Return to site

MUNTING KAYAMANAN NG DALAMPASIGAN

ni: JUDY ANN C. TARROBAGO

“Apoooo! Halika na at aalis na tayo!” masayang sigaw ni Yayo, ang tinig niya’y parang kampana ng kapilya sa umaga—malinaw at puno ng sigla. Sa kanyang kamay ay nakasabit ang bayong na yari sa buri, at mula rito’y sumisilip ang dalawang kahon na may katatamtamang laki.

“Opo, Yayo!” sagot ni Loki, habang dinudukot ang maliliit niyang tsinelas na nakasilong sa ilalim ng lamesang kawayan. Patakbo siyang lumapit at inabot ang bayong mula sa kamay ni Yayo. “Ako na po ang magdadala nito,” aniya habang nakangiti na abot-tenga. “Maliligo na po ba tayo sa dagat?”

Napatawa si Yayo, saka marahang hinaplos ang buhok ng kanyang apo. “Alam ko naman,” wika niya nang may halong tampo pero pabiro, “dagat talaga ang unang pumapasok sa isip mo kaya gusto mong magbakasyon dito.”

Bahagyang ngumiti si Loki habang yumapos gamit ang isang kamay. “Hindi lang po ‘yon, Yayo,” sabi niya nang may lambing sa tinig. “Gusto ko rin po kayong makasama. Sabik lang po talaga ako maligong muli dahil bihira po ‘yun sa Maynila.”

Nakangiti si Yayo, para bang ipinagpapatuloy ang biro niya kanina. “Mabuti naman kung gano’n,” aniya. “Pero sa ngayon apo, pupunta muna tayo sa headquarters malapit din sa dagat.”

“Headquarters?” tanong ni Loki, agad na nag-angat ng tingin. “Sa mga pulis po ba, Yayo?” Napahinto siya, tila nag-aalangan kung itutuloy ang iniisip, pero hindi maitago ang kislap sa kanyang mga mata. Natawa si Yayo sa inosenteng hula ng apo, ngunit piniling hindi muna sagutin.

Habang naglalakad sila palabas ng bakuran, napansin ni Loki ang mga tao sa paligid—may mga abalang nagwawalis ng mga lansangan, habang ang hangin ay puno ng halimuyak ng bagong lutong pagkain na sumisingaw mula sa mga kusinang pansamantalang itinayo sa gilid ng kalsada. Ang mga kulay ng banderitas ay kumikislap sa magandang sikat ng araw, at ang malumanay na tugtugin ng tambol ay dumadagundong mula sa malapit na sentro ng bayan ng Naic. Minsan, may mga grupo ring dumadaan na nakasuot ng makukulay na kasuotan, nagbubunyi at nagpapakita ng sayaw na puno ng galak.

Nang makarating sila sa dalampasigan, bahagyang lumulubog sa malambot na buhangin ang kanilang mga paa, na para bang tinatanggap ng lupa ang bawat hakbang. Sa di-kalayuan, maaninag ang isang malaking kubo na yari sa pawid, nakatayo ilang metro mula sa buhanginan. Napapalibutan ito ng bakod na kawayan, at sa itaas ay nakasabit ang makukulay din na banderitas na sumasayaw sa ihip ng hangin. Sa paligid, nakasampay ang mga lambat at nakahilera ang mga kahoy na bangka. Humahaplos sa kanilang pisngi ang malamig na hangin, may halong alat ng dagat at amoy ng nilulutong ulam, tila paalala na malapit na sila sa kanilang paroroonan.

“Ayan na pala si Yayo!” sigaw ni Aling Gene, isang byuda, habang abala sa pagtutupi ng lambat.

“Yan ba si Loki?” tanong ni Mang Rael, na noo’y nag-aayos ng bangka.

“Oo,” sagot ni Yayo na may bahid ng pagmamalaki sa tinig. “Magbabakasyon siya rito, katapusan pa kasi ng buwan ang balik-eskwela niya sa Maynila.”

Agad lumapit si Loki at nagmano sa lahat ng matatanda, dahilan para siya’y purihin bilang magalang na bata. Pagkatapos, iniabot niya ang dalang bayong kay Aling Des, na agad sumilip at napangiti. “Ay, ayos! Ang espesyal na muché ni Yayo,” wika nito.

“Ay, paborito ko ‘yan!” ani Pao, dalawampu’t isang taong gulang na anak ni Aling Gene, habang may pilyong ngiti at kunwaring aabot na sa bayong. Pero bago pa siya makadampot, mabilis na tinapik ni Aling Gene ang kanyang kamay. “Mamaya na, pagkatapos ng tanghalian,” saway nito. Napatawa si Pao kasabay ng ilang mga naroroon.

Kahit abala ang lahat sa kani-kaniyang gawain, masaya pa rin nilang binati sina Loki at Yayo.

“Yayo… ito na po ba ‘yung tinatawag ninyong headquarters? Bakit wala pong pulis? O, pulis po silang lahat? Bakit po tayo nandito, at ano po ang gagawin natin?” pasimple at mahinang sunod-sunod na tanong na puno ng pag-usisa.

Sumabat ang isang lalaking nakasuot ng asul na sombrero at nakaupo sa gilid habang nag-aayos ng ilang gamit. “Hindi kami mga pulis, ang tawag sa’min ay mga pawikan patrollers. Marami kami, higit sa dalawampu. Yung iba lang ay nasa bahay pa nila.”

Napakunot-noo si Loki. “Pawikan patrollers? Parang mga tanod po ba sa barangay?”

Nagkatawanan ang ilan sa mesa. “Hindi rin,” sagot ng lalaki habang umiiling pero nakangiti, “ang trabaho namin ay boluntaryong magbantay at magprotekta sa mga pawikan at dalampasigan.”

Ipinaliwanag din ni Yayo na ang lahat ng pagkain at gamit ay boluntaryong inihahanda ng mga patroller. “Wala kaming sahod dito, apo. Lahat ng gawain, mula sa pagluluto hanggang sa pagbabantay, ginagawa namin nang walang hinihintay na kapalit maliban sa kasiyahang nakikita naming ligtas ang mga pawikan lalo sa selebrasyon ngayon na para sa kanila.”

Napakunot muli ang noo ni Loki at napatingin sa kanila. “Pawikan? Pagong po ba ‘yun?” seryosong tanong niya.

Tumawa ang ilan sa mga patroller, halatang natuwa sa kanyang interes. “Oo, anak,” paliwanag ni Aling Aya na nakangiti, “parang pagong, pero mas espesyal at sa dagat sila nakatira. Alam mo ba? Kahit saan sila mapadpad sa karagatan, bumabalik pa rin sila dito para mangitlog.”

Lumiwanag ang mga mata ni Loki. “Talaga po? Eh… paano po ninyo sila binabantayan? Hindi po ba sila natatakot?” inosente nyang tanong.

Nagkatawanan ang ilang patroller, aliw na aliw sa mga itinatanong ng bata. Ngunit bago pa muling makapagsalita si Loki, may biglang sumigaw mula sa gilid ng kubo, “Kain na tayo!”

Napalingon ang lahat, at agad naamoy ni Loki ang halimuyak ng iba’t ibang ulam na tila nagyayaya ring makisalo. Napatayo ang ilang patrollers, bitbit ang kanilang plato, habang si Loki naman ay napangiti at napatingin kay Yayo na para bang tahimik na nagtatanong kung puwede ba siyang sumama.

Agad namang ngumiti si Pao. “Halika na, Loki, sama ka sa amin.”

Hinawakan siya ni Yayo sa balikat at dahan-dahang itinulak papunta sa mahabang mesa na gawa sa kahoy, kung saan nakahain ang mga ulam gaya ng sinigang na baboy, adobong manok, ginataang alimasag at pritong tilapia. May nag-abot sa kanya ng plato at kutsara, habang ang isa naman ay naglagay agad ng kanin. “Tikman mo ‘to, Loki, sariwa pa ang isda,” masayang sabi ng isa sa mga patroller.

Pakiramdam ni Loki, kahit bago lang siya roon, para siyang matagal nang kabahagi ng grupo. Natutuwa siya sa mga nangyayari, at naisip na kakaiba talaga ang kasiyahan tuwing pista—lahat ng tao sa paligid ay makikitang may ngiti sa labi.

Sa kainang iyon, masayang ikinuwento ni Yayo kung paano sila nagpapatrol tuwing gabi. “Mas madaling makita kung may pawikan na napadpad sa dalampasigan para mangitlog kapag madilim,” paliwanag niya. “Bitbit namin ang flashlight para matunton ang mga bakas nila sa buhangin. Kapag may nakita kaming guhit o yapak na parang mula sa palikpik, sinusundan namin iyon hanggang makarating sa hukay.”

Sumandig sa upuan si Mang Rael at sumabat, “Doon namin malalaman kung saan nangitlog. Pero hindi namin hinahayaan na manatili lang doon ang mga itlog.” Tumango si Yayo bilang pagsang-ayon. “Maraming panganib kapag naiwan sa mismong lugar. Puwedeng makain ng aso, mga ibon, o kahit mga taong hindi marunong mag-alaga.”

Lalong lumaki ang mga mata ni Loki, parang batang nakikinig sa kwento ng isang mahiwagang palabas. “Bakit po hindi na lang doon sa dagat para mabilis?” tanong niya habang nakasandig ang siko sa mesa.

“Ganito kasi, Loki,” malumanay na tugon ni Pao. “Alam mo ba, sa bawat isang libong hatchling na pawikan, isa o dalawa lang ang nabubuhay hanggang tumanda. Kaya kailangan protektahan sila mula sa simula pa lang.”

Nagtaas ng kamay si Loki na para bang nasa klase. “Eh… hindi po ba hahanapin ng nanay pawikan ang mga itlog niya?”

Umiling si Aling Des at ngumiti. “Hindi na, kasi pagkatapos nilang mangitlog, bumabalik na sila agad sa dagat.”

Tumango-tango si Loki, halatang iniipon ang bagong kaalaman. “Ah… saan po dinadala?”

“Sa sanctuary dito sa headquarters,” sagot ni Yayo. “Dito mas ligtas ang mga itlog hanggang mapisa. Pagkatapos, saka sila pakakawalan sa tamang oras para mas mataas ang tsansang mabuhay.”

Kumislap ang mga mata ni Loki. “Pwede po ba akong makakita ng pawikan sa sanctuary?” tanong niya, halos mabitawan ang kutsara sa pananabik.

Ngumiti si Mang Rael at umiling. “Mamaya pa sa pagpapalaya pagkatapos ng lahat ng mga programa ngayong pista, doon mo sila makikita nang marami.”

“Talaga po?!” halos mapatalon si Loki, at muling napuno ng tawanan ang mesa.

Pagkatapos kumain, sabay-sabay na nagtungo ang ilang patroller sa sentro ng bayan ng Naic kasama si Loki, habang ang iba naman ay nanatili upang magbantay sa sanctuary.

Agad na tumambad sa mga mata ni Loki ang makukulay na banderitas na kumakampay sa hangin, at ang entablado na puno ng dekorasyong may hugis ng pawikan na mula sa malalaking karton hanggang sa mga pinong papel na ginupit na parang palikpik. Samantala, may mga grupo namang sumasayaw na nakasuot ng berdeng tela na may gintong guhit, wari’y ginagaya ang balat ng pawikan.

Napanganga si Loki habang pinapanood ang masiglang indak, sabay sa tugtugin na halatang inspirasyon mula sa hampas ng alon. Sa gilid naman ng kalsada, nakahilera ang mga plakard at slogan na gawa ng kabataang kalahok sa patimpalak na may temang pangangalaga sa pawikan. Hindi rin nagpahuli ang mga magagarang karosa. Dumaan sa harap nila ang mga ito na pinalamutian ng mga pawikan na gawa sa mga materyales mula sa mga lumang gamit. May isa pang may bukal na tila nagbubuga ng bula, at isa naman na kumikilos ang ulo at mga paa na para bang tunay na buhay.

Matapos parangalan ang mga nagwagi sa iba’t-ibang patimpalak, nagtungo silang muli sa headquarters, kung saan nakahanda na ang pagpapalaya sa mga hatchling na pawikan.

Habang lumulubog ang araw, nagliliwanag naman ang mukha ni Loki sa pananabik nang makita niya ang mga basket na puno ng maliliit na pawikan, gumagalaw at kumakampay ang maliliit na palikpik.

“Loki,” tawag ni Yayo, “handa ka na ba?”

Tumango si Loki, halos hindi makapagsalita sa tuwa. Ang buong baybayin ng Naic ay tila naging entablado kung saan ang dagat ay kumikislap sa ilalim ng huling sinag ng araw, at ang hangin ay may dalang malamig na halik mula sa alon.

Lumapit si Yayo at marahang kinuha mula sa basket ang isa sa mga hatchling. “Ganito ang tamang paghawak, apo” paliwanag niya, sabay abot kay Loki. “Hawakan mo lamang sa magkabilang gilid ng matigas na shell, bandang gitna o likuran. Huwag sa ulo o malambot na flippers. Maselan kasi ‘yon, baka masaktan ang hatchling.”

Hinawakan ni Loki ang hatchling gaya ng itinuro ni Yayo, nakatutok ang paningin at maingat ang bawat galaw. Ramdam niya ang bahagyang paggalaw ng maliliit na paa nito, tila sabik na sabik na marating ang tahanang dagat.

“Ilalapag natin sila mga ilang metro mula sa tabing-dagat,” dagdag ni Yayo. “Para sila mismo ang gumapang papunta sa tubig.”

Maingat na lumuhod si Loki sa buhangin. At sa hudyat ng mga tagapangalaga, dahan-dahan niyang nilapag ang hawak na hatchling. Sabay-sabay nilang pinakawalan ang mga munting pawikan patungo sa dagat na parang nagbabasbas sa bagong simula ng mga ito.

Unti-unting gumapang ang mga hatchling patungo sa alon, at nang dumampi ang unang hampas ng tubig, sandali tumigil ang ilan, tila nakikinig sa alon, bago nagsimulang gumapang muli patungo sa dagat.

Sa likod ni Loki, naririnig niya ang usapan ng mga patroller. May halong pagod at saya ang kanilang tinig na tunog ng mga taong nagmamahal hindi lang sa trabaho, kundi sa layunin. Malaki ang naging paghanga niya sa mga naglalaan ng oras para protektahan ang isang kayamanang walang kapalit.

“Yayo,” bulong ni Loki, “sa susunod pong pista… pwede na po ba akong maging pawikan patroller?”

Napangiti si Yayo at hinaplos ang balikat ni Loki. “Oo, apo. Alam mo, ang pawikan, kahit gaano kalayo ang nilangoy, bumabalik pa rin sa pampang kung saan sila nagsimula. Parang ikaw, kahit hindi pista ay maaari kang bumalik dito at maging bahagi ng pangangalaga sa dagat at sa pawikan.”

Napayakap si Loki sa kanyang lola, puso niya’y puno ng tuwa at saya. Ramdam ang pananabik at pangakong sya’y magbabalik para tumulong at makisama sa pangangalaga sa mga munting kayamanan ng dalampasigan.