Return to site

PAMAMAHALA NG MGA GURO AT EPEKTO SA PAGTUTURO SA MGA MAG-AARAL NA MAY ESPESYAL NA PANGANGAILANGAN SA PAMPUBLIKONG PAARALANG ELEMENTARYA

BABY SHANE C. LAYOSA

Researcher

ABSTRAK

Ang pag-aaral na ito ay tinukoy ang pamamahala ng mga guro at ang epekto sa pagtuturo sa mga mag-aaral na may espesyal na pangangailangan sa pampublikong paaralang elementarya. Partikular, sinuri ang kategorya ng mga mag-aaral na may espesyal na pangangailangan, antas ng estratehiyang ginagamit ng mga guro sa akademiko, emosyonal, at panlipunang aspekto, pagkakaiba sa paggamit ng estratehiya, at epekto sa pamamahala ng guro. Ang pananaliksik na ito ay isinagawa sa mga piling pampublikong paaralan sa elementarya sa Ikatlong Distrito ng isang pambayang munisipalidad sa isang lalawigan ng Rehiyon 5, Albay. Gumamit ng deskriptibong disenyo at survey method, na lumahok ang 85 guro mula sa piling pampublikong paaralan sa Taong Panuruan 2025–2026. Ginamit ang Frequency Count, Percentage, Weighted Mean, at F-Test sa pagsusuri ng datos.

Natuklasan na ang mga mag-aaral na may Emotional o Behavioral Disorders at Developmental Delay ang may pinakamataas na bilang na 36.75 bahagdan, samantalang ang mga may hearing impairment ay may pinakamababa na 4.71 bahagdan. Sa akademikong aspekto, ang pinakamataas na estratehiya ay differentiated instruction at pakikipagtulungan sa mga magulang na may weighted mean 3.58, Lubos na Ginagamit (LG), at pinakamababa ang paggamit ng Individualized Education Plan (IEP)na may weighted mean 2.78, Hindi Ginagamit (HG). Sa emosyonal, positibong reinforcement ang pinakamataas na may weighted mean 3.66, Lubos na Ginagamit (LG), at dyornal/emosyonal cards ang pinakamababa na may weighted mean 2.65, Hindi Ginagamit (HG). Sa panlipunan, positibong kultura ng pagtanggap at respeto ang pinakamataas na may weighted mean 3.56, Lubos na Ginagamit (LG), at Functional Behavior Assessment (FBA) ang pinakamababa na may weighted mean 2.67, Hindi Ginagamit (HG). Walang makabuluhang pagkakaiba sa paggamit ng estratehiya batay sa F-Test (computed F = 0.4781 < tabular F = 3.6823). Natuklasan din na 61.18 bahagdan, ng mga guro ay nakararanas ng stress sa pamamahala ng mga mag-aaral na may espesyal na pangangailangan, samantalang 24.71 bahagdan ang nagiging mas mahusay sa pakikipag-ugnayan sa mga magulang, SPED teachers, at iba pang stakeholders. Ang inihandang karagdagang gabay ay napatunayang katanggap-tanggap ng mga hurado (4.8).

Inirerekomenda ng pag-aaral na palakasin ang mga programang pang-interbensiyon at suporta na nakatuon sa partikular na pangangailangan ng mga mag-aaral, kabilang ang mas madalas na classroom monitoring at targeted behavioral at developmental strategies. Bigyang-diin ang higit na malawak na pagsasanay sa paggamit ng mga estratehiyang may mababang antas ng paggamit tulad ng Individualized Education Plan (IEP), emotional journals, at Functional Behavior Assessment (FBA) upang maging mas balanse at holistiko ang pamamahala ng mga mag-aaral na may espesyal na pangangailangan. Magpatupad ang mga paaralan ng mga programang pang-well-being ng guro, tulad ng stress management seminars, emotional support systems, at sapat na administrative support upang mapanatili ang kanilang kalusugang mental at propesyonal na kakayahan. Ang inihandang karagdagang gabay ay dapat gamitin bilang karagdagang sanggunian ng mga guro sa pamamahala ng mga mag-aaral na may espesyal na pangangailangan, at isama sa mga in-service training, Learning Action Cell (LAC) sessions, at School-Based professional development activities. Inirerekomenda ang pagpapatupad at patuloy na pagpapalaganap ng nabuong karagdagang gabay na nakatuon sa praktikal at sistematikong pamamahala ng mga mag-aaral na may espesyal na pangangailangan sa pampublikong paaralang elementarya.

Mga Susing Salita: Akademikong Epekto, Emosyonal na Epekto, Estratehiya sa Pagtuturo, Karagdagang Gabay, Mainstream na Edukasyon, Special Needs Education, Special Education

PANIMULA

Sa bawat paaralan, may mga mag-aaral na may iba-ibang antas ng kakayahan at pangangailangan. Sa kasalukuyang sistema ng edukasyon sa Pilipinas, patuloy na isinusulong ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang inklusibong edukasyon na naglalayong bigyan ng pantay na oportunidad ang mga mag-aaral na may espesyal na pangangailangan. Gayunman, may mga hamon pa ring kinahaharap ang mga guro sa pamamahala sa klase, lalo na sa pampublikong paaralang elementarya, partikular na ang kakulangan nang sapat na pagsasanay ng mga guro sa mga estratehiyang ginagamit, at sa mataas na bilang ng mga mag-aaral. Ito ang nagganyak sa mananaliksik upang isagawa ang pag-aaral na ito, na maging batayan sa pagbuo ng karagdagang gabay na maaring gamitin ng mga guro sa pampagturo sa mga mag-aaral na may espesyal na pangangailangan.

Ayon sa pag-aaral ng United Nations International Children's Emergency Fund (UNICEF) noong 2021, mas maraming bata na may espesyal na pangangailangan ang sumasali na sa mga normal na paaralan. Isa sa mga pangunahing layunin nito ay mabigyan sila ng pagkakataon na makihalubilo at matuto kasama ang kanilang mga kapwa mag-aaral. Ang prosesong ito ay maaaring mahirap para sa mga guro. Batay sa Batas Republika Blg. 7277 na tinatawag na Magna Carta for Disabled Persons, mahalagang isulong ang rehabilitasyon, sariling pag-unlad, at pagsasarili ng mga taong may kapansanan, pati na rin ang kanilang integ-rasyon sa lipunan. Binibigyang-diin ng batas ang panga-ngailangan ng pagbibigay ng angkop na tulong at mga konsesyon upang matiyak na ang mga batang may espesyal na pangangailangan ay makasasabay sa mga regular na silid-aralan.

Layon ng pag-aaral na ito na suriin kung paano maipatutupad nang mas epektibo ang mga itinakdang suporta at akomodasyon sa mga pampublikong paaralan, pati na rin ang epekto nito sa pamamahala ng mga guro. Sa pamamagitan ng pananaliksik na ito, inaasahang makapagbibigay ng mahalagang impormasyon at rekomendasyon na makatutulong sa higit pang pagpapatibay sa pamamahala ng mga guro ng inklusibong edukasyon sa pampublikong elementarya para sa mas pantay at epektibong sistema ng pagtuturo para sa lahat.

see PDF attachment for more information