Return to site

PAG-AHON SA DAPITHAPON

ni: DR. TERESITA CRISTOBAL CRUZ

Kilala siya sa baryo namin bilang Dok Minda. Hindi siya medical doctor. Doctor of Education siya.

Mula pagkabata ko ay naging bukambibig na sa baryo namin ang matunog niyang pangalan. Si Dok Luzviminda – anak ng isang nobelista sa komiks at ng isang ina na sa halip na magturo ay itinalaga ang sariling maging “homemaker” upang magabayan sa paglaki ang sampung anak. Sampung magkakapatid sina Dok Minda at siya ang panganay.

Mahirap ang buhay nila noon ngunit nagawa silang pagtapusin sa kolehiyo ng kanilang mga magulang (sa tulong ni Dok Minda).

“Anak,” wika ni Mang Rio “bilang panganay, tulungan mo sana kami ng nanay mo na mapagtapos sa kolehiyo ang mga kapatid mo. Alam mo namang maysakit ako at mahina na. Sana ay huwag ka munang mag-aasawa,” pagsusumamo ng kanyang ama.

Bagamat masukal sa kalooban ay natutong magsakripisyo si Minda. Binalewala niya ang mga manliligaw bagamat ang mga pagkakataong iyon ng paglimot at paglayo sa binatang naiibigan ay tulad ng balaraw na tumatarak sa kanyang puso. Walang katumbas na halagang salapi ang mga luhang dumaloy sa kanyang pisngi, at paulit-ulit na pangungulila sa bawat manliligaw na kanyang nilalayuan upang mapagtapos sa kolehiyo ang bawat kapatid.

Nagaygay niya ang exclusive villages sa kalakhang Maynila sa pagbibigay ng private tutorial lessons sa mayayamang estudyante bilang sideline sa pagtuturo. Mula alas tres ng hapon hanggang alas siyete ng gabi ay naroon siya sa Corinthians, Lavista, Manila Polo Club, Xavierville at iba pang exclusive subdivisions bilang private tutor upang madagdagan ang kitang pinansyal. Sa gabi, sasakay siya sa DM transit o sa JD transit upang makauwi sa Obando. Kadalasan ay sumasabit siya sa bus, makauwi lamang. Kinabukasan ay ganoong muli ang ruta niya – limang beses bawat linggo.

Patang-pata ang katawan… nagsakripisyo siya nang paulit-ulit hanggang unti-unting nakapagtapos ang mga kapatid sa kolehiyo (pito yata ang pinag-aral niya).

Kung Pasko at Bagong Taon, tinitiyak niyang lahat ng miyembro sa pamilya ay nabibigyan ng regalo. Walang paltos ‘yon.

“Ate, ibili mo ko ng sapatos ha!”

“Ako bagong t-shirt at pantalon.”

“Ako bagong maong at polo.”

“Ako Ate, cash na lang ang ibigay mo.”

Lahat nang iyon ay ginawa ni Minda para sa pamilya. Sampu silang lahat, na ngayon ay titulado ng lahat. Iyan ang unang biyaya ng langit sa kanilang pamilya.

Dahil kilala sa baryo namin, naging tampulan ng pansin ang pamilya ni Dok Minda. Habang lumalaki si Minda at ang kanyang mga kapatid, lumutang ang aktibo nilang partisipasyon sa pananampalataya sa pamayanan. Tuwing pista ng bayan sa kanilang lugar ay sama-sama silang nagpuprusisyon at nagsasayaw sa tatlong patron sa Obando: Sina Santa Clara, Nuestra Señora de Salambao at San Pascual Baylon.

Noong bata pa ang mga kapatid ni Minda, tuwing pistang bayan at nanonood sila ng dumaraang prusisyon sa bubong ng luma nilang bahay, ganito ang ordinaryong usapan sa pamilya.

“Nanay, punta tayo sa bayan bukas.”

“Ibili mo ako ng kabayu-kabayuhan.’

“Ako Nanay, lutu-lutuan ang bilin mo sa akin, ha.”

“Naku! Wala tayong pera. Saka na lang… madalas na sagot ng ina sa paglalambing ng mga kapatid.

Kapag naririnig iyon ni Minda. Siya na ang aako sa pinansyal na gastusin ng ina.

“O heto po ang pera ‘Nay. Bahala na po kayong hatiin yan para sa gusto nilang bilhin sa pistang bayan.”

Hindi natitiis ni Minda ang pangangailangan ng mga kapatid. Talagang inaamin naman ng kanyang mga magulang. “Si Minda ang nakatulong sa amin ng Tatay niya sa pagpapaaral at pangangalaga sa aming pamilya. Mamamatay akong nagpapasalamat kay Minda, ang panganay kong anak,” wika ng ina.

Malalim ang debosyon nila sa tatlong patron na lalong nagtining nang dumating ang pandemya noong 2020.

Ang malalim na debosyon ni Dr. Minda kay San Pascual Baylon ay bahagi na ng kanyang pag-iral sa mundo bilang isang anak at isang babaeng miyembro ng Legion of Mary.

Sabi nga sa ilang linya ng awit… “Sa buhay at kahirapan maawang kami’y inyong tulungan, bunying San Pascual.”

Bagama’t nagmula sa mahirap na pamilya, hindi kailanman naging problema kay Dok Minda ang pera. Mula sa suweldo niya na isang pribadong paaralan sa Maynila at royalty niya sa teksbuk ay nagawa niyang itaguyod ang mga pangangailangan ng buo niyang pamilya at nakapaglakbay pa siya sa ibang bansa.

Madiskarte sa pag-iipon ng pera si Dok Minda. Sa edad na 23 ay pinasok niya ang textbook writing bilang sideline sa pagtuturo. Ito ang nagbigay sa kanya ng maraming pera upang magawa niyang makapagpatayo ng sariling paaralan at makapaglibot sa iba’t ibang bansa. Sinimulan niyang libutin ang buong Pilipinas bilang speaker, demonstration teacher, at lecturer sa mga paaralan sa panahon ng textbook promotion. Nagkaroon yata ng 12 pasaporte itong si Dok Minda. Nagawa na niyang libutin ang Asya, tulad ng Hongkong, Thailand, Indonesia, Malaysia, China, Israel, Jordan, Egypt at ilang bahagi ng Africa. Ang prinsipyo niya kasi ay ganito. “Writer ako. Gusto kong makita ang buong mundo kasi naniniwala akong ang edukasyon ay hindi lang makukuha sa apat na sulok ng paaralan. Kaya’t taon-taon, naglalakbay ako. Bago pa lang matapos ng Marso ay nagagawa ko nang mag book ng summer travel tour sa Northwest at Delta Airlines,” kuwento niya sa akin nang minsang magkausap kami.

Kabisado na ito ng kaibigan niya sa Northwest/Delta Airlines kayat talagang naging suki siya sa loob ng sampung taon. Destinasyon: Amerika at Canada. Kung ilang beses niyang nabalikan ang Florida, Alabama, Tennessee New York, Canada, Washington DC, Maryland, Philadelphia, Baltimore, Massachusetts, Virginia, Chicago, Illinois, Michigan, Detroit, San Francisco at marami pang iba.

Dahil hindi niya problema ang pera noon, ipinagpatuloy niya ang pagbili ng pilgrimage tours sa Rajah nang kung ilang beses. Bumili din siya ng European Voyager at Marian Pilgrimages mula London, Spain, France, Italy, Liechtenstein, Monaco Switzerland, Germany at iba pa. Ginusto niya ng pilgrimage sa Medjugorje. Aba, itinodo na niya hanggang Balkan States tulad ng Slovakia, Slovenia, Austria, Portugal, Spain at iba pa.

Hindi siya kailanman nagkulang sa aspetong pinansyal. Marami siyang pera lalo’t dumarating ang buwan ng Disyembre kung kailan ibinibigay ang Royalty sa textbooks. Panahon ng paglalambing ang Disyembre, taon-taon, wika nga.

“Ate, ibili mo ko ng bagong kotse, ha. Luma na kasi ang kotse ko.”

“Ate, ipagawa mo na ang bahay natin, ha.”

“Ate, isama mo naman kami sa tour mo, ha.”

Ilan lamang ito sa major expenses kapag dumarating ang royalty niya.

At totoo naman, lahat ng kanyang mga kapatid ay ikinuha niya ng passport at binigyan ng iba’t ibang Asian tour.

Noong minsan, kitang-kita ko ang ginawa ni Dok Minda sa pamilya niya. Bata pa ang mga pamangkin niya noon.

Inilipad niya sa Cebu ang buong pamilya niya kasama ang mga katulong sa bahay. Dalawampu yata ang binayaran niya sa PAL para sa Cebu tour ng kanyang pamilya. Ganyan ka-bukas palad si Dok Minda sa kanyang pamilya.

Nagawa pa ngang bigyan ni Dok Minda ng free Asian tour ang mga gurong nakapagserbisyo sa iskul niya ng limang taon. Kahit drayber at kusinero sa kantina ay isinama niya sa free Asian tour sa Hongkong, Malaysia at China. At ipinagmamalaki ito ng kanyang mga guro at non-teaching staff.

Ganyan si Dok Minda. Bukas-palad siya sa pamilya at sa mga gurong itinuring na niyang pamilya.

Akala niya ay habang buhay ang ganoong senaryo. Pero nagbago ito sa pagdating ng pandemya noong 2020.

Bago ang pandemya, noong 2019 ay nagpatayo siya ng additional classrooms. Tatlong milyon ang naubos niya sa pagawaing ito.

Noon dumating ang isang matinding hamong pinansyal. Idineklara ng gobyerno “No face to face”, sa loob ng dalawang taon. Ang sumunod na tatlong taon ay patuloy na bumaba ang enrolment sa kanyang paaralan.

Bumaba nang bumaba ang enrolment dahil sa kahirapan ng buhay. Ang financial management ng iskul ay naging isang suliranin. Paano babayaran ang 3M na utang sa dalawang coop? Doon nagsimula ang kalbaryo ni Dok Minda. Ang dating walang problema sa pera ay nalubog sa pagkakautang. Ang bawat taon ay naging madilim na banta sa buhay ng may-ari. Tanging panalangin sa Diyos ang kanyang pag-asa.

Matalino si Dok Minda. Ginamit niya ang lumbay at matinding kalungkutan sa pagdating ng pandemya upang tuklasin ang natatago niyang lakas upang bumangon. Dahil siya ay isang prayerful woman, nagagawa niyang i-transpose ang mga hilahil na ito bilang daan sa pagtuklas ng kanyang inner strength and creative juices;

Tinutulungan niya ang kanyang sarili na makaahon sa lumbay at kalungkutang naghahatid ng kawalang pag-asa. Araw-araw sa loob ng tatlong buwan ay nakipagcolab siya sa isang titser sa kanyang iskul sa pagbuo ng poetry videos.

“Dok Minda, bukas po ba tayo magsisimula sa poetry video ninyo?”

“Oo, bukas na. Tiyakin mo lang na laging fully charged ang celfone mo Titser Joy.”

“Opo, Mam. Paano po ang format ng poetry video ninyo?”

“Ang bawat video ng tula ay may susunding format.

Una, pagbasa ng maikling linya mula Banal na Aklat (Bibliya) na angkop sa tulang babasahin.

• Babasahin ko ang tula

• Aawit ako ng maikling bahagi ng awit na angkop sa tula.

At ganoon nga ang naging format ng kanyang 100 tula (poetry video) sa Panahon ng Pandemya.

Mula 2020 hanggang 2025 ay salitan niyang ibinabahagi sa fb ang mga poetry videos na ito. Nakalulugod isipin na kay daming tao ang kanyang nabigyan ng pag-asa.

“Dok Minda, ang ganda ng tula mo. Napanood ko kanina. Ang ganda rin ng damit mo,” masiglang puna ni Lorna, isang dating kaklase niya sa Elementarya.

“Dok Minda, ang ganda pala ng boses mo. Hindi lang pala pagtula ang talent mo. Kay husay mo ring kumanta. Alam mo bang paborito ko ‘yong kinanta mong Give Thanks,” ang sabi ni Jessa, isang kaklase sa hayskul.

“Dok Minda, alam mo bang araw-araw ay pinanonood ko ang poetry video mo. Kay ganda ng mga mensahe ng tula mo. Swak’ yan sa parents – kahit students swak na swak din. Gawa ka pa ng maraming video ha?”

Nakatutuwa ang mga komentaryong ito kayat patuloy siyang gumawa ng fb page. Lalong lumaki ang sakop ng kanyang mga followers kasi digital creator na siya.

Talagang iyang gumawa ng mabuti sa kapwa ay binibigyan din ng karampatang appreciation sa pagdaraan ng panahon.

Taong 2023 nang humakot ng awards si Dok Minda mula sa ibat ibang educational award giving body. Nakarating siya sa Baguio at tinanggap ang “Dangal ng Lahi Award.”

“Dok, ang Royalty award mo ay sa Vivere Hotel gagawin, ha!” paalala ng isang titser sa paaralan niya.

Matapos ang ilang buwan ay iba’t ibang gown ang isinuot ni Dok Minda upang tanggapin ang mahigit dalawampung award mula sa iba’t ibang award giving body.

“Dok, may tatanggapin po kayong award bilang pinakamahusay na lider at may-ari ng paaralan. Sa Lake View hotel po sa Tagaytay ito.”

At ganoon nga ang nangyari. Naging hakot awardee siya noong 2023. May award na tinanggap sa Cebu, Davao, Iloilo at malalaking hotel sa Maynila bilang Outstanding Author at school leader.

“Mam, ang ETCOR Award po ninyo ay sa Sofitel gagawin.”

“Dok Minda may dalawa po kayong award galing sa Municipal Council ng Obando bilang pagkilala ng bayang sinilangan sa inyong mahusay sa pamumuno at pagsusulat.”

Kay daming awards ito sa loob ng 2023. Ang sabi ng mga kaibigan niya sa fb ay HAKOT Queen siya!

Gratitude… Marami tayong kuwento tungkol diyan kung si Dok Minda ang pag-uusapan natin!

“Salamat sa luha,” minsan ay nasabi sa akin ni Dok Minda.

“Alam mo, hindi laging straight line ang dinaraanan ko. Minsan, naniniwala ako sa kasabihang “God draws a straight line from some crooked lines.”

“Ganoon talaga sa buhay. Pero kapag pumatak na ang luha ko, asahan mong magiging lalo akong palaban – Oo narinig mo PALABAN!” ganito ang minsang ikinuwento niya sa akin.

“Nagiging higit akong matapang at lumalabas ang mga pangil ko na handang mangagat, kapag may gumagawa sa akin ng masama.”

“Nangangagat din po kayo, Dok Minda? Aba! Parang wala sa mukha ninyo.”

“Oo, nakatago ang aking bagsik. Tulad ako ng isang bulkan na natutulog nang mahabang panahon – pero sa kanyang pagputok ay nagbubuga ng usok at lahar na sapat upang magsabog ng higanti sa kapwa taong lumapastangan sa aking prinsipyo. At nagpatuloy siya sa pagkukwento…

“Minsan daw ay may malapit siyang kamag-anak na nag birthday. Galing ang taong ito sa Canada. Alam ng maraming tao na may malaking inggit sa kanya ang babaeng kamag-anak na ito. Kababata – galing na pareho sa dukhang pamilya. Aba! Nakatapak lang sa ibang bansa ay tumaas na ang ilong. Kay yabang na! Naiba na ang ugali ng babaeng ito. Naging alipin ng dolyar. Naging mapagmataas. Walang bida kundi siya. Walang magaling kundi siya.

Hindi niya inaasahan ang ginawa ng kamag-anak na ito na itinuring na niyang kapatid. Birthday party noon ng kamag-anak niyang si Chona. Ipinaabot niya sa isang kaibigan ang sariling tulang isinulat niya para sa b-day celebrant.

Inilagay pa niya ang isinulat na tula sa isang magandang frame.

Aba! ang sabi daw ni Chona sa kamag-anak na nag-abot “Itapon mo yan! Itapon mo ‘yan.” Malaking gulat ng taong nag-abot. Sa loob loob niya, bakit galit na galit siya sa regalo ni Dok Minda. Dahil ba ito’y payak at walang lamang pera? O dahil ba sa katotohanang si Dok Minda ay nakasulat at naging awtor ng mahigit kumulang sa 400 libro, teacher’s manual at learning guide na ginagamit sa buong Pilipinas at kinikilala siya sa ganitong larangan? Bagay na hindi niya nagawa! Inggit ba ang dahilan ng kanyang galit kay Dok Minda?

“E, di ikaw ang magtapon… Pinaghirapan ni Dok Minda yan, ipatatapon mo lang. Hindi ko itatapon. Ikaw ang magtapon!” ang ganting sagot daw ng taong kausap.

Ayon sa kuwento ni Dok Minda, nang malaman niya ang pangyayaring ito (na tsika ng isang may makating dila) ay parang binalaraw ang puso niya… heto ang taong itinuring niyang kapatid at pinag-alayan ng mabubuting salita sa kanyang tulang isinulat… nagawang balewalain ang kanyang paghihirap – ang kanyang simpleng alaala. (Hindi kasi sunud-sunuran si Dok Minda sa whims at caprices ng mayabang na si Chona. Magkaiba ang value system nila. Opposite poles sila.)

Noon tumulo ang luha ni Dok Minda… nagmula sa mahinang iyak… hanggang narinig ko ang naging bulkang pagsabog ng galit na galit niyang tinig. “Tatlumpung taon siyang nawala. Ako ang naging sandalan ng pamilya niya. Wala siyang utang na loob! Wala siyang malasakit sa kapuwa tao. Binago na siya ng makapangyarihang dolyar. Nabili na ng mga dayuhan ang kaniyang puso at kaluluwa. Ibang-iba na siya. “Hindi kita susukuan. Sa ginawa mong ito sa akin, maghintay ka sa aking paghihiganti!”

Pero kilala ko si Dok Minda. Hayaan mo lamang mailabas niya ang galit sa kanyang puso… Malalim at mapagnilay na tao si Dok Minda.

Kilala ko si Dok Minda… Kilalang kilala… malalim siyang tao. Katunayan ang mga luhang iyon ang ginamit niyang SANGKALAN sa oras na ito upang tadtarin nang pinong-pino ang mga poot sa kanyang puso… upang sa tamang panahon ay maihagis niya sa dagat… nang buong - buo upang tuluyang mapalaya ang kanyang sarili sa umaalimpuyong poot.

Natatandaan ko rin ang kwento sa akin ni Dok Minda nang magkasunod na pumanaw ang kanyang ina at kapatid na lalaki noong 2016 at 2017.

Taong 2016 nagpapagawa siya noon ng apat na additional classrooms na may halagang 2.4 M.

Sa gitna ng kanyang financial concerns ay naospital nang pabalik-balik ang kapatid niyang lalaki sa ICU.

Madalas magpulong si Dok Minda at mga kapatid dahil sa lumalaking gastusin sa ospital ng kapatid nilang lalaki.

Ang sabi ng kanilang ina ay ilabas na lamang at sa bahay na lamang hintayin ang “talaga ng Diyos”. Malaki nga naman ang gastusin at ang mga kapatid ay may responsibilidad ding hinaharap sa pag-aaral ng kani-kanilang mga anak. Nauunawaan iyon ni Dok Minda ngunit nais niyang itaguyod ang mga gastusin ng kapatid sa ICU. Kayat nagpasya siyang mangutang sa coop ng 1M upang matugunan ang kailangang pinansyal ng kapatid.

Hindi niya maaatim na hindi ilaban ang kalagayan ng kapatid na noon ay nasa ICU. Nangutang siya ng 1M sa coop, ngunit pumanaw rin ang kapatid. Ganoon na lamang ang luhang pumatak kay Dok Minda sa matinding kalungkutan. Noon nagsimulang magkaroon ng financial concern si Dok Minda dahil nais niyang kahit ang huling sentimo ng kanyang kabuhayan ay magamit upang madugtungan ang buhay ng kapatid. Ngayon, bagamat nagkaroon ng pagkakautang na pinansyal, natutuwa niyang isipin na naibigay niya sa kapatid ang tulong pinansyal na noong panahong iyon ay siya lamang ang handang magbigay sa gitna ng iba pa niyang malalaking gastusin. Ganoon ang buhay ni Dok Minda, kahit huling sentimo ay ibibigay pa sa kapatid. Para sa kanya iyon ang tunay na pagmamahal, tulad ng babaeng balo sa Bibliya, na nagawang maibigay ang huling kusing para sa kawanggawa.

There is joy in sacrifice.

There is sweetness in pain.

There is peace in being broken.

There is love in sharing ones brokenness.

Hindi ka nagbibigay dahil marami kang pera.

Nagbibigay ka kahit walang – wala na. Gumagawa ng paraan upang sumagip ng buhay sa gitna ng kagipitan – doon mo maipagmamalaking nagmahal ka. Noong ang hapdi at sakit ng pagbabayad sa inutang na pera ang magpapagunita na may dangal ang perang inutang para sa kapatid na minamahal.

Dahil sa matinding kalungkutan ipinasiya niyang mapag-isa. Noon ay may naitatabi pa siyang gastusin para maglakbay. Nag-join ng Marian Pilgrimage sa Europa si Dok Minda. Sa tatlong linggo niya sa pilgrimage ay nagawa niyang lunurin ang kalungkutan ng kanyang puso upang muling bumangon at magsimula. Subalit, taong 2017 ay pumanaw naman ang ina ni Dok Minda. Paulit-ulit na nakaconfine sa ospital ang matanda. Nagkaroon ng komplikasyon. Nag diyalisis at binawian ng buhay sa ICU ng isang pribadong ospital. Heto na naman ang isang matinding dagok ng kalungkutan.

Naikwento sa akin ni Dok Minda, ilang buwan bago namatay ang kanyang ina ay “tumakas” siyang pansamantala sa ibang bansa dahil hindi na niya maatim na makita ang paghihirap ng matanda na binibigyan naman ng first class medication and care. Mayroon siyang mga caregiver at katulong na umaasiste sa pamilya. Binawian ng buhay ang matanda, walong taon na ang nakalipas.

Natatandaan ko pa ang kwento ni Dok Minda nang tanungin ng punerarya kung anong serbisyo ang ibibigay para sa ina.

“Give her the most expensive coffin you have. Iyong pinakamahal dahil lubha namin siyang pinakamamahal.

At ganoon nga ang nangyari, limang gabing naburol ang kanyang ina na bawat gabi ay kay daming nakikiramay.

Bawat gabi ay may espesyal na grupo na tumutugtog. (Hiniling niya ito upang kahit paano ay maibsan ang kanilang kalungkutan at pangungulila).

Unang gabi – grupo ng violinists

Ika – 2 – grupo ng Musikong Bumbong

Ika – 3 gabi – Mga Musiko at Banda Magsikap

Ika – 4 gabi – mga manunugtog sa banda ng Malabon

Huling gabi – Iba’t ibang grupo ng mang-aawit at manunugtog

Araw-araw, sa loob ng kuwarto kung saan nakaburol ang ina ay sunod-sunod ang pag-aalay ng mga panalangin at eulogy.

Masaya si Nanay dahil lahat ng mabubuting serbisyo ay inihandog sa kanya ng pamilya. Ganito rin karangya ang burol at libing ni Tatay noong Marso 1997.

May foresight si Dok Minda. Maaga siyang bumili ng lupa sa isang bago at pribadong libingan kung saan siya nagpagawa ng dalawang palapag na musuleo na labis na pinasasalamatan ng kanyang mga kapatid sa panahong ito. Ipinundar niya ang magandang musuleo sa gitna ng marami niyang financial concerns at sinadya niyang maisingit ang mahalagang obligasyong ito.

Stories of Gratitude – o ano hindi ba’t marami na kayong nabasa tungkol kay Dok Minda?

Ngayon ay unti-unting dumarating ang mga pinansyal na tulong. May kapatid na nagdonate ng I milyong piso upang mabigyan ng facelift ang kanyang paaralan. Salamat sa Diyos.

Feb. 8, 2023 noon nang muling nagbukas ang publikasyong kanyang sinusulatan ng textbooks para sa Matatag curriculum.

“Dok Minda, magrerevise po tayo ng textbooks ninyo sa Filipino para sa Matatag call for elementary and high school textbooks,” wika ng staff sa publikasyon.

“Naku! Anna! Napasaya mo ako! Matagal ko nang hinihintay ‘yan. Salamat sa Diyos.”

Naging napakahalaga kay Dok Minda ang petsang Pebrero 8, 2023…

Noon muling bumalik ang sigla niya sa pagsusulat. At sadyang napakabait ng langit kay Dok Minda. Isang serye ang susulatin nang buong - buo mula grade 1 hanggang grade 6. At naging madali na lamang ito sa kanya dahil dati na niyang naisulat ang mga ito. Rebisyon lamang ang gagawin ayon sa mga hinihingi ng Matatag competencies.

Wow! Lalo pang naging malaking Wow!

“Dok Minda, pagkatapos po ninyo sa grade school ay isusunod po natin ang hayskul mula grade 7 hanggang grade 10.”

“Naku! Salamat na salamat! Praise the Lord,” ang nasabi niyang puno ng kagalakan.

At ganoon nga ang nangyari. Matapos ang isang taon at kalahati ay matatapos na ni Dok Minda ang kanyang sampung aklat para sa Matatag curriculum na nang lumaon ay tinatawag na Revised Curriculum, nang muling dumating ang isa pang malaking offer na tinatawag niyang “habag at biyaya ng langit.”

“Dok Minda, ito namang mga manuscript na isinabmit ninyo para sa GMRC ay naaprub na po ng may-ari. Pwede n’yo na pong isulat ayon sa Revised Curriculum Competencies. Ipadadala ko po bukas ang GMRC competencies. Anim na libro po ito, mula grade 1 hanggang grade 6.

Natatandaan ko, ang sabi ni Dok Minda, feast day daw ni Santo Padre Pio nang dumating sa kanya ang magandang balitang ito. At dahil nga isang prayerful woman si Dok Minda, kaagad daw siyang nagpunta sa munti niyang altar at nagpasalamat sa Diyos sa tulong ng gabay at intercession ni Santo Padre Pio. Siya ay santong kilalang tagapagpagaling sa mga “maysakit”.

Kinilabutan daw siya, kwento ni Dok Minda sa akin… alam ng Diyos na may “masakit” sa akin… masakit ang nararamdaman kong financial burdens… na nagbibigay sa kanya ng mental health problems. Alam ng Diyos ito… kayat nagpadala siya ng katugunan… He sent a “Beacon of Hope” – ang bagong serye sa GMRC na susulatin niya ay malaking panagot sa mga bayarin niya sa hinaharap… malaking tulong ang paunang honorarium na matatanggap niya sa bawat aklat para sa mga bayaring personal at bayarin sa paaralan. At kung hahabaan pa ang pagtingin sa hinaharap… nakikita niya ang isang magandang foresight sa ibibigay na mga royalties ng mga librong ito sa hinaharap. Hindi nagpapabaya ang langit! Laging nakatunghay ang Diyos. Damang-dama niya ang paggalaw ng mga kamay ng langit upang siya ay pagpalain at unti-unting makaahon sa kanyang pagdadapithapon.

Blessing? Meron ba nito? Aba! Marami.

Teka at iisa – isahin natin.

Una sa lahat, hindi siya kailanman nagkasakit sa panahon ng pandemya.

Buhay siya!

Lalong gumaganda.

Lalong humuhusay sa ballroom dancing.

Lalong tumatalino sa pagsusulat ng mga aklat.

Lalong nagiging masaya pa sa kanyang buhay. She reconnected with her friends mula elementarya hanggang kolehiyo at madalas siyang lumalabas at kumakain sa labas kung may espesyal na okasyon.

Nasa dapithapon na ng buhay niya si Dok Minda. Pero kung akin siyang titingnang mabuti, parang ngayon lamang siya nagsisimulang magdalaga… sa edad na 69 ay punong-puno pa siya ng pag-asa.”

Ano kaya ang sikreto ni Dok Minda!

Ah! Alam ko na!

She knows how to take care of herself.

Kung gusto niyang umiyak at iluha ang kanyang kirot ng puso, isinusulat niya ito sa kanyang MAGIC JOURNAL, ang kanyang Best Friend. Isinasatitik niya ang magkahalong kasiyahan at kalungkutan. Ihinihingi niya ang awa at habag sa langit ang kanyang mga iniindang pagkabigo, hindi siya tumitigil sa pagsusulat hanggang maisatitik niya ang isang resolusyon na kanyang gagawin… kung humaharap sa matitinding pagsubok. Ginagawa niyang SANGKALAN ang mga masasakit na “rejection” kahit ng mga taong malalapit sa kanyang puso… Oo, iniluluha niya ang mga sakit na ito… upang muling bumangon… bigyan ng pag-asa ang sarili sa dapithapon ng kanyang buhay dahil alam niyang nakahihigit pa rin sa lahat ang mga biyayang ipinagkaloob sa kaniya ng langit kaysa sa mga bagay na hindi niya nakamit.

Magandang ibahagi ng kuwento ng buhay ni Dok Minda sa mga susunod pang henerasyon… dahil ito ay kuwento ng walang hanggang pasasalamat sa Diyos sa maraming bagay:

- kalusugan

- talino

- kagandahan

- kakayahan

- kasipagan

- katatagan

- pag-asa

- pananalangin

at isang espesyal na pribilehiyong magamit ang masasakit na karanasan bilang daan na tugunin nang buong husay ang mga paghamon at manatiling nakatayo, taas-noo at marangal.

- Narito ang isang babae na malinaw ang pagsunod sa kalooban ng Dakilang Maykapal.

Stories of Gratitude… marami akong maibabahagi diyan kung pinag-uusapan natin ang buhay ni Dok Minda.