Return to site

PAGBABAGO SA LARANGAN NG EDUKASYON

JOHN RIDAN D. DECHUSA

Philippine Science High School – CARAGA Region Campus

Lahat ng institusyong pang-edukasyon ay may kurikulum na pinagbabatayan ng kanilang mga nais iparanas na akademikong gawain at karanasang pang-edukasyon na huhubog sa kabuuan ng mga mag-aaral (wholistic development). Bawat paaralan ay may responsibilidad sa pagbibigay ng kurikulum na nakaangkla sa kurso at asignatura na nais matamo ng isang indibidbwal.

Ipinahayag nina Ragan at Shepherd (nd) na ang kurikulum ay nagsisilbing daluyan na makatutulong sa mga paaralan upang maganpanan nito ang responsibilidad sa paghahatid ng karunungan, ayos at proseso ng iba’t ibang karanasang pampagkatuto. May malaking naidudulot ang kurikulum sa mga mag-aaral dahil ang pagkamit ng mga mag-aaral sa mga inihanay na mga karanasang pang-edukasyonal ay magsisilbing tulong sa pagpapaunlad ng isang lipunan, bansa, at sandaigdigan.

Batay sa ibinigay na kahulugan ng kurikulum sa itaas ay hindi maikakaila na ang kurikulum ay nagsisilbing kaluluwa ng anumang institusyong pang-edukasyon dahil ang kurikulum ang nagsisilbing daluyan nang lahat ng mga karanasang pang-edukasyonal na nais iparanas ng isang institusyon sa mga mag-aaral. Ang daluyang ito ang nagiging bagay ng mga paaralan upang matamo ng mga mag-aaral ang kanilang ninanais na matamo at maabot sa kagustuhang makapagtapos sa kurso o asignaturang nais nilang maging bihasa.

Dagdag pa rito and pahayag ni Bismonte (2017), na ang kurikulum ay gabay ng bawat paaralan upang makamit ang matagumpay na pagtuklas at pagkatuto ng mga mag-aaral sa anumang asignatura. Dito nakaangla ang mga nararapat na gamitin ng bawat yunit ng institusyon lalo na ang mga tagapamahala at opisyales, at ang mga kaguruan upang maisagawa ang mithiing tagumpay sa larangan ng pagtuturo at pagkatuto. Sa mga nagdaang panahon ay hindi pa organisado ang proseso ng pagtuturo kaya sa paglipas ng panahon ay nabuo ang kurikulum upang maiwasto at matiyak ang bawat aspektong pang-edukasyon ay may patutunguhan. Binuo ang iba’t ibang disiplina sa paaralan na may kaugnayan sa kagamitan sa pagtuturo, mga dulog at metodo sa paggawa ng mga banghay-aralin, mga aktibidad na naaayon sa kakayahan at kapasidad ng mga mag-aaral.

Sa pag-inog ng panahon ay marami nang pagbabago sa kurikulum ng Filipino. Sa mga rebisyong ginawa dito ay umaayon sa pagpapabuti ng bawat hakbangin sa pagtuklas at karanasang pang-akademiko ng mga mag-aaral sa wika. Dahil sa mga nagdaang rebisyon ay nagkaroon ng kamalayan ang mga mag-aaral sa mga isyung nasyonal at global na isa sa mga mahahalagang karanasan na dapat iparanas sa mga amg-aaral upang makipagsabayan ang mga amg-aaral sa pang internasyonal na kalakaran ng sistema ng edukasyon at pagharap sa mga hamon ng ating pambansang wika sa kasalukuyan. Mendoza (2008)

Sa mga nagdaang rebisyon sa kurikulum sa Filipino ay binigyang halaga rin ang pagkakaroon nang maayos na mga pasilidad upang higit na mapagbuti ang gawaing pagtuturo at pagkatuto. Nararapat lamang na ang anumang pagbabago ay may kaakibat na suporta at pagbibigay ng mga kagamitang makatutulong sa tunay na misyon sa mga pagbabago na ninanais ng mga akademikong institusyon. Hindi rin maikakaila ang kahalagahan ng mga kagamitang pampagtuturo na may kinalaman sa paggamit ng mga makabagong teknolohiya na siyang magiging kasangkapan upang matuto at kumonekta ang mga mag-aaral sa tinatawag na 21st century learning at globalisasyon.

Hindi magiging sapat ang mga pagbabagong naisagawa kung kulang ang suporta ng mga akademikong institusyon at pamahalaan. Kinakailangang harapin ang mga pagbabagong ito nang may maayos na pagpapasya at kolaboratibong pagtugon mula sa mga kinauukulan. Higit sa lahat, bigyan ng suporta at gabay mga guro na nagsisilbing piloto upang madala tayo sa tagumpay na ating ninanais na makamit.