Malaki ang hamon sa edukasyon sa ating bansa ngayon dahil sa nararanasang epekto ng COVID-19. Ang bagong normal (new normal) sa edukasyon na ipatutupad ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ay malayong malayo sa dati o nakaraang normal na pagtuturo at pagkatuto. Ang pamamaraan ng pagtuturo at pagkatuto ay sa paraang “online”, kung saan gagamit ng akses sa teknolohiya, koneksyon sa internet at online platform na makatutulong sa pagitan ng guro at mag-aaral.
Pinaghandaan ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang dry run ng online at modyular na pagtuturo at bilang pagtugon sa magandang hangarin ng DepEd at sa sinasabing hamon na kataga ng ating butihing Secretary Leonor Briones na “Learning must continue”. Pinapakahulugan nito na hindi magiging hadlang ang pagbibigay ng edukalidad sa mga kabataan dahil sa nararanasang Covid pandemic. Kung kaya’t dahil dito ang paaralang Lemery Senior High School ng Lemery, Batangas ay isa sa naging bahagi sa isang linggong dry run na pagtuturong online at modyular. Isang pagganap at hamon para sa aming mga guro, magulang at higit sa lahat ay sa napiling mag-aaral ng TechVoc – ICT strand, ang nasabing paraang online na pagtuturo na naganap noong Hulyo 20-24, 2020.
Maraming pagpaplano ang aking/aming ginawa upang maisakatuparan ang paraang online na pagtuturo. Kinakailangan ang kakayahan at kasanayan sa bawat paggamit ng online platform at ito ay hindi makakaya sa isang tulugan lamang. Dahil sa tawag na tungkulin at dedikasyon ng mga guro, pinag-aralan ang kabuuang sistema o pagpapatakbo ng online na pagtuturo.
Bahagi ng plano ang pagkuha o pagpili ng mag-aaral na may kakayahan mag-online learning, na ginawa sa pamamagitan ng sarbey (Electronic Learner Enrollment Survery – LESF). Dalawampu’t siyam na mag-aaral, mula sa apatnapu’t isa (41) na mag-aaral lamang ang lumahok o sumali sa vitual class session at google classroom sa aking aralin na Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Filipino.
Mula sa karanasan ko at mga mag-aaral, masasabing ko na may naibahagi akong natatangi at masayang karanasan sa pagtuturong online sapagkat ito ay aking napatunayan sa kanilang mga sinabi o kinomento sa bahagi ng aking repleksyon na gawain na kung saan ginamit kong estratehiya ay ang Facebook na may temang “Kamusta ka? I-Share mo ang season mo ngayon?”, na bahagi nito ang pagpili ng Emoji na kanilang naranasan sa online na pagtuturo at komento ng kani-kanilang karanasan sa pagkatuto.
Napagtagumpayan ko ang virtual na pagtuturo o online class, ngunit maraming mga naranasang balakid o suliranin upang maisakatuparan ito. Kabilang sa mga hamon sa pagtuturong online na aking naranasan ay ang mga sumusunod: hindi sapat na kasanayan sa paggamit ng google classroom, pag uupload ng mga gawain sa classwork, mabagal at kawalan ng akses ng internet, problemang teknikal sa laptop o gadyet (kabilang ang sounds at camera), kakulangan o insufficient mobile data at kaalaman sa paggamit ng teknolohiya at online platform ng mga mag-aaral.
Dagdag pa sa hamon na aking naranasan at bilang isang guro sa araling Filipino, may isang takot sa bahagi ng aking puso at isipan dahil ang wika at komunikasyon ay nababahiran o nasasamahan na ng mga hiram na wika dahil sa mga online platform o kagamitang pagtuturo gamit ang internet ay nasusulat sa wikang ingles o banyaga, isang hamon din sa pagpapanatili ng paggamit ng Wikang Filipino.
Ang buong sistema ng online na pagtuturo, ay naka-angkla sa malakas na koneksyon ng internet. Ang DepEd at iba pang ahensya ng pamahalaan na kasama sa pagsulong ng edukalidad ay nararapat na bigyan pansin ang internet connectivity sa buong bansa. Pagtuunan rin na maglagay ng pondo para sa pagbili ng desktop, laptop at mobile devices para sa mag-aaral at guro. Nararapat na magkaroon ng dagdag na training ang mga guro sa paggamit ng google classroom at virtual na pagtuturo. Dapat din pagtuunan ang pagbibigay tulong kaalaman sa mga mag-aaral sa paggamit ng iba’t ibang online platform na ginagamit ng guro sa pagtuturong online, tulad ng flyers, manwal at online na patalastas sa tv, radyo at social media.
Ang bagong normal sa edukasyon ay kayang-kaya kung bukas tayo sa pagbabago!