Ako ay Pilipino, tubong Pilipinas.
Bata man sa paningin, ngunit nagpapamalas
angking galling sa wikang binibigkas;
sa wikang banyaga, walang katumbas.
Bansang Pilipinas, maraming rehiyon.
Saan man magpunta, iisa ang destinasyon.
Sa wikang sinasalita, nagkakaroon ng rebelasyon;
Wikang Pilipino, susi sa magandang relasyon.
Bansang Pilipinas, mayaman sa kultura
Kaugalian, paniniwala, tradisyon hindi mabubura.
Sa isang bansa na may sariling wika,
pinagyayaman ang kultura ng mga madla.
May sarili mang wika ang bawat rehiyon,
hindi man magkaintindihan, ngunit walang dibisyon.
Tayong mga Pilipino, iisa ang adhikain:
Mapagyaman ang kultura sa tulong ng wika natin.
Mula Luzon, Visayas, hanggang Mindanao,
saan mang sulok ng Pilipinas, hindi ka maliligaw.
Dahil sa iisang wika sa ati’y pumupukaw
Ating kultura’y hindi kailanman matutunaw
Wikang Pilipino sa ati’y sumasalamin
Mayamang kultura sa puso’y mananatiling taimtim.
Kaya’t ako’’y naninidigan buong puso’t damdamin,
sa wika at kulturang Pilipino, ako’y laging sasandigin.
Pilipino ako, ang wika ko’y ginto.
Hindi padadaig sa mga dayuhang tanso.
Ipagmamalaki ko kulturang Pilipino.
Sa pamamagitan ng wika nabuo mula sa puso.