Ang pagdating NYA, at ng mga taong tulad Nya ay sinabayan ng napakaraming tanong...
Anong nangyari? Ba't sya nagkaganyan?
Ano ang pagkukulang ng magulang? Napabayaan ba?
At ang napakalaking tanong: BAKIT S’YA PA?
Ginugol ang napakaraming oras, lakas at panahon
Sa pagtuklas ng sanhi at lunas.
EEG, MRI, CTscan, pagpapalit-palit ng gamot... Paghahanap ng SAGOT...
Sa mga ANO, BAKIT at PAANO ng buhay.
Iisa lang sya ngunit apektado ang lahat ng miembro. Isang parte na di pwedeng ihiwalay sa puno.
Laging may takot sa bawat atake, pangamba na baka iyon na ang huli.
Pag-aalala kung kelan ang susunod.
Dagdag pa ang sakit sa panghuhusga ng mga manonood.
Inihinto na ang pangarap. Kinalimutan ang sarili na tila ba doon nalang
iikot at hihinto ang mundo.
Pinipilit sagutin ang walang kasagutan, ang hanapin ang wala...
IKINULONG ng sitwasyon, at di alam kung makakalaya pa.
Pamayanan, sadya bang nakakatawa
Ang makakita ng taong tulad NYA?
May damdamin, karapatan at pag-asa,
Gaano man ang kaibahan, kaISA rin natin sya.
At sa mga taong “pinagbilinan” sa KANYA... isipin na binigay sya ng Diyos di para ikumpara,
HINDI PARA BAGUHIN, saktan o IKAHIYA,
Kundi ang taos pusong TANGGAPIN, MAHALIN at bigyang kalinga.
Iyon lang ang tanging paraan upang tayo'y MAGHILOM, at tuluyang LUMAYA.