakayahan at upang marating niya ang maayos ay kaaya-ayang antas ng pamumuhay. Ibig ipahiwatig nito na ang pag-abot ng rurok ng tagumpay ay may malaking impluwensya ang naidudulot ng edukasyon sa buhay ng isang indibidwal. Mula rito ay maaaring mabago ang takbo ng kanyang pamumuhay sa natamo at naabot sa larangan ng pagkatuto. Ipinahayag din niya na ang edukasyon ay isang produkto ng paggawa at pamamaraan, nahuhubog ang isang tao sa pagdaan ng panahon, pagsasalin ng kaalaman ng tao para lumabas ang kanyang tunay na potensyal, at dinadala ng edukasyon ang isang tao sa tugatog ng tagumpay.
Samakatuwid, ang relasyon ng pilosopiya at edukasyon ay sumesentro sa kung ano ang lalong makakapagpaunlad ng kagalingang taglay ng isang tao. Tinutumbok nito mga layunin at direksyon na ipinapatupad na mga pamamaraan ng edukasyon tungo sa kaganapan at pag-unlad ng pagtuturo at pagkatuto. Sinasaklaw nito kung papano ituturo ang mga aralin at sa likas na katangian ng pag-aaral. Ang mga prinsipyong ito ay siyang nagiging gabay ng mga propesyunal na pagkilos at pagsasabuhay ng mga guro at mga kasangkot sa pang-akademikong gawain. Nararapat lamang na maisapuso, matutunan, at magamit ng bawat guro ang bawat pilosopiya upang magabayan sa tamang pagtuturo at makatulong sa paghubog sa aspetong akademiko ng mga tinaguriang “Pag-asa ng bayan”.