Return to site

PILIPINAS KONG MAHAL, PINANDAY AT PINAGTIBAY SA HAMON NG PANDEMYA 

WILSON B. PAMPLONA 

· Volume IV Issue I

Luzon, Visayas, Mindanao, Pilipinas kong tanglaw

Dagli’t ika’y nasakop nitong pagsubok na hawig sa balaraw,

Isa, dalawa, tatlo mga tao’y nagkalugmok-lugmok

Hindi ito pagmumukmok kundi’y sadyang masaklap na dagok

 

Hagupit nitong pandemya, maraming tao ang mga nalito

Facemasks, faceshields at alcohol nangagsilbing pananggalan ng mga tao,

Maraming nawalan ng trabaho at tila baga naging dehado

Tila masaklap na istorya sa isang pelikula at lahat ay naging disiplinado.

 

Ekonomiya nati’y bumagsak at bigla na lang lumagapak

Daig pa ang mga halakhak ng pusong nanaghoy sa lusak,

O bansang Pilipinas labis kang pinaghirap

Mga hamong sagad sa buto ang saiyo’y pinalasap.

 

Sa larangan ng edukasyon, laking dulot ay kunsumisyon

Pagpasok sa ekwela’y inantala ng maraming kondisyon,

Subalit hindi natinag, tumayo at namayagpag

Walang salita ng pagsuko at kailanma’y hindi nabagabag.

 

Madami ang nangamatay at buhay ay naging malungkot

Takot ang naging dulot nitong pandemyang daig pang isang salot,

Kaya’t kung nais mo pang mabuhay, sumunod at wag maging palalo

Makiisa at maging mapagmatyag nang sarili’y di biglang maglaho.

 

Ako, ikaw, siya, tayo’y mga pinanday na Pilipino

Hindi man naging perpekto ngunit sadyang maraming naging estilo,

Bigo man sa pag-ibig, kabuhayan at pangangailangan

Alab ng lahing Pilipino unos man ay di uurungan.

 

Kaya’t aking kaibigan huwag ka nang magmaang-maangan

Pag-mamalasakit sa kapwa isabuhay at gawin mong tangan,

Munting tinig ay iyong dinggin ng uhaw na puso sa karimlan

Tayong lahat ay maghawak kamay, tumindig sa diwa ng bayanihan.

 

Huwag nating kaliligtaan mga alituntuni’y gawaing pamantayan

Kaligtasan isa-alang-alang, pakaisipin ang ating Inang Bayan,

Kapit bisig at manalig sa Diyos na siyang pinakamakapangyarihan

Pandemya’y di-magwawagi, kung pag-asa’y laging mananahan.