Return to site

MULING PAGKABUHAY NI

JOHN MICHAEL

ni: KELLY MEGAN P. TAYKO

Hindi kurok ng manok o batingaw ng simbahan ang gumigising sa mga tao ng Baranggay Korba. Nitong mga nagdaang umaga, kapag ang kamay ng orasan ay tumuro na sa alas sais, ang tanging maririnig ay ang nagbabanggaang mga planggana at nagkikiskisang mga balde ng Boysen at 1.5 na litro ng soft drinks. Lahat na ata ng pwedeng pangsalukan at paglagyan, sapbit na nila sa pagitan ng mga braso.

Dalawang linggo na kasing pahirapan ang pag-iigib ng tubig sa kalapit na water-refilling station—katabi ng negosyo ng langis ni mayora sa sentro. At hindi dahil nagkaroon na naman ng malawakang kawalan ng tubig o kulay putik ang binubuga ng mga gripo ng tahanan. Parang ganoon siguro ngunit malalim, mas malalim.

“Naku, yung anak ko nagrereklamo na humihilab daw ang tiyan. ‘Di ko muna pinapasok!” ani ni Aling Ising. “Ilang araw na kaming hindi nag-iigib ng tubig sa Korba. Makatakut ya!” segunda ni Manang Beth.

May bagong usap-usapan kasi na nagpapagulong-gulong sa kalye tulad ng baldeng walang preno: may sakit na dala ang poso sa Korba. Nitong mga nakaraang araw, nagambala ang buong baryo sa sunod-sunod na pagsakit ng tiyan ng kanilang mga anak, na may kasama pang pagdudumi at pagsusuka. Hinala ng marami na galing iyon sa poso ng baranggay, katabi ng malaking puno ng Mangga sa parang, kung saan pangunahing nag-iigib ang mga residente. Mabuti na lang para kila John Michael, may tatlong galon ng mineral water ang nakaimbak sa kanilang budega. Hindi naman talaga nila ‘yun ginagalaw, may pakiramdam lang ang nanay niya na isang araw, magagamit din nila—at dumating na nga araw na iyon.

Una sa mga sawimpalad ang nakababata ni John Michael na si Tere. May negosyo kasi ng tusok-tusok at samalamig yung pamilya niya kaya mahalagang bahagi sa kanila yung tubig sa poso. Bago pa mabuhay si John Michael pati ang nakatatanda niyang kapatid, ilang meryenda na at kumukulong tiyan ang nasagot ng pamilya ni Tere. Kaya nabigla ang lahat at tila suntok sa buwan na ang panghihina ng bata ay bunsod sa tubig poso.

Matapos nito, nagsunod-sunod na ang pagdaragdag ng mga batang nagkakasakit. Ang nakapagtataka ay sa loob ng ilang linggo mula sa pangyayaring iyon, ni isang matanda ay hindi nakaramdam ng kahit anong sintomas, na para bang mapili pa na bata lamang ang nais ng kung ano mang mikrobyong tumatama. Dahil dito, naging pinakamainam na solusyon na naisip ni mayora ay ipatigil muna pansamantala ang pasok sa paaralan ng Baranggay Korba.

Kaya si John Michael ngayon, nakahilata lang sa sopa ng kanilang bahay habang ang mga paa ay malayang nakaakbay sa braso nitong silya. Bakas sa mukha niya ang pagkabagot at pagkayamot sa parehong mukha ni Detective Conan na pinapanood at makailang beses na pasulyap-sulyap sa durangawan. Maya-maya, napabalikwas siya nang makitang naglalakad papalapit sa bahay niya ang kaibigang si Pepoy.

“Oi JM!” sigaw ni Paulo.

“Ika ba yan, Paulo?!” sabik na hiyaw ni John Michael.

Halata sa kanilang paggayak ang matagal na hindi pagkikita. Naubos nila ang isang oras sa hindi mapagmayaw na halakhak, kumustahan na para bang matatanda, at pamatay-oras na mga laro hanggang…

“Hindi tubig sa poso ang dahilan sa lahat ng ito,” walang kaabog-abog na sambit ni Paulo habang natutulala at nahahapong nakaupo. Nakaguhit na lahat ng biro sa mukha niya, ngunit ngayon, wala ni isang ngiti o bakas ng kapilyuhan ang mababanaag sa mga natigilang mata. At sa puntong iyon, naunawaan lahat ni John Michael ang kaniyang pakay sa pagpunta.

“Nanung balak mung gawan?” hindi maganda ang kutob ni John Michael sa kung ano na naman kayang bagay ang pumapasok sa isip ng kaibigan. Hindi rin lubos na mapaliwanag ni Paulo ang nangyayari kaya inanyayaan niya na lang si John Michael na sumama sa kaniya. Habang nagagayak, ‘di na napiligilan ni Paulo na ibahagi ang mga tila hindi pangkaraniwang pangyayaring napapansin niya. Matapos kasing sumiklab ang hindi malamang sakit, halos lahat ng mga kaklase’t kaibigan nila ay parang bulang nagkaroon ng bagong pangalan. Basta na lamang, isang umaga, si Jericho ay naging Tomas; si Dennis ay naging si Vince; at Saldi naging Ivan. Kahit ang mismong mga batang pinalitan, walang malay sa kung ano ang dahilan o para saan iyon lahat.

Nagdaan ang ilang oras at kung saan-saan na nakarating ang dalawa. Doon sa water-refilling station sa sentro nakarating sila, sa merkadong naglipana ang mga barya’t sigaw, hanggang sa malawak na bukiring tanging kalabaw lang ang mababanaag. Ilang oras na ang nakalipas at kung saan-saan na rin sila nakapunta, tiyaka lang pumasok kay John Michael na wala nga pala siyang alam sa kanilang patutunguhan. Palingon-lingon siyang nagtataka, naghahanap ng lugar na maaaring puntahan ngunit sila ay nasa gitna ng kapatagang ni isang anino ay hindi makita. Maya-maya…

“Nandito na tayo,” sambit ni Paulo habang nakaturo sa kubong halos hindi na maaninagan sa mga dahon at gumuguhong nipang nagkukubli sa anyo nito. Sabay pumasok ang magkaibigan at tumambad sa kanila ang ilan pang nagkukumpulang mga bata kasama ang kanilang mga magulang. Ang iba ay tila halos nag-aagaw buhay na sa piling ng haplos sa tiyan ng ina habang ang marami ay nagmamadaling mabigyan ng pangalan.

Sumiksik ang magkaibigan sa pagitan ng mga nag-uunahan at matapos ang ilang minutong paghihintay, nahanap nila ang sarili sa harap ng albularyo. “Pangalan?” ang unang tanong sa kanila ni Tata Ino. May pagtataka pa sa matanda nang makitang mag-isa lamang ang dalawang bata at halos naliligaw pa sa pinuntahan.

“John Michael po.”

“Paulo po.”

Mula sa inuupuan, hinalungkat ni Tata Ino ang kahon sa kaniyang paanan at dumukot ng isang babasaging bote na tila nilalaman ang langis-pampahid. Tinakpan niya gamit ang hintuturo ang bukanan nito sabay ikiniling, ngunit nang ipapahid na sana ito sa noo ni Paulo, mabilis itong lumihis.

“Sagli lang ho!” natatakot na hiyaw ni Paulo habang ang lahat ng mata ay nakatingin sa kanila. Saglit na natigilan ang albularyo hanggang hindi na niya napigilang tanungin ang totoong pakay ng dalawang bata. Ani niya pa na kung sasayangin lamang nila ang kaniyang oras, mas mabuting lumisan na lamang sila dahil patuloy ang pagdagsa ng mga tao sa kubo.

“Gusto po naming malaman…” mabilis na segunda ni John Michael. “...kung ano ang nangyayari.” Hindi agad naunawaan ng matanda ang nais niyang malaman ngunit sa kanilang nagugulumihang mga mata, naintindihan niyang may kinalaman iyon sa kaniya. Pinayuhan ni Tata Ino si John Michael at Paulo na kung may ninanais sila sa kaniya, maupo na lamang sa tabing bangko at hintayin ang matanda na matapos sa kaniyang isinasagawang panggagamot.

Ilang oras ang dumaan at nahanap ni Tata Ino ang dalawa na malalim na nakain ng pagkaidlip sa balikat ng isa’t isa. Nang magising na ang mga ito, hinandugan sila ng makakain habang pinapaupo sa lumalangitngit na bangko.

“Hindi naman talaga ang poso ng Korba ang may kagagawan sa pagkakasakit sa baryo,” mariing panimula niya habang maingat na hinahati ang hinandang Tibok-tibok sa platito. Bago pa man masawsawan ng kung anong katanungan o kagitlahanan, sinabi niyang naglipana na ulit ang mga elemento’t espiritong matagal ng nakabaon. At sa pagkakataong ito, ang enerhiya ng mga bata ang kanilang sinasaid—doon sa parang, sa ilalim ng manggahang naging lugar-kasiyahan na nila.

“Bakit po madaming pumupunta sa inyo para sa pangalan?,” disididong malaman ni John Michael kung ang biglaang paglitaw ng mga bago at ‘di pangkaraniwang pangalan ng kaniyang mga kaklase ay bunsod din ng pangyayari. Sumagot ang matanda, “Para iyon sa proteksyon. Naniniwala tayong mga kapampangan na ang mga batang tulad niyo ay madaling kapitan ng mga sakit at mga bagay na naglalakad sa mundo na malabo nating makita. Upang ilihis lahat ng ito, binibili ang sakit at binibinyagan muli ang tao ng bagong pangalan, sa paniniwalang magkakaroon ito ng panibagong anyo ng buhay—iyong mas ligtas at mas matibay.”

Ayun pala ‘yun. Kaya pala ganoon. Ninamnam muna nila John Michael at Paulo ang bawat salita ng matanda, malalim na pinoproseso ang mga kaganapang pangkaraniwan sa kanila. At matapos lahat ng iyon, bumuntong-hininga si John Michael at sinabi, “Handa na po kami.”

Muli, kinuha ni Tata Ino ang bote niyang langis at ikiniling ito sa kaniyang hintuturo, sabay nagpahid ng Crus sa noo ng dalawa. “Bibilin ko na po,” inabutan niya ito ng piso sabay dinasalan ang dalawa. “Simula din ngayon, ikaw John Michael ay magiging Janjan, at ikaw Paulo bilang Pepoy.”

Paglabas nila sa kubo ni Tata Ino, hindi pa man tuluyang lumubog ang araw ay ramdam na nila ang pagbabago. Hindi dahil sa mga bagong pangalang nakatakda sa kanilang mga labi, kundi sa bigat na parang nawala sa kanilang mga dibdib. Ang dating pagkakabalisa at takot ay napalitan ng katahimikan na hindi nila lubos maunawaan.

Sa mga sumunod na araw, ang mga batang dating may sakit ay nasa labas na ng kanilang mga tahanan, naglalaro at tumatawa. Si Tere ay masigla ng kasa-kasama ng kaniyang mga magulang sa pagtitinda ng tusok-tusok; ang kanilang negosyo ay muling bumangon at lumago. Nagsimula na rin muling mag-igib ang mga tao sa poso nang walang takot, bumalik na sa paaralan ang mga bata, at bumalik ang tahimik na umaga sa Baranggay Korba.

At minsan, kung magiging maingat ka sa pakikinig, maririnig mo si Janjan at Paulo na nagkukuwentuhan tungkol sa araw na iyon—hindi bilang takot na alaala, kundi bilang simula ng kanilang pag-unawa na ang mundo ay mas malawak at mas misteryoso kaysa sa kanilang akala. Na minsan, ang solusyon sa mga problema ay hindi nakasulat sa mga libro o nakita sa telebisyon, kundi nakatago sa matatandang karunungan ng aming mga ninuno na patuloy pa ring nabubuhay sa mga taong tulad ni Tata Ino.