"Kabataan ang pag-asa ng bayan." Kasabihang palasak at pamana sa atin ni Gat. Jose Rizal, at marahil ang bawat isa sa atin ay palagi itong naririnig saan mang dako ng mundo tayo magtungo. Ikaw ba, bilang kabataan, pag-asa ka ba talaga ng ating bayan ngayon at sa kasalukuyan?
Hayaan mong ilahad ko sa iyo ang ilan sa mga katotohanang ginagawa nating mga kabataan sa ating lipunang ginagalawan.
Noon kung iyong natatandaan, habang lumalaki tayo sa piling ng ating mga magulang ay tinuturuan nila tayo ng kagandahang-asal tulad ng paggamit ng magagalang na pananalita sa pakikipag-usap sa ating kapwa at maging ang paghalik sa kamay o pagmamano sa nakatatanda tuwing darating ang hapon o gabi.
Tinutulungan pa nga natin ang ating mga magulang sa mga gawaing-bahay gaano man tayo kaabala sa paglalaro. Hindi nga ba't bago tayo pumasok sa paaralan ay maaga tayong nag-iigib ng tubig upang may magamit sa ating tahanan? Maging sa ating paglabas galing sa eskwelahan ay tumutulong pa din tayo kay Tatay sa kanyang pagkakahoy? Para bang hindi natin alintana ang pagod ng pagtulong sa kanila.
Tuwing araw naman ng Sabado ay masaya tayong naglalaro kasama ang mga bata sa ating pookan. At kung araw ng Linggo sumisimba tayo kasama ang ating buong pamilya para magpasalamat sa Panginoon sa mga biyayang patuloy nating tinatanggap.
Pero napansin mo ba ang malaking pagbabago sa mga kabataan sa ngayon? Marahil nga ang mga pagbabagong ito sa ating mga kabataan ay dulot ng pagbabago sa lahat ng larangan. Sa siyensya, sa teknolohiya at kung saan-saan. Noon kasi wala namang mga libangan at gadget na high tech. Hindi tulad ngayon.
Pero naisip mo ba? Nasaan na ang mga tinaguriang pag-asa ng bayan?
Marami man sa mga kabataan ngayon ay nag-aaral subalit nabalitaan mo bang marami sa mga magulang nila ay nananangis dahil sa kawalang galang ng kanilang mga anak sa kanila. Nawala na ang ugaling paggamit ng po at opo sa pakikipag-usap sa kanila.
Minsan pa ay maririnig mong ilan sa mga kabataan natin ang sumasagot, nagdadabog at minsan nga'y minumura ang sariling magulang kapag sila ay inuutusan o kaya ay napagsasabihan.
Masaklap pa nito ay marami sa mga kabataan ngayon ang sa halip na mag-aral ay bisyo at barkada ang inaatupag. Mababalitan mo na lamang na isang binatilyo o dalagita ay lulong na sa ipinagbabawal na droga. Minsan pa ay kabilang sila sa mga krimen na nagaganap sa ating paligid.
Malimit ding headline sa mga telebisyon at pahayagan ang maagang pagbubuntis ng mga batang babae dahil sa kawalan ng sapat na edukasyon sa magiging epekto nito hindi lamang sa sarili kundi sa sanggol na kanilang dinadala. At marahil ay isa na sa matinding problema ng lipunan sa ngayon ang abortion na kinasasangkutan ng mga kabataang itinuturing na pag-asa ng bayan.
Marahil lahat ng ito ay iyong napansin at nabalitaan.
Kaya, kung isa ka sa mga kabataang patuloy na naniniwala na tayo ang pag-asa ng bayan, GISING at KUMILOS upang hindi maglahong parang bula ang kasabihan at paniniwalang ito. Ipakita nating ang kasalukuyang henerasyon ay hindi sakit ng lipunan manapa'y tunay na PAG-ASA ng Bayan. Panahon na para patunayan sa madla na ang kabataan noon at ngayon ang patuloy na mag-aahon sa ating lipunan tungo sa kaunlaran at kapayapaan.